Isa na yata ito sa pinakalame na kuwentong nasulat sa kasaysayan. Medyo minalas at natapat sa mga genreng hindi ko gamay. Pero sobrang challenging nito to the point na nagamit ko ang aking non-existent-dati-existing-na-ngayon imagination. Proudly unedited.
ΔvΔvΔvΔvΔ
"Confidis populum! Solvite futurum! Maxime in vitam! Cave tibi!" Sunud-sunod at tila wala sa sariling wika ng isang babaeng nakagayak ng kupas na itim na roba. Nagulantang ang mga nilalang na nasa bulwagan ng Santuwaryo Miralejo. Ang iba'y halos hindi makapaniwala, samantala'y halata ang pagtataka sa ekspresyon ng mukha ng ilan. Ang kanina'y mapayapang daloy ng diskusyon ng mga miyembro ng Konseho ay napalitan ng bulung-bulungan tungkol sa mga salitang binitawan ng babaeng kinilala bilang si Lukarya.
"Qui numquam fuerent! Ilabas ninyo ang babaeng 'yan ngayon din!" Kung kanina'y gulat at pagtataka ang rumehistro sa mukha ng mga naroroon, ngayo'y halos mapatalon ang mga naroroon dahil sa naging reaksyon ni Reyna Celestina. Nabalot ng ilang segundong katahimikan ang kabuuan bulwagan. Ni minsan ay hindi kinakitaan ng ganoon katinding galit ng mga taga-Miralejo ang butihing reyna.
"Pakiusap mahal na reyna." Mula sa tila nakawalang tigre ay naging malamlam at payapa ang rekasyon ng babae na marahil ay dala ng sakit na dulot ng masikip na pagkakahawak ng dalawang gwardya sa magkabilang braso nito. "Pakinggan niyo po ako!"
"Bastarda!" muling naulinigan ng mga naroroon ang galit na tinig ng reyna. "Matapos mong guluhin ang pagpupulong ng Konseho, magsalita ng kung anu-anong tila propesiyang hinugot mo sa kung saan, makikiusap kang pakinggan kita? Hangal ka! Hala, lumayas ka sa harapan ko ngayon din!" Dumagundong ang sigaw nito na siyang pumawi sa mahihinang bulung-bulungan ng matatandang nimpang miyembro ng Konseho. Maging ang mga ibong mabining humuhuni at malayang naglalabas-masok sa bulwagang iyon ay mabilis pa sa kisapmatang nagsipagliparan paalis doon.
Akmang ikukumpas ng reyna ang kanang kamay nito upang magpakawala ng isang mahika nang mapawi ang luntiang liwanag na nagmumula sa palad nito matapos marinig ang boses ng isang babae sa hindi kalayuan. "Ina, tama na po!" Mabilis ang naging kilos nito. Sa isang iglap ay nasa tabi na ito ng reyna. "Baka kung mapaano kayo. Kaawa-awa na rin si Soror Lukarya," pagdaragdag nito sa naunang sinabi.
Tila natauhan ang reyna sa muntik nang gawin at mistulang nasaid ang lakas na napaupo sa malapad na pulang pang-upo sa gawing likuran nito. Agad namang lumapit ang mga tagapagsilbi nito dala ang isang kopita ng malamig na inumin at naglalakihang pamaypay na naaadornohan ng makukulay na balahibo ng paboreal.
"Prinsesa Marinesa," nagulat ito nang tawagin ng babaeng kung tutuusin ay iniligtas niya ang buhay mula sa hagupit ng sariling ina. "Mag-iingat ka." Iyon ang mga huling salitang nasambit ng matanda bago tuluyang akayin ng mga gwardya palabas ng palasyo.
Animo'y napako ito sa kinatatayuan matapos marinig ang huling pahayag na iyon ni Lukarya. May kung anong biglaang bumagabag sa loob nito at wala sa sariling napahawak sa dibdib.
Mag-ingat, sa isip-isip niya. Kanino? Saan? Mas lalo itong nakaramdam ng kakaibang kaba matapos umihip ang malamig na simoy ng hangin mula sa silangan na tila niyayapos siya.
----------
Sa isang bahagi ng kaharian ng Miralejo...
"Binabati kita, Lukarya," mababanaag sa tinig nito ang kaligayan na animo'y nabunutan ng isang malaking tinik sa lalamunan.
Nagpalinga-linga si Lukarya sa paligid ng silid na kanyang kinaroroonan. Sapat lang ang liwanag na tumatagos sa makakapal na kurtinang nakapalibot doon. Sapat upang maaninag niya nang maigi ang mukha ng kausap. Kitang-kita niyang prente itong nakaupo sa may kalakihang silyang hindi kalayuan mula sa kanyang kinatatayuan at gaya ng inaasaha'y nakangiti ito.
BINABASA MO ANG
Kontes Entris
RandomKumuha ng papel. Nagsulat ng mga random na ideya. Pinagdugtong-dugtong. Himala at nakabuo ng makabuluhang kwento. Compilation ng mga entries sa iba't ibang writing contests. Okay naman ang iba. Lame nga lang ang karamihan. Pero ganoon naman talaga...
