Part 24

30.8K 902 26
                                    


PARA BANG narinig ni Choi ang pagtawag ni Lorie rito sa isip niya dahil bigla itong bumaling sa kanila. Sa kabila ng shades ni Choi ay alam ni Lorie na nagtama ang mga mata nila. Napansin niya iyon sa biglang pagderetso ng tayo ng binata at mabilis na pagsasara sa pinto ng sasakyan nito. Awtomatikong sumikdo ang puso ni Lorie nang magsimulang lumakad si Choi patungo sa kanila na ni hindi man lang nag-abalang tumingin sa paligid nito. Bakit ngayon pa nagpakita si Choi kung kailan may ibang kailangang isipin si Lorie? Bakit kailangan pa nitong makisabay sa pagdating ng ate niya na maraming taon na niyang hindi nakikita?

Nang sa wakas ay huminto na si Choi sa pinakaharap ni Lorie ay noon lamang niya napagtanto na pigil pala niya ang kanyang hininga. Ilang segundong katahimikan ang namagitan sa kanila nang sa wakas ay magsalita si Choi.

"At last, I found you."

"Daddy!" masayang tili ni Maja bago pa magawang magsalita ni Lorie. Bago pa rin siya makakilos ay yumakap na ang bata sa binti ni Choi na agad na nagbaling ng tingin sa bata. Napamaang si Lorie nang sumungaw ang masayang ngiti sa mga labi ni Choi nang haplusin nito ang ulo ni Maja.

"Hello, brat. Did you miss me?" tanong ni Choi sa bata na sunod-sunod namang tumango. "I can't blame you dahil tatlong araw tayong hindi nagkita," dugtong nito, sabay baling kay Lorie. "At muntik nang madagdagan pa ang mga araw na iyon dahil may isang tao rito na malakas ang loob na patayin ang cell phone niya at hindi ako kontakin," wika nang binata na may pagbabanta sa tinig.

Natauhan si Lorie at muling bumalik ang inis na naramdaman niya para kay Choi. Mariin niyang naitikom ang kanyang bibig at hindi nag-iwas ng tingin. "Sa pagkakaalam ko ay hindi ka naman interesadong malaman kung ano'ng nangyayari sa kanya kaya hindi ko na inabalang gawin iyan," sagot ni Lorie.

Tumigas ang anyo ni Choi at pinakatitigan siya. "You're making me mad, Lorie. You really do," mahina ngunit mariing sagot ng binata. Ngunit masyadong inis si Lorie kay Choi para makaramdam ng takot sa sinabi nito.

"Lorie, may bisita ka pala," puna ng isang kapitbahay niya na mukhang hindi na nakatiis na makiusyoso. Noon lamang nabaling sa mga tao ang pansin ni Lorie at nakitang nagkandahaba ang mga leeg ng mga kapitbahay niya sa pagtingin sa kanila. Nag-init ang mga pisngi ni Lorie sa pagkapahiya.

Alanganin siyang ngumiti. "O-oo nga ho," wika ni Lorie at mabilis na sumulyap kay Choi. "Pasok," aniya rito. Hindi na siya nagdalawang-salita dahil mukhang kahit si Choi ay nakaramdam ng pagkailang. Binuhat nito si Maja at pumasok sa bahay niya. Lumapit si Choi kay Kai at tinapik ang bata sa ulo nito na agad na ngumiti. Napabuntong-hininga si Lorie at mabilis na isinara ang pinto pagkatapos ay ang kurtina ng bintana bago hinarap uli si Choi. "Hindi ka dapat nagpunta rito. Baka nasa balita ka na naman bukas," wika ni Lorie na hindi naiwasan ang himig ng sarkasmo sa tinig niya.

Ibinaba ni Choi sa kawayang upuan si Maja at inalis ang shades nito. "I've a better disguise today," ani Choi.

Nanlaki ang mga mata ni Lorie. "Mukha bang disguise ang magarang sasakyang dala mo?" Oo nga at hindi iyon kasinggara ng kotse ni Choi na nasa garahe ng condominium building nito ngunit mamahalin pa rin ang dala ng binata.

Kumunot ang noo ni Choi. "The Land Rover was the simplest car in my ancestral house's garage," paliwanang nito.

Napabuga ng hangin si Lorie. Ang pinakasimpleng sasakyang iyon ay tila ipinapamukha sa kanya kung gaano kalaki ang agwat ng buhay nila ni Choi. Natigilan si Lorie. Ano naman ngayon sa kanya ang agwat na iyon? Umpisa pa lang naman ay alam na niya iyon at hindi naman niya inalala iyon. Bakit ngayon...

"Lorie, let's talk," seryosong sabi ni Choi.

Sinalubong ni Lorie ang mga mata nito. Hindi niya nagawang sumagot dahil may kung ano sa kislap ng mga mata ni Choi na biglang nawala at napalitan ng matiim na ekspresyon. Na tila ba sinasabi na nito na hindi ito papayag na tumanggi siya.

Bumuntong-hininga si Lorie at napahawak sa sentido niya dahil may biglang pumitik doon. "Okay. At least alam kong nag-aalala ka kay Maja kaya ka nandito. Ibig sabihin kahit paano importante siya sa 'yo," sumusukong sabi niya.

"Of course she is. She's my daughter," ani Choi.

Tinitigan ni Lorie ang binata at nakita niya ang sinseridad at determinasyon sa mukha nito na noon lamang niya nakita rito. May init na humaplos sa dibdib niya. Noong unang nakita ni Lorie si Choi ay hindi niya naisip na makikitaan niya ito ng ganoong determinasyon. Na tila ba kapag may nagtangkang manakit kay Maja ay lalaban din ito ng patayan. Bigla ay tila bulang napalis ang mga hinanakit at inis ni Lorie sa binata. Hindi niya napigilan ang sariling mapangiti nang matamis. "Mabuti naman."

The Prince's Scandal Trilogy: CHOI AND THE BABYSITTERTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon