"Ate, nagugutom na po ako..." naiiyak na sambit ni Dandan sa akin habang hinihila ang laylayan ng aking lumang t-shirt. Bumaba ako ng kaunti at pinantayan siya ng tayo upang punasan ang kanyang luha.
"Sandali na lang, ha? Konti na lang maluluto na ni Ate ang kanin at makakain na kayo ni Denden."
Tumigil naman ito at tumango.
Nahahabag ako habang tinitignan ko ang aking kapatid na umalis at pumunta na sa maliit naming mesa. Sa tabi niya ay ang kanyang kakambal na si Denden. Nasa harapan na nila ang mga plato at ang isang lata ng sardinas na ipagkakasya namin tatlo, kanin na lang talaga ang kulang.
Paano naman kasi alas dies na ng gabi at hindi pa sila nakakain. 9:30 na kasi ako nakauwi galing sa shift ko sa isang fastfood chain at nagkataon na hindi pa araw ng sahod kaya naman isang lata ng sardinas at isang kilo ng bigas lamang ang naabutan ng pera ko ngayon. Mabuti na lang at naibenta ni Nenet ang mani sa kanyang skwelahan kaya dumaan ako sa kanila upang kunin ang pera at makabili ng pagkain.
Tinapos ko na muna ang paghuhugas ng mga baso na naiwan ko kaninang umaga sa pagmamadali kong makaalis.
Nang sa wakas luto na ang kanin, naghain na ako sa mesa at binuksan ang delata.
"Yehey! luto na ang kanin!" sabay palakpak pa ng kamay ni Dandan habang nilalagyan ko ng kanin ang kanilang mga plato.
Gusto kong maiyak dahil alam kong gutom na gutom na sila at ipagkakasya namin ang isang lata ng sardinas na sa tingin ko ay hindi na ata aabot sa akin dahil nakikita kong kulang pa ito sa dalawa kong bunso.
"Ate bakit hindi ka pa kumakain?" tanong ni Denden habang puno ang kanyang bibig at may sauce pa ng sardinas sa kanyang mukha. Isang tipid na ngiti ang aking iginawad sa kanila sabay haplos ng kanilang ulo.
"Ayos lang ako...ang mahalaga mabusog kayo. Kumain ba kayo kaninang tanghali?"
"Eh Ate...'yung sinangag na iniwan mo para sa tanghalian namin ni Dandan ay kinain ni tatay. Umuwi pala siya kanina...at....lasing na naman po..." nagsusumbong na sabi ni Denden.
"Tapos ate nung nakita niya na walang ulam, pinalo niya ako....tignan mo oh...masakit po ate..." naluluhang sumbong ni Dandan habang ipinapakita ang braso niyang may marka.
Parang pinipiga ang puso ko habang nakikita ko ang marka sa braso ni Dandan. Hindi naman ako nagpapakahirap para hindi makakain ang aking dalawang kapatid at pagkatapos ay sasaktan lang ng magaling kong ama.
Sampung taon pa lamang ako nang iwan ni nanay si tatay dahil sa pananakit at pagiging lasinggero ng aking ama. Kaya kahit nasasaktan at nagagalit ako sa pang-iwan ni nanay sa akin kay tatay, sinubukan ko siyang intindihin.
Pero higit pa sa minsan na hiniling ko na sana kinuha na lang din ako ni nanay. Kung nagkataon ba, makakatapos kaya ako ng pag-aaral sa kolehiyo? masaya kaya ako ngayon? Malamang oo pero siguro hindi ko rin makikilala sina Denden at Dandan. Anak sila ni Tatay sa ibang babae.
Nang iwan ni Nanay si Tatay, nagkaroon ito ng kinakasama ngunit gaya din ni nanay, iniwan nito si tatay at iniwan sa amin ang kambal. Simula noon, ako na gumawa ng mga responsibilidad na siyang dapat na kay tatay.
Sa edad na 16, naglalabada ako tuwing Sabado at Linggo dahil may pasok naman ako sa eskwela tuwing Lunes hanggang biyernes at habang nag-aaral ako, nagbebenta naman ako ng mani sa paaralan. Hindi ko pinansin ang mga panlalait sa akin dahil hindi naman iyon makakatulong sa akin at lalong-lalo na hindi iyon makakabili ng gatas ng aking mga kapatid.
Sa tuwing nasa eskwelahan ako at tuwing naglalabada ako, si lola Lucia ang nagbabantay sa kambal. Nanay ito ni tatay at nagpapasalamat ako dahil nang mga panahong iyon, kahit mahina at masakitin ito, naramdaman kong may makakapitan pa ako kahit papaano. Namatay naman si lola pagkatapos kong grumaduate ng highschool.
Nang mga panahon naiyon, hindi ko alam anong gagawin ko. Sobrang gulo ng isipan ko habangnasasaktan at nagluluksa ako sa pagkawala ng kaisa-isang tao na nagparamdam saakin na kahit papaano hindi ako nag-iisa sa mundo. Pero gaya nga ng sabi ng iba, kung akala mo wala ka nang makakapitan, may awa pa rin ang Diyos at ipapakita niya sa iyo na hindi ka nag-iisa. May mabait kaming kapitbahay na biyuda at walang anak, si aling Mercy, tinulungan niya ako nung mga panahong 'di ko alam kung saan ako huhugot ng lakas. Humingi din kami ng tulong sa DSWD para sa pagpapalibing kay lola.
Sa lahat ng iyon,naitawid ko naman ang aking mga kapatid. Sa bawat tulak sa akin ng tadhana, patuloy akong tumatayo. Sugatan, luhaan, at madalas durog na durog na, lumalaban pa rin ako. Kung hindi man para sa sarili, kahit para sa dalawang musmos na umaasa sa akin. Kung wala sila, wala na rin ako. Ano pa ang saysay ng buhay kung wala naman akong rason para ipagpatuloy ito? Ngayon, may dalawang rason ako para lumaban at mabuhay. Laitin at masaktan man ako, patuloy kong ipapakita sa tadhana na ako si Jane D. Matitinag, taas noong lalaban kahit sugatan at luhaan.
BINABASA MO ANG
The Fallen Rockstar
General FictionShe says, she is ordinary, but to him, she is a gem, She says, she is not pretty, but to him, she is the moon, She says, she is nothing, but to him, she is everything, She says, stars don't fall, but to him, that's not true, for the elusive and mig...