ILANG segundong inintindi ko ang tanong ni Sir Rolf. Bakit ang tono niya ay parang may kasalanan ako?
"Hindi," sagot ko sa tanong niya. "Wala naman kasi, eh. Wala akong alam na masamang ginawa ko para sumama ang mukha n'yo tuwing lumalapit ako. Wala rin akong alam na dahilan para magbago ang mood n'yo tuwing nakikita n'yo ako. Maiintindihan ko pa kung naaasar kayo sa pagmumukha ko, Sir Rolf, eh. Matagal ko nang alam na pangit ako. Na hindi kaaya-aya sa paningin ang hitsura ko. Kung 'yon ang dahilan—"
"Ilang beses pa lang tayong nagkakaharap, alam mo na agad na nagbabago ang mood ko 'pag nakikita kita?" putol ni Sir Rolf.
"Napansin ko lang naman."
"Sigurado ka bang ikaw ang dahilan?"
"Parang..."
"At iniisip mong napapangitan ako sa 'yo kaya ganoon?"
Walang buhay ang naging pagngiti ko. "Hindi naman kayo ang unang napangitan sa akin kaya ayos lang naman, Sir Rolf—" nabigla ako nang biglang hinagip ni Sir Rolf ang bisig ako at hinila niya ako patungo sa banyo. Natagpuan ko na lang ang sarili kong nakaharap sa repleksiyon namin ni Sir Rolf sa salamin.
"Ano'ng nakikita mo?" tanong niya, nakatitig sa repleksiyon ko sa salamin.
"R-Repleksiyon natin..."
Hindi umimik si Sir Rolf pero lumipat sa likuran ko. Naramdaman ko na lang na mahigpit niya akong hinawakan sa mga balikat. Bumalik sa salamin ang tingin ko, nakaawang pa ang mga labi.
"Huwag ako ang titigan mo, Maria Adelaida."
Huling-huli sa salamin ang pagngiwi ko. Kailangan ko na yatang masanay sa ganoong tawag niya sa akin. Parang napasong ibinalik ko nga ang tingin sa sarili kong repleksiyon. Hindi pa rin binibitawan ni Sir Rolf ang balikat ko. Ibinaba rin niya nang bahagya ang sarili para magpantay ang mga mukha namin.
"Ano'ng nakikita mo?" ulit niya sa tanong.
"Ako..."
"Ikaw na ano?"
"Na negra. Babaeng maitim. Pangit. Mata at ngipin lang ang maputi kaya mas bagay sa dilim. Walang ganda kaya dapat laging nasa likod lang. Utusan ng magandang kapatid. Nasa tagong lugar lagi kasi hindi presentable..." at hindi ko napigilan ang mapait na pagngiti. Nakatitig na ako sa mga mata ko sa repleksiyon. "Minsan, ang hirap intindihin ng mundo, eh. Masyadong mapanghusga. 'Yong maganda kong kapatid na gusto ng lahat, na hinahangaan ng lahat ng lalaki sa amin? Na crush ng nag-iisang lalaking hindi pangit na negra ang tingin sa akin? Na paborito ni Nanay? Ano'ng ginawa? Iniwan ako...Iniwan ako na hindi man lang nag-aalala kung ano'ng buhay ang babagsakan ko. Pero dahil siya ang maganda at mabait na anak, ang sasabihin ng mga tao—tama lang ang ginawa niya. Gaganda ang buhay niya sa ibang bansa. At dahil ako ang pangit na negrang kapatid, bagay lang sa akin ang sinapit ko. Hindi ba unfair? Ang lupit lang talaga ng mundo—bakit ko ba sinasabi sa inyo 'to—" kumilos ako para lumayo pero hinigpitan ni Sir Rolf ang hawak sa balikat ko. Napalitan akong manatiling nakatayo sa puwesto ko. Hindi na ako tumingin sa salamin para itago ang nagbabantang luha. Hindi ko talaga mapigilang masaktan tuwing naaalala ko ang ginawa ni Ate Cacay sa akin.
"Nasaan ang babaeng sinasabi mo?" si Sir Rolf at naramdaman kong inangat niya ang baba ko gamit ang likod ng palad. Napilitan akong tumingin uli sa salamin—hayun at nalantad ang namamasa kong mga mata. "Ang pangit? Hindi ko makita."
Umiling lang ako, mapait ang ngiti. Hindi ko alam kung ano ang ibig niyang sabihin. Ang alam ko lang, habang tumatagal na nakatingin ako sa sarili kong repleksiyon ay mas nasasaktan ako. Ipinapaalala kasi ng nakikita ko sa salamin na iyon ang mukhang dahilan kung bakit ko naranasan ang lahat ng naranasan ko. Siguro kung naging maganda ako gaya ni Ate Cacay, naging iba ang kapalaran ko. Hindi ko na nga matandaan kung kailan ang huling beses na nagtagal ako sa harap ng salamin.
![](https://img.wattpad.com/cover/55512555-288-k766224.jpg)
BINABASA MO ANG
Si Santa at Ako (Published. 2015) PREVIEW ONLY
RomantikUnedited version. Ako si Maria Adelaida Matimtiman Brown. Daday Negra ang tawag sa akin. Childhood wish ko ang mayakap si Santa Claus sa Pasko pagkatapos akong bigyan ng regalo. Sir Amante ang tumupad ng wish na iyon. Ang kapalit ay pakiusap na tu...