Iniunat muna ni Yanni ang mga braso niya bago sumampa sa malambot na kama. Tiyak matatagalan bago siya makatulog. Alam niyang mamamahay siya gayong kung tutuusin ay mas kumportable ang silid na inookupa niya ngayon, kumpara sa dati niyang silid sa Maynila.
Ang bahay nila sa Cainta ay naipagbili na niya. Kahit masakit tanggapin, mas ginusto pa niyang maibenta ang bahay sa kakilala kaysa mailit iyon ng financing company. Hindi niya kasi nakompleto ang hulog doon.
At ang maliit na halagang natira sa pinagbentahan sa bahay ay siyang ginamit niya sa pagnenegosyo—negosyong hindi nagtagal ay nalugi.
Mabuti na lamang at nag-iisa siyang anak. At least, sarili na lang niya ang poproblemahin niya ngayon. Ang kanyang mama ay namatay may dalawang taon na ang nakararaan dahil sa heart attack. Ang kanyang papa naman ay hindi na niya nagisnan. Ayon sa kanyang ina, namatay ito hindi pa man siya ipinapanganak.
Unang gabi ni Yanni sa bahay ng kanyang Tita Marta. Ito ang panganay na kapatid ng kanyang ina na nakapangasawa ng isang maykayang pamilya sa siyudad ng Cebu. Sa edad na kuwarenta y otso ay mahihirapan na itong magbuntis, kaya nakontento na lamang ito at ang asawang si Lando sa pag-aalaga ng mga halaman. Kabilang na roon ang iba't ibang klaseng rosas at orkidyas sa maluwang na bakuran.
Una siyang inalok ng tiyahin na manirahan na lang sa Cebu pagkamatay ng kanyang mama. Alalang-alala ito sa kanya dahil nag-iisa na lang siya sa buhay. Pero mapilit siyang sumubok na mamuhay na mag-isa. Hindi siya napilit ni Tita Marta.
Para naman hindi ito sobrang mag-alala sa kanya, ipinangako na lang niya na palagi siyang susulat o tatawag para ibalita ang mga nangyayari sa kanya. Ganoon nga ang kanyang ginawa. At sa tuwing tatawag siya'y hindi pa rin ito nagsasawa sa pag-alok sa kanya na pakupkop dito.
Kung hindi pa nangyari ang pagkalugi sa negosyo ni Yanni ay hindi pa sana siya mahihimok ng tiyahing mamirmihan sa mga ito. Nasanay na siyang namumuhay na mag-isa. Nakakahiya man ay tinanggap niya ang walang-sawang pag-aalok nito ng tulong.
Pabiling-biling si Yanni sa kama. Hindi siya mapakali. Naiisip niya ang kanyang kalagayan. Sa ngayon, panibago na naman iyong pagharap sa mga darating na pagsubok. Tapos siya ng kursong Business Management, pero hindi naging masuwerte ang itinayo niyang boutique.
Heto siya ngayon, jobless at kasalukuyang dependent sa kanyang tiyahin. Kunsabagay, sabi naman ni Tita Marta, maraming mapaglilibangan sa Cebu, gaya na lang ng pag-aalaga ng mga halaman. At iyon ang matagal nang pinagkakakitaan ng mag-asawa. Sa katunayan ay mayroon itong sariling flower shop and ornamental plants sa Ayala Mall.
Nang magsawa sa kalilikot sa kama, ipinasya niyang bumangon at nagpalakad-lakad naman sa maluwang na silid. Hanggang sa mamataan niya ang minicomponent na nakapatong sa ibabaw ng study table.
Isa sa mga pinagkakalibangan ni Yanni sa Maynila ay ang pakikinig sa radyo. Paborito niyang istasyon ang Star FM.
May kasabikang ini-on niya iyon at naghanap ng maganda-gandang programa. Alam niyang mahihirapan siyang maghanap ng naturang paboritong istasyon dahil nasa Cebu siya.
Nakangingilong static sound ang naririnig niya. Hanggang sa kapipihit niya ay tumapat iyon sa isang malinaw na istasyon.
Mabilis na nakuha ang atensiyon ni Yanni sa suwabe at banayad na tinig ng lalaking deejay.
Napangiti siya sa kalamigan ng boses na iyon. Taglay ng deejay ang soothing voice na kaiba sa mga napapakinggan niya sa ibang programa.
"Honey, I've missed you. It's been lonely..."
Napapitlag siya sa narinig. Tila sa kanya ipinatutungkol ng deejay ang mga pangungusap na iyon. Lalo nang napukaw ng tinig nito ang interes niya.
Nagbalik siya sa kama at nahiga. Napatitig siya sa kisame habang ninanamnam ang malamig at lalaking-lalaking tinig sa radyo.
BINABASA MO ANG
Midnight Blue Society Series 3 - POCHOLO aka CHOLO (COMPLETED)
RomanceMasakit man para kay Yanni, napilitan siyang samahan si Cholo nang bumili ito ng engagement ring para sa babaeng pakakasalan daw nito. Nakalimutan naman niyang isauli ang singsing at nakatuwaang isukat. Pero nang huhubarin na niya ay hindi niy...