0| Window to Your Soul

73 3 2
                                    

"Isa na lang, isa na lang! Lalarga na!" Sigaw ng barker ng jeep na nakatigil sa may kanto.

Maraming pasahero ang nag-aabang ng sasakyan ngunit madalang ang dumadaan tapos ipipilit na pagkasyahin pa ang lima sa espasyo para lamang sa isa. Ano bang bago? Ganito naman talaga ang senaryo tuwing umaga sa lugar namin.

Napatingin ako sa naninilaw ko ng relo, Alas sais y media na ng umaga. Isang oras ang byahe papuntang skul at nakasisiguro akong mali-late na naman ako dahil malayo-layo pa ang tatakbuhin ko sa lawak ng eskwelahan namin.

May tumigil na jeep sa kanto para magbaba ng pasahero. Madaming sumugod at dahil late na rin ako, nakipag-unahan na lang ako sa iba pa. Sasakay na dapat ako kaso senior citizen ang katabi kong nagbabalak ding sumakay kaya nagpa-ubaya na ako. Pinili kong sumabit sa likod ng jeep kasama ng isa pang lalaking sa tingin ko ay isang construction worker. Sanay naman ako na sumasabit sa jeep kapag ganitong rush hour. Mas okay na ito kesa maghintay pa ng panibagong jeep.

"Bayad po! Wences U po, isang estudyante." Sigaw ko habang ipinapasuyo ang bayad ko.

Ang traffic. Nakakangawit din. Mabuti na lang at may bumaba sa tapat ng LRT station kaya nakaupo kami ni kuyang construction worker.

"Sa tabi lang po!" Sigaw ko at pagkatigil ng jeep ay kumaripas na ako ng takbo papasok sa campus.

Isang daan lamang ang baon ko araw-araw at ang kalahati noon ay napupunta sa pamasahe balikan pauwi ng bahay kaya tinatakbo ko na lamang papunta sa building namin kahit mayroon namang tricycle at jeep sa loob ng campus. Masyado kasing mahal ang singil nila.

Hindi naman ako ipinanganak na mayaman katulad ng mga nag-aaral dito na may sariling sasakyan kaya hindi ako pwedeng magsayang ng pera. Kaya ko namang takbuhin, mas maganda nga iyon, nakakapag-exercise ako.

"Good morning ma'am. Sorry I'm late." Hinging paumanhin ko nang maabutang nagle-lecture na ang prof namin. Nakatungong pumasok ako sa loob ng room at nagtungo sa likod na bahagi.

"What's your name again, Mr.?"

"Exekiel Gomez po, ma'am." Magalang na sagot ko at naupo na.

"I'm not allowing any late comers to attend my class so get out now." Masungit na sabi nito habang nakaturo pa sa pinto.

Tsk. Bakit may mga taong makitid ang utak? Sana man lang pinagpaliwanag niya ako. Pero sino nga bang makakaintindi na working student ako kung nasa prestihiyosong paaralan ako? Nakapasok lamang naman ako dito dahil dito nagtatrabaho ang tita ko at siya ang gumagastos para sa tuition fee ko. Pero ang monthly living allowance ko, ako ang dumidiskarte.

Lumabas ako ng room kahit labag sa kalooban ko. Sana pala hindi na lang ako nagmadali, sana hindi ako nagpakapagod tumakbo. Sana hindi na lang ako pumasok tsk.

Tahimik sa hallway dahil class hour ngayon. Ako lamang ata ang estudyanteng naglalakad dito kaya nagmadali akong makalabas ng building ng Senior High Students.

Napadpad ako sa malawak na field ng campus. Mahangin, malayo sa mga toxic na tao. Umakyat ako sa malaking puno at doon nahiga para walang makakita sa akin. Dito na lang muna ako habang naghihintay ng sunod na klase ko.

Hindi naman sa ayoko sa mga tao dito pero parang ganon na nga. Mayayaman kasi ang nag-aaral dito at katulad ng mga nangyayari sa telenobela, tinatapak-tapakan lang nila ang mga pobreng katulad ko. Totoo iyon. Maraming bully sa mga ganitong Unibersidad. Kaya hangga't maaari, ayokong sumasama sa kanila, magiging alalay lamang naman nila ako e, ang uutos-utusan nila na gumawa ng mga pranks at tagasalba ng dignidad nila kapag napapaaway sila.

May kaibigan naman ako, pero dahil mayaman sila, hindi ako ganoon pinapansin. Hindi ko rin naman kasi naiintindihan ang mga pinag-uusapan nila. Masyadong sosyal ang mga bagay na meron sila at alam kong hindi ako magkakaroon ng ganon kung hindi nila ibibigay ang pinaglumaan nila. Pero ayokong tumanggap ng pinaglumaan nila, ayoko ng kahit anong galing sa mayayaman dahil hindi ako nabibili ng pera at ari-arian kagaya ng ina ko.

Window To Your SoulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon