CHAPTER TWO

10.8K 226 4
                                    

Nasisiyahang pinagmasdan ni Yanni ang mga alagang halaman, lalo na ang ilang paso ng American roses na siya mismo ang nagtanim. Isang linggo pa lang ang nakalilipas, pero masasabi na niyang magtutuloy-tuloy na sa paglago ang mga halaman.

Muli siyang bumalik sa loob ng bahay para mag-almusal. Naging panatag na rin ang kalooban niya sa bagong tahanan.

Uminom lang siya ng mainit na gatas at muli sanang babalik sa hardin nang marinig niya ang tinig ni Tita Marta.

"Mabuti naman at hindi ka nabo-bore," nakangiting sabi ng tiyahin.

Lumingon si Yanni. "Para nga hong natagpuan ko na ang hinahanap ko."

"Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Nawala man ang aking mama ay meron namang naging kapalit. Nagsisisi tuloy ako kung bakit pinatagal ko pa nang ilang taon bago ako pumayag na pumirmi sa inyo."

Nakauunawang ngumiti ito. "Naintindihan naman namin ng Tito Lando mo ang desisyon mo noon. Inisip naming nahihiya ka lang sa amin. Isa pa, katulad din siguro kita noon. Nagdalawang-loob ako noon kung magagamayan ko ba ang pamumuhay rito sa Cebu. Meron din akong takot sa dibdib, Yanni. Palibhasa'y lumaki tayo sa abalang lungsod ng Maynila."

"Mas gusto ko na ho rito, Tita Marta," nangingiting sang-ayon niya.

"Talagang hindi na kami papayag ng Tito Lando mo na iwan mo pa kami. Kaya nga ipinagdarasal ko na makapag-asawa ka ng tagarito. Aba'y mababait ang mga Cebuano."

Nagkaroon ng tunog ang tawa ni Yanni. "Wala pa ho sa isip ko ang pag-aasawa."

"Pero nasa marrying age ka na, hija."

Kunwa'y sumimangot siya. "Ipinagtatabuyan n'yo na yata ako, Tita."

"Of course not," natatawang sabi ni Tita Marta. "Bueno, ano ba'ng gagawin mo?"

"May aayusin ho ako sa greenhouse."

Bumuntong-hininga ito. "Isang linggo ka na rito, hija, pero ni minsan ay hindi ka pa sumasama sa aming lumabas ng Tito Lando mo. Maraming magagandang pasyalan dito."

"Saka na ho, Tita. Anyway, marami pa namang araw para sa pamamasyal. Mas nalilibang ho ako sa hardin."

Nakauunawang ngumiti ito. "Ikaw ang bahala. Pero kapag gusto mong libutin ang buong Cebu, sabihin mo lang, anak."

Naliligayahang tumango siya.


PALABAS ng bahay si Yanni nang matanaw ang kulay-tsokolateng nilalang na nasa harapan ng mga halaman.

Nagitla siya. Mabilis niyang tinakbo ang distansiya nito, pero tinulos siya sa pagkakatayo nang matiyak kung ano ang pinagkakaabalahan ng nilalang.

Sarap na sarap na ngumunguya ng mga dahon ang kambing.

"Oh, my God!" bulalas ni Yanni nang makita ang mga halaman na parang dinaanan ng bagyo. Halos hindi siya makapaniwala na maging ang bagong-tanim na American roses ay hindi niyon pinatawad.

"Oh, my..." Halos mapaiyak siya sa magkahalong galit at dismaya. "Shuu!" sigaw niya sa kambing.

Ang akala niya'y tatakbo na ang kambing,  pero parang  nakakalokong tumingin pa iyon sa kanya. Sa tindi ng galit niya ay mabilis siyang tumakbo sa back door at kumuha ng maaaring gamiting pantaboy sa hayop.

Nakakita naman si Yanni, isang baseball bat. Nagpupuyos ang dibdib na binalikan niya ang kambing.

"Tsuu! Layas!" sigaw niya habang iniaamba sa kambing ang baseball bat. Ang pagitan nila ng hayop ay nasa dalawang talampakan.

Midnight Blue Society Series 3 - POCHOLO aka CHOLO (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon