Halik

823 39 3
                                    

"NAKU! 'Tong si Aldrin, 'sarap kutusan minsan!" banat agad ni Ate Mimay pagkapasok na pagkapasok sa silid ko. "'Sukat bang isumbong tayo kay Sir Rolf! Hindi ko na nga binanggit na sa Tagaytay tayo pupunta, ibinuking ba naman? At heto pa, hindi lang iyon ang chinika niya!"

"Ano pa?"

"Tungkol sa bisita mong guwapo!" malakas na sabi ni Ate Mimay. "Tinanong ko kagabi si Aldrin, siya nga raw ang nag-text kay Sir Rolf. Binanggit niya na dadalhin ang kotse sa Tagaytay. Tumawag daw agad si Sir Rolf. Mainit na ang ulo."

"Bakit daw? Ayaw ipahiram ang kotse."

"Hindi! Hinahanap ka yata. Loka ka rin kasi. Ano ba'ng note ang sinasabi ni Sir Rolf kagabi? 'Yong nakuwento mo?"

"Yon nga..."

"Naisip niya talagang umalis ka na at 'di na babalik!" kasunod ang tawa. "Baka na-guilty. Hindi alam kung saan ka hahanapin kaya uminit ang ulo. Hindi siya mapapatawad ni Sir Amante kapag pinabayaan ka, o napahamak ka dahil sa kanya."

"Ganoon nga siguro," sang-ayon ko.

"Ito namang si Aldrin, mata at tainga talaga 'yan ni Sir Rolf dito. 'Yong bisita mo? Nabanggit na daw niya iyon kay Sir Rolf. Na may guwapong naghahanap sa 'yo. Tapos no'ng narinig niya yata na magkausap kayo na parang isasama mo sa Tagaytay, ni-report kay Sir Rolf. 'Yan tuloy, baka di na tayo makaalis..."

"Linggo naman bukas. Day off mo. Ako naman, walang gagawin. Bakit niya tayo pipigilan? Ang problema lang naman natin, 'yong kotse. Ipapahiram niya 'yon. O kung hindi man, may kotse si Dodong 'di ba?"

Umaliwas ang mukha ni Ate Mimay. "Oo nga pala! Bakit ko ba ini-stress ang sarili ko? Mukhang yayamanin na nga ang Dodong na kinukuwento mo sa akin noon. Good karma 'yon, 'Day. Mabait kasi. Hindi ginawang dahilan ang kahirapan para gumawa ng masama."

"Tama," sang-ayon ko. "At hindi rin naging hadlang ang kahirapan para tumulong siya. Utusan ni Nanay 'yan noon. Pumapayag siyang libre lang."

"Kaya umasenso. 'Yong ate mong ang sama? Ay, may karma rin 'yon sa ginawa sa 'yo. Sukat bang ipambayad ka ng utang?"

"'Wag naman," sabi ko. "Ate ko pa rin 'yon kahit ganoon siya, Ate Mimay. Mas madalas ko siyang maisip ngayon dahil kay Dodong. Sana, okay siya sa Hong Kong kung nandoon nga siya."

"'Yan din ang dahilan kung bakit nakatagpo ka ng mabait na pamilya, Daday. Mabuti rin ang puso mo. Pareho kayo ni Dodong. Alam mo, bagay kayo no'n. Magkaibigan lang talaga kayo?"

Magaang tumawa ako. "Si Ate Cacay ang gusto ni Dodong."

"At ikaw, sino'ng gusto mo?"

"A-Ako?" nag-init ang pisngi ko sa ngiti at makahulugang titig ni Ate Mimay. "W-Wala..."

"Si Sir Rolf 'no?" susog niya at pinanlakihan pa ako ng mga mata.

"Hindi, ah!" tanggi ko agad. "Kung ano-anong iniisip mo, Ate Mimay!"

"Eh, bakit para kayong mag-jowa sa sala? At 'yong yakap? Ano'ng ibig sabihin no'n, aber?"

"Wala 'yon, 'no?" pagdididiin ko pa. "Ganoon kami dati ni Sir Rolf—magkaibigan, bago namatay si Sir Amante."

Biglang nag-ring ang cell phone ko na nasa kama. Sabay naming tiningnan ni Ate Mimay ang screen. "O 'yang tawag sa hatinggabi, ano'ng ibig sabihin?" natawa na lang ako na pinandilatan uli ako ni Ate Mimay. "Ikaw ha? Ingatan mo 'yang puso mo." sabi niya. "O siya, lalabas na ako. Kumbinsihin mo si Sir Rolf na payagan tayo bukas." At tumayo na siya para lumabas ng silid ko.

Pagkalapat ng pinto ay saka ko tinanggap ang tawag. "Sir Rolf?"

"Nasa room mo si Mimay?"

"Kalalabas lang..."

Si Santa at Ako (Published. 2015) PREVIEW ONLYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon