"Hmmmm...ang sarap ng pansit, Ate!" Natutuwang sabi ni Dandan habang kinakain ang pansit na bitbit ko kanina.
Pagkatapos kong linisin ang kalat, ginamot ko naman ang mga galos nila. Kaya heto, kumakain sila na parang walang nangyari kanina.
"Ikaw Ate? Bakit hindi ka na naman kumakain? Kain ka rin po..." Naglagay si Denden ng pansit sa aking plato.
"Ang sweet naman ng mga bunso ko....ayos na 'yan Den. Alam niyo kasi, makita ko lang kayo na busog, busog na rin ako."
"Naku si Ate, nagda-drama na naman! Nga po pala, hindi ba masakit ang likod mo? Gamutin din po natin o kung gusto mo, hihilutin po namin ang likod mo." Alok ni Dandan.
"Di ba? Sabi ni Ate, huwag niyo na akong alalahanin. Ako ang panganay kaya ako dapat ang nag-aalala at nag-aalaga sa inyo." Sabi ko sila at pabirong tinaasan ng kilay.
"Ate...sa tingin mo ba...babalik pa si tatay dito? sasaktan niya na naman tayo ulit?" Mukhang natatakot na tanong ni Denden.
Ginulo ko ng kaunti ang kanilang mga buhok.
"Huwag niyo na siyang alalahanin dahil nakakulong si tatay. Labag sa batas ang ginawa niyang pisikal na pang-aabuso sa inyo kaya alam kong makukulong siya sa bilangguan."
Tulog na ang dalawa kong kapatid. Tabi kami matulog dahil iisang kwarto lang ang meron sa bahay na tanging kurtina lamang ang tumatayong pintuan ng kwarto namin. Sa kanan ko ay si Denden at sa kaliwa naman ay si Dandan.
Hindi ako makatulog dahil iniisip ko ang pinag-usapan namin ni Rita. Alam kong may punto siya at tsaka, nag-aaral na ang dalawa. Nasa elementarya pa lamang sila pero papaano kung tumuntong sila ng higschool, paano ko maitatawid ang dalawa? Associate degree lang ang meron ako at kahit ganun, hirap na hirap akong makahanap ng trabaho dito sa probinsya. Nakatulugan ko na ang pag-iisip.
Kinabukasan, naghahanda na ang dalawa sa pagpasok sa eskwela. Dalawang uniform lang ang meron sila at ngayon ay pinagtitiyagaan nila ang sampung pisong pandesal na binili ko kaninang madaling araw at dalawang baso ng milo.
"Bale 50 packs ng mani ang nandito, hatiin niyo na lang para maibenta niyo sa mga estudyante kapag bakante ninyo. Huwag kayong magbebenta kapag may klase, ha? Ayokong mapagalitan kayo."
Paalala ko sa kanila habang inilalagay sa isang supot ang mga mani. Ang kita sa pagbebenta nila ng mani ay siyang ginagamit ko para sa pang araw-araw na gastusin sa kanilang pag-aaral.
"Opo, Ate. Tsaka, huwag mo na kaming bigyan ng baon ngayon...nagwalis kami nung sabado sa bakuran ni Kapitan at binigyan niya kami ng 50 pesos may kasama pang meryenda!" Pagmamalaking sabi ni Denden.
"Ipagkakasya po namin ang 50 pesos hanggang biyernes." Nakangiting sabi ni Dandan.
Nilapitan ko kaagad sila at niyakap dahil malas man ako sa ibang bagay pero napaka swerte ko naman sa dalawang ito.
At tsaka, paggising ko kaninang umaga, nakabuo na ako ng desisyon at kailangan kong kausapin ang kambal.
Umupo ako sa mesa at hinintay sila matapos sa pag-aalmusal.
"Ahm...may sasabihin sana ang Ate sa inyo...paano kapag umalis muna ako saglit at maghahanap ng swerte sa ibang lugar, papayag ba kayo?" Tanong ko sa kanilang dalawa.
"Iiwan mo na ba kami Ate? Napapagod ka na ba sa amin?" Biglang naluluhang tanong ni Dandan. Mabilis naman akong umiling.
"Syempre hinde! Ano ba naman iyan...ang sabi ng ate, sandali lang...hindi ko naman sinabing magtatagal ako. Ang akin lang, makahanap lang ako ng maayos na trabaho para makaipon. Pag nakaipon na si Ate, uuwi ako kaagad dito at magpapatayo ako ng tindahan ng mga gulayan at isdaan." Mahinahon kong sabi sa kanila.
Mukhang nakuha naman nila ang nais kong sabihin.
"Ayos lang naman sa amin 'yun Ate basta ba hindi mo kami iiwan ng tuluyan." Sabi naman ni Denden na mukhang nakuha ang nais kong sabihin.
Natuwa naman ako sa sinabi ni Denden, sa murang edad kasi mature nang mag-isip ang mga ito. Kambal ang dalawa pero tumatayong kuya si Denden kay Dandan.
"Kapag ba nagkaroon ka ng maayos na trabaho, pwede na kaming uminom ng higit pa sa isang baso ng milo?" Sambit ni Dandan na ngayon ay hindi na itinuloy ang pag-iyak. Napaka-iyakin kasi nito eh.
Tumawa naman ako sa sinabi ni Dandan.
"Syempre naman! Kahit limang baso pa ng milo ang inumin niyo ay pwedeng-pwede na. Tapos hindi niyo na kailan magtiis sa isang lata ng sardinas...corned beef na ang kakainin natin." Natatawa kong sabi sa kanila.
Tuwang-tuwa naman ang dalawa sa narinig at nag-apir pa. Sa nakikita kong excitement sa mukha ng dalawa, mas sigurado na ako sa gagawin. Ang dami kong pangarap para sa kanila kaya gagawin ko ang lahat para sa kanila kahit katumbas ay kasiyahan ko. Sila muna bago ang sarili ko.
Pagkatapos kumain ng dalawa, umalis na sila ng bahay dahil habang maaga pa raw ay makakasimula na sila sa pagbebenta ng mga mani.
"Sa wakas pumayag ka na rin!" Natutuwang sabi ni Rita. Pinuntahan ko kasi siya kaagad para sabihin ang plano ko.
"Basta...ipangako mo sa akin na hindi mo pababayaan ang kambal...kung nakaipon na ako, babalik ako kaagad, Rita." Sabi ko sa kanya.
Umupo ito sa mesa at hinawakan ang kamay ko.
"Ano ka ba Jane.. kaming bahala ni Tiya Mercy sa kambal, ok? Parang pamilya niyo na kami at tsaka sayang kasi ang alok na trabaho sa akin ng pinsan ko dun sa Maynila. Kung pwede nga lang ako, aba eh, ako na pupunta." Biro nito sa akin.
"Pagdating mo sa airport, susunduin ka ni Jason at siya na ang bahalang magdadala sa iyo sa amo niya. Teka, kunin mo itong celphone ko...luma na iyan pero makakatext at tawag ka pa diyan." Sabay abot abot ni Rita sa kanyang myphone.
"Ano ka ba...sobra-sobrang tulong na ito...nakakahiya na talaga sa iyo, Rita." Nahihiya kong sabi sa kanya.
"Naku, tigilan mo nga ako sa hiya na iyan! Walang mangyayari kung paiiralin natin ang hiya. Kunin mo na iyan para naman may magamit ka kung sakaling miss na miss mo na ang kambal. Tsaka, baka mamaya mawala ka pa sa airport, di ka mahahanap ni Jason."
Kinuha ko na ang cellphone at nilagay sa loob ng luma kong body bag. Pinuntahan ko naman ang dalawa kong kapatid na tahimik lamang na umiiyak. Naiiyak na rin ako kahit pinipigilan ko.
"Ate.....huwag mo kaming iiwan ha? Ipangako mong babalikan mo kami dito..." Mahigpit akong niyakap ni Dandan at umiiyak.
"Tsaka Ate, ipangako mong aalagaan mo ang sarili mo dun ha? Ako ang bahala kay Dandan dito pati na rin sa maliit mong garden ng mga gulay." Sabi ni Denden habang pinipigil din ang iyak. Hinila ko ito at sabay silang niyakap ng mahigpit. Hindi na namin napigilan ni Denden ang iyak kaya naman sabay kaming tatlo na humahagulgol ngayon.
Hindi pa ako nakakaalis pero miss ko na ang kambal.
May tumikhim naman sa likuran namin.
"ah...eh...pasensya na kayo pero kailangan kong sirain ang moment ninyong magkakapatid. Alas nueve na, Jane. Isang oras bago ang departure dapat nasa airport ka na." May halong biro na sabi ni Rita sa amin.
Tumango naman ako at binitiwan na sila. Hinalikan ko sila bago ko hinila ang aking carry-on at dire-diretsong umalis. Naririnig ko ang iyak ni Dandan pero ayaw ko nang lumingon dahil baka hindi na ako matutuloy. Bago pa ako magbago ng isip, umalis na ang traysikel.
BINABASA MO ANG
The Fallen Rockstar
General FictionShe says, she is ordinary, but to him, she is a gem, She says, she is not pretty, but to him, she is the moon, She says, she is nothing, but to him, she is everything, She says, stars don't fall, but to him, that's not true, for the elusive and mig...