KAMA at dalawang paintings sa dingding ang agad nadaanan ng mga mata ko pagkapasok sa silid ni Sir Rolf. Ang isang larawan ay hindi ko maintindihan at ang isa naman ay portrait ng mag-ama. Sa bandang kaliwa ay pinto na sa hula ko ay banyo habang sa kanan kung saan naroon si Sir Rolf ay mukhang 'opisina' nito sa loob ng silid—patung-patong na files, laptop, telepono at iba pang kailangan sa pagtatrabaho. Hindi na ako nagtataka kung hanggang sa pagtulog ay baon niya ang mga hindi tapos na trabaho.
Sabay nang pag-angat ni Sir Rolf ng tingin ay paghinto ng mga paa ko. Para akong estatwang nakatayo humigit kumulang dalawang hakbang mula sa puwesto niya. Tahimik na tahimik si Sir Rolf pero ramdam kong nakatutok sa akin ang mga mata niya.
"Ilang linggo ka na rito?" basag niya sa katahimikan mayamaya. "Two? Three? Four?"
"Lampas three pero...pero wala pang four, Sir Rolf."
"Less than a month," sabi niya uli. "Gusto kong malaman," tumayo siya at humakbang palapit sa akin. Wala sa loob na umatras ako. Nagpatuloy siya sa paghakbang at ako naman sa pag-urong—hanggang nakarating ako sa kama at napaupo nang wala sa plano. "Ano'ng ginagawa mo?" tanong ni Sir Rolf, isang hakbang ang distaniya namin. Nasa kama na niya ako at handang gumapang palayo kung lalapit pa rin siya.
"Kayo, ano ba'ng ginagawa n'yo?" balik ko naman. Kung hindi naman siya lalapit, hindi ako lalayo. Sa aming dalawa, siya ang may 'ginagawa' kaya ako lumalayo.
"Nakikipag-usap ako, Maria Adelaida."
Buong-buo talaga ang pangalan ko. Si Sir Rolf lang ang tumatawag sa akin ng ganoon. "Puwede naman tayong mag-usap na...na hindi n'yo ako tatakutin, eh."
"Tinatakot kita?" susog ni Sir Rolf. "Paano'ng tinatakot kita, Maria Adelaida?"
Napangiwi na ako. "Kailangan talaga ulit-ulit, Sir?" hindi ko napigilang komento. "Hindi talaga puwedeng Daday na lang? Mas nararamdaman kong may galit kayo sa akin sa pagbanggit pa lang sa pangalan ko—"
"May galit ako sa 'yo?" ulit na naman niya. "May dahilan ba para magalit ako?"
"Wala po. Kaya nga nag-iisip ako ng posibleng dahilan, eh. Wala naman kasi akong maalalang ginawa kong masama. Hindi ko naman binigyan ng sama ng loob si Sir Amante habang wala kayo. Hindi siya na-stress dahil sa akin. Hindi rin ako nagbigay ng bawal na pagkain—wala talaga akong ginawa para...para magalit kayo sa akin." Tumayo uli ako. "May kasalanan ba ako sa inyo, Sir?"
Napilitan na akong mag-angat ng tingin.
Nagtama ang mga mata namin. Hindi ko na naman maawat ang pintig ng puso ko.
Hindi sumagot si Sir Rolf, nakatitig lang ng deretso sa mga mata ko. Ilang segundo iyon na tinitigan lang niya ako.
"Aaminin mo ba kung sasabihin kong may kasalanan ka?"
BINABASA MO ANG
Si Santa at Ako (Published. 2015) PREVIEW ONLY
RomanceUnedited version. Ako si Maria Adelaida Matimtiman Brown. Daday Negra ang tawag sa akin. Childhood wish ko ang mayakap si Santa Claus sa Pasko pagkatapos akong bigyan ng regalo. Sir Amante ang tumupad ng wish na iyon. Ang kapalit ay pakiusap na tu...