Isang Kaibigan

669 29 0
                                    

HINDI ko inaasahan na nang mga sumunod na araw ay mas maraming pagkakataon nang makakasama ko si Sir Rolf. Una, sa umaga—kumakain na siya ng niluto kong almusal. Pangalawa, ang Huwebes na pagkatapos ng tanghalian siya umaalis—sumasabay pa rin siya sa akin sa tanghalian. At ang gustong gusto ko sa lahat, hindi na alas dos ng madaling-araw ang uwi niya. Pinakamatagal na ang alas diyes ng gabi. Hinihintay ko siyang dumating bago ako mag-hapunan kaya sabay pa rin kami. Wala mang madalas na kuwentuhan dahil naaalangan akong magsimula ng usapan kapag tahimik siya, sapat na sa akin na nakikita ko si Sir Rolf na kumakain sa tamang oras. Hindi ko mapigilan ang sarili kong lihim siyang sulyapan habang kumakain. Naaaliw at natutuwa akong panoorin siya.

Pagsapit ng Biyernes, alas otso pa lang ay dumating na si Sir Rolf—nang may kasama. Isang matangkad at maputing babae na mas maganda pa sa artista. Sa kinis ng balat ay nakakahiyang lumapit at tumabi. Pagkakita ko sa kanya, mas naging malinaw sa akin kung gaano naiiba ang kulay ko. Sinabi ko sa sarili na iiwasan kong dumikit sa babae o mas makikita ko lang kung gaano kapangit ang balat ko.

"Hi!" ang babae pagkakita sa akin. Nakangiti na parang magkaibigan kami. Hindi ko inaasahan iyon kaya napangiti rin ako.

"Hi din sa 'yo, Ma'am," tugon ko.

"Rolf, hindi ka nagkukuwento!" sabi ng babae kay Sir Rolf na dere-deretso namang pumasok sa silid. Ang babae ay naupo sa sala, itinaas pa ang mga paa. "Ano'ng name mo?" tanong niya sa akin, nakatayo na ako para ihanda ang hapunan.

"Daday po, Ma'am."

"Aireen ang name ko," sabi ng babae. "Matagal ka na ba rito?"

"Wala pang dalawang linggo, Ma'am," sagot ko, "Iiwan ko po muna kayo. Ihahanda ko lang ang mesa para sa hapunan."

"Oh," aniyang tumayo at sumunod sa akin. "Tutulungan na kita." Hindi ko inaasahan iyon. Naisip ko, bagay kay Ma'am Aireen ang maamo at magandang mukha. Maganda rin ang ugali niya. Kung ibang babae siguro na ganoon kaganda at bisita pa ni Sir Rolf, mas pipiliing pagsilbihan kaysa tumulong. Hindi bago sa akin ang mga nakakaangat sa buhay na mapang-mata ng mga taong mas mababa sa kanila. Ilang beses rin akong naisama ni Nanay noon sa mga mayayamang pamilya kung saan siya ume-ekstra sa bayan. Sa tatlong pamilyang iyon, ramdam kong 'utusan' lang na dapat magsilbi ang tingin nila sa mga kasambahay. May mga anak pang malupit kung manlait, pati kulay ko idinamay. Ipinagtanggol ako ni Nanay nang isang beses—naging dahilan para mawalan siya ng ekstrang trabaho. Pinagalitan man niya ako pagkatapos, natuwa ako. Niyakap ko pa nga siya. Naramdaman ko sa isang pagkakataong iyon na mahal din pala ako ni Nanay. Akala ko, si Ate Cacay lang ang handa niyang ilaban ng patayan.

Inakala kong lahat ng may kaya sa buhay ay gaya ng tatlong pamilyang iyon. Nang mapunta ako sa pamilya Verracia at nakilala ko si Sir Amante, naisip kong hindi pala lahat ng may maalwang pamumuhay ay nang-aapi ng kapwa dahil mas mababa ang mga iyon sa kanila. At ngayon, heto si Ma'am Aireen—ang isa pang patunay na hindi dahil biniyayaan ng ganda ay mang-aapi na nang isang gaya kong pinagkaitan niyon.

"Naku, Ma'am, hindi na!" agad tutol ko. "Kaya ko na. Magpahinga na lang kayo sa sofa—"

"Gusto kong gawin," agap niya. "Hindi mo ako mapipigilan, Daday. Kahit isumbong mo pa ako kay Rolf." Nakangiting sabi niya. "Ano'ng niluto mo?"

Bigla akong nahiyang sumagot. Prito lang naman ang tama kong nagagawa, steamed na gulay na utos at turo ni Sir Rolf at isang putahe na natutunan ko kay nanay—tinolang manok. Bukod sa mga iyon, eksperimento na ang mga luto ko na kadalasan palpak kaya inuubos ko na bago pa man dumating si Sir Rolf at tikman iyon.

"Fried chicken, Ma'am," sagot ko. "Prito lang naman ang nagagawa ko ng tama pagdating sa pagluluto. Iba't-ibang klase ng prito." Kasunod ang tawa. Tumawa rin si Ma'am Aireen. "Hindi naman ako kusinera, Ma'am, eh. Tagalinis lang. "Napagtitiyagaan naman ni Sir Rolf kaya hindi pa niya ako tinatapon pabalik ng Corazon." Kuwento ko pa. "At pinakuluang mga gulay na 'steamed' daw ang tawag sabi ni Sir Rolf. Palpak 'yong subok ko ng sinigang kahapon kaya hindi ko na inulit. Inubos ko na bago pa malaman ni Sir Rolf na nagsayang lang ako ng sangkap. 'Sabi naman kasi ni Ate Mimay— 'yong kusinera nina Sir Rolf, palalambutin lang ang karne, lalagyan ng sangkap 'tapos kangkong at pang-asim, ewan ko ba kung bakit naging gano'n ang lasa ng sinigang ko."

"Ano'ng lasa?" susog ni Ma'am Aireen, natatawa.

"Wala nga, Ma'am, eh. Walang lasa. Alat lang. Sobrang alat!"

Tumawa si Ma'am Aireen. Sa anyo ay mukhang gaya ni Sir Amante, gusto rin niyang makinig sa walang sense na mga kuwento ko.

"Lutuin mo 'yon kapag may babaeng bisita si Rolf," bulong niya sa akin, pilya ang ngiti. Napatitig ako sa kanya, parang may kahulugan ang ngiti niya. "Lalo na kung 'yong babaeng short-haired na litaw ang panty kung magdamit," dagdag niya kasunod ang matunog na tawa. Inaayos na niya ang mga plato at kutsara sa mesa.

"Litaw ang panty, Ma'am?"

"Shhh," saway niya at tumingin sa direksiyon ng silid ni Sir Rolf. "Secret lang natin 'yon, Daday." Ngiting-ngiti pa rin si Ma'am Aireen. May bigla tuloy akong naalala.

"Ma'am, 'yong sinasabi n'yong litaw ang panty kung magdamit, 'yon rin kaya 'yong babaeng tumatawag kay sir Rolf na ungol nang ungol na parang mamamatay na?" seryosong tanong ko.

Ang lakas ng naging pagtawa niya. Pinanood ko siyang tumatawa habang ngiting-ngiti rin ako—iyon ang eksenang inabutan ni Sir Rolf na nagpalipat lipat sa aming dalawa ang tingin. Biglang tumalikod si Ma'am Aireen, sa anyo ay pinipigilan ang pagtawa. Tinungo niya ang refrigerator at naglabas ng malamig na tubig at nagsalin sa baso. Sa akin siya nakatingin habang umiinom.

Nagpipigil naman akong pakawalan ang ngiti. Siguradong mag-uusisa si Sir Rolf kung ano ang pinag-uusapan namin at ganoon na lang kalakas ang tawa ni Ma'am Aireen. Humila ng isang upuan si Sir Rolf at naupo na, kay Ma'am Aireen nakatutok ang nagtatanong na tingin. Maagap naman akong nagpaalam. Nagdahilan akong tatawagan si Sir Amante kaya hindi ako sasabay sa hapunan.

"Daday!" tawag ni Ma'am Aireen. "That's not fair, girl!" tumatawa na naman siya. Hindi ko tuloy napigilang tumawa rin nang lumingon ako.

"Kumain ka nang marami, Ma'am!" at itinuloy ko na ang paglayo. Naririnig ko pa rin ang tawa ni Ma'am Aireen hanggang nasa tapat na ako ng pinto ng silid ko.

Sila ni Sir Rolf ang naghapunan nang sabay.

Paglabas ko para magligpit ay nakaayos na sa kusina. Wala na akong gagawin. Nasa silid na pareho sina Sir Rolf at Ma'am Aireen. Napangiti ako. Kung ang babae ang girlfriend ni Sir Rolf ay walang dapat ipag-alala si Sir Amante. Sa tingin ko ay mabait ang babae. Pero kung si Ma'am Aireen ang girlfriend, sino naman ang babaeng kung magdamit ay litaw ang panty?

Naalala ko ang tunog ng tawa ni Ma'am Aireen kanina.


Si Santa at Ako (Published. 2015) PREVIEW ONLYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon