Part 7: Plano ulit

3 0 0
                                    


Pinaayos nila ang seguridad ng buong bahay. Lahat ng kandado ng pinto, pinadoble nila. Pati mga bintana, dinagdagan nila ng kandadong hindi kayang buksan mula sa labas. Ayon sa mga pulis, dumaan sa bintana malapit sa kusina ang lalaking nanloob sa kanila.

Siniguro ng organisasyon ng village na paghigpitan ang seguridad sa lugar. Hindi na puwedeng maulit ang nangyari. Karamihan pa naman sa mga nakatira sa village nila ay may mga trabaho. Bihira ang may naiiwang tao sa loob ng mga bahay kaya malaki ang oportunidad ng mga magnanakaw na manloob.

Nakita ng lalaking pumasok sa kanila namadilim sa bahay nila. Inakala daw nitong walang tao kaya nagpumilit makapasok. Sa kabutihang palad, wala itong kasabwat at mag-isa lang na gumawa ng panloloob. Baguhan lang daw ang lalaki sa ganoong uri ng gawain kaya madali nila itong naitali.

"Mabuti, nakita mo siya kahit madilim," pahayag ng kapatid niya habang nag-aalmusal sila. Hindi niya alam kung talagang matagal silang nakipagbuno ni Jules sa lalaki ng nagdaang gabi pero naabutan niyang natutulog si Rowena sa bisig ng kapatid niya nang pagbuksan niya ang mga ito ng pinto. Malapad ang ngiti niya nang makita iyon samantalang agad na binalita ni Jules ang nangyari kaya napabalikwas ng bangon ang kapatid niya at si ate Rowena sa narinig.

Matagumpay na nasira na naman nito ang momento ng kapatid. Hindi naman nito kasalanan ang nangyari pero puwede namang dahan dahan nito iyong sinabi.

"Wala siyang nakuha sa atin pero trespassing, attempted robbery and slight physical injury ang kaso sa kanya."

"Mabuti iyon sa kanya."

"Ikinabuti na kasama mo si Jules."

Tumango siya, "marunong palang magmartial arts iyon?"

"Sabi ni Rowena, varsity ng taekwando si Jules noong college kaya may alam talaga siya."

Tumango siya uli.

"Mabait naman si Jules pero bakit lagi mo siyang binabara? Ayaw mo pa siyang papasukin kagabi dito." Huminga ito ng malalim. "Hindi talaga maganda ang ugaling iyon, Fraya."

Napalabi siya. "Kasalanan niya iyon. Lagi kasi siyang asungot."

Natawa ito. "Baka magustuhan mo siya kapag lagi mo siyang pinagtutuunan ng pansin."

"Nye. Palagi kasi siyang papansin." Pero aaminin niya, nagpapasalamat siya na kasama niya ng gabing iyon si Jules. Humanga siya dito nang kunti.

Napailing ito.

"Ano nga palang nangyari kagabi? Gumana ba ang pagkakakulong ninyo?"

Humigop ng kape ang kuya niya. "Nakapag-usap kami pero sandali lang. Inantok na kasi si Rowena, napagod siya sa maggawa ng final grades ng mga estudyante. Kaunti lang pala ang tulog niya ng nagdaang gabi."

"Pakiramdam ko, may gusto na siya sa'yo, kuya.Sumama pa rin siya kahit na pagod siya dahil gusto ka niyang makasama."

Napangiti ang kapatid niya.

"Gusto mo talaga siya, kuya? Mahal mo na?"

"She's a wonderful person, kind heart and has a very tender personality. Kapag lalo mo siyang nakilala, mas mahuhulog ang loob mo." Napailing ito. "Hindi ba nanghinayang ang dati niyang asawa na pinakawalan niya ang ganoong klase ng babae?"

Nilunok niya ang pagkain sa bibig. 'Iyon na nga ang dahilan kung bakit lumalapit si Jules. Malaki ang panghihinayang ni Brenan na pinakawalan niya si ate Rowena.'

Natutuklasan niyang katuwang si Jules ng kapatid nito para magkabalikan ang dating mag-asawa. Iyon ang dahilan kung bakit pursigidoang lalaki na pigilan ang lahat ng plano niya.

"Kuya, kailangan mong unahan ang dati niyang asawa. Pormal mo nang ligawan si ate Rowena bago pa siya maagaw ng iba."

Kumunot ang noo nito. "Babawiin siya ni Brenan?"

Mabagal siyang tumango. "Hindi ba niya nasabi sa'yo?"

"Akala ko hindi siya seryuso noong binanggit niya iyon."

"Totoo iyon." May naisip siyang plano. "Mag-outing tayo."

Hindi na niyahinintay ang sagot ng kapatid. Kinuha niya ang cell phone at nagpareserve sa isang island resort.    

heart + arrow = loveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon