Tinanghali ng gising si Yanni. Ganap nang alas-diyes nang matapos siyang maligo at magpalit ng damit. Inabutan niyang noon pa lamang din nag-aalmusal ang mag-asawa.
"Good morning, Tita Marta, Tito Lando," bati niya sa dalawa at saka naupo sa katapat ng tiyahin.
"Mukhang napuyat ka yata, hija," puna ni Tita Marta. "Iniisip mo pa rin ba ang tungkol sa nasirang mga tanim mo?"
Napatingin siya sa tiyuhin. Hindi naman niya maamin na iba ang pinagkaabalahan niyang isipin kagabi.
"Huwag mo nang alalahanin ang mga nasirang rosas. Tumawag sa akin kanina si Cholo, at humingi ng despensa."
"Ganoon lang? Hindi ho ba niya babayaran ang danyos?" reaksiyon ni Yanni na hindi naitago ang iritasyon.
Si Tita Marta ang sumagot sa kanya. "Hindi na kailangan, hija. Alam mo kasi, kaibigang matalik ni Lando ang papa ni Cholo. Kaya kalimutan mo na ang nangyari. At huwag ka nang magalit sa lalaking iyon. Puwede ka namang magtanim uli."
"Siyanga naman, hija. Mas lalo ka sigurong matutuwa kapag ipinasyal ka namin sa farm. Naroon talaga ang lahat ng klaseng ornamental plants na isinu-supply sa shop."
Namilog ang mga mata ni Yanni. Hindi makapaniwalang napatingin siya sa tiyahin.
"Nakalimutan naming banggitin sa 'yo, hija. Paano naman kasi, akala namin ay magiging boring sa 'yo ang ganitong opisyo. Inisip nga namin na baka gusto mo talaga ang office work. Eh, kung ano ang makakasiya sa 'yo, igagalang namin."
"Ganoon din ho ang plano ko noong una, ang maghanap ng mapapasukang trabaho rito. Pero kung talagang puwede ho akong tumulong sa shop, I would be very glad, Tito, Tita."
Hindi akalain ni Yanni na ganito kabait at kamaunawain ang mag-asawa. Noong nabubuhay pa kasi ang mama niya ay bihirang pumasyal sa Maynila si Tita Marta. At kapag bumisita naman ito ay natataon pang busy siya sa pag-aaral at sa pagtatrabaho sa isang fast food chain. Kaya naman walang pagkakataon para sila magkasama at magkakilala nang husto ng tiyahin.
"Bueno, mamaya, sama-sama tayong tatlo sa pagpunta sa farm," masayang sabi ni Tito Lando.
SAKAY ng Wrangler jeep sina Yanni at Tita Marta, na ang nagmamaneho ay si Tito Lando.
Naaliw si Yanni sa pagmamasid sa mga dinaraanang tanawin. Kay presko ng hangin na sumasaboy sa kanyang mukha. At maging ang mga dinaraanan nilang palayan ay malamig sa matang tingnan.
Humantong sila sa rough road. Binigyan siya ng tiyahin ng pulang bandana.
"Isuot mo ito, hija. Tiyak na manlalagkit ang buhok natin sa alikabok."
Natawa si Tito Lando sa tinurang iyon ng asawa.
Kinuha nga niya ang bandana at inilagay iyon sa kanyang ulo.
"Huwag kang mag-alala, kinse minutos lang naman ang papasok sa farm," imporma ni Tita Marta.
Paahon na ang tinutugpang daan ng Wrangler jeep. Hanggang sa humantong sila sa malawak na bakuran. Inalalayan ni Tito Lando na makaibis ng sasakyan ang asawa at saka isinunod si Yanni.
Humahangang sinuyod ng mga mata niya ang paligid. Sa di-kalayuan ay tanaw ang tila kulambong nakasuklob sa pagkarami-raming nakahilerang paso; sa kabilang dako ay ang hilera naman ng mga driftwood.
May dalawang babae at isang lalaki ang nakikita niyang nasa loob niyon at may mga hawak na spray.
"Ano'ng masasabi mo, Yanni?" nasisiyahang tanong ni Tita Marta.
BINABASA MO ANG
Midnight Blue Society Series 3 - POCHOLO aka CHOLO (COMPLETED)
RomanceMasakit man para kay Yanni, napilitan siyang samahan si Cholo nang bumili ito ng engagement ring para sa babaeng pakakasalan daw nito. Nakalimutan naman niyang isauli ang singsing at nakatuwaang isukat. Pero nang huhubarin na niya ay hindi niy...