Journal

671 28 3
                                    

NAG-AAGAW antok ako sa silid mag-aalas dos ng hapon nang marinig ko ang tunog ng cell phone. Nawala ang antok ko, napabalikwas. Walang ibang nakakaalam ng numero ko kundi si Sir Rolf kaya walang ibang magte-text sa akin kundi siya lang.

Nasa silid nang sandaling iyon si Sir Amante, nagpapahinga. Ako naman ay tapos na sa trabaho kaya bumalik na sa silid. Ang mga kasamahan ko ay abala na sa panonood ng telebisyon. Tapos na rin ang mga ito sa kanya kanyang gawain.

Mabilis na inabot ko ang cell phone.

Maria Adelaida?

Hindi maganda sa akin ang tunog ng buo kong pangalan mula nang nagkaisip ako pero ngayon na si Sir Rolf na ang parating nagbabanggit niyon ay mukhang magugustuhan ko. Bigla kong naisip kung ano kaya ang ginagawa ni Sir Rolf nang sandaling iyon sa Maynila?

Nag-type ako ng reply.

Sir?

Si Dad?

Nagpapahinga po.

Where?

Room niya.

Magkasama kayo?

Hindi, sir. Nandito ako sa kuwarto ko. Kasalo niya ako sa tanghalian kanina. Masaya siya. Mukhang walang nararamdaman. Pupuntahan ko ba para kumustahin ?

No.

Ang ikling mag-text talaga. Hirap na hirap ako mag-text, ang iikli lang ng sagot. Tumahimik na ang cell phone kaya ibinagsak ko na lang ang sarili sa kama. Maya-maya pa, nakaramdam na ako ng antok. Napapapikit na ako nang tumunog ang cell phone. Nagising na naman ang diwa ko.

Tawag! Tumatawag si Sir Rolf!

Sa pagkataranta ko ay napatay ko ang tawag sa halip na tanggapin iyon. Nakangiwing napakamot na lang ako. Nag-type ako ng text message para sabihin kay Sir Rolf na hindi ko sinasadyang mapatay ang tawag niya—nag-ring uli ang cell phone bago ko pa man na-send ang text message. Sumagap muna ako ng hangin bago ko maingat na pinindot ang screen, tinanggap ang tawag.

"Hello, Sir Rolf?"

"Bakit mo pinatay ang tawag ko?" agad tanong niya, mainit yata ang ulo.

"Sorry," sambit ko. "Napindot ko lang. Pasensiya na, ang sosyal kasi nitong cell phone, eh. Inaaral ko pa."

"Ano'ng ginagawa mo?"

"Nagsi-siesta, Sir—naku, 'wag n'yong iisipin na hindi ko ginagawa ang trabaho ko. Tapos na ako. Tapos na kaming lahat. Oras ng siesta talaga ang ganitong—"

"Bakit wala ka sa room ni Dad?" putol niya na nagpaawang sa labi ko.

"Kailangan ba nandoon ako? Okay naman siya kanina..."

"Hindi mo ba siya sinasamahan?"

"Hindi lagi," nagtaka ako. Iniisip ba ni Sir Rolf na lagi kaming magkasama ni Sir Amante mula umaga hanggang gabi? "Sa umaga lang kami matagal mag-usap. 'Pag pumasok na siya, nagpapahinga na. Kung gusto niyang magkuwentuhan kami, saka lang naman ako pumapasok sa silid niya."

"Hindi ba kayo laging nagkukuwentuhan?"

"Sa umaga lang madalas."

"At sabay kayong nagbe-breakfast?"

"Dati. Ngayon, pati tanghalian at hapunan, sinasabayan ko na siya."

"Ano pa ang ginagawa n'yo?"

"'Pag gusto niyang magmasid sa langit, nagkukuwentuhan rin kami bago matulog."

"Ano pa?"

"May dalawang beses na sinamahan ko siya sa silid hanggang makatulog."

Si Santa at Ako (Published. 2015) PREVIEW ONLYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon