Genre: Historical Fiction
Protagonist: The Reclusive Genius
Antagonist: The Lovable Rogue
Theme: PursuitKiller combinations, 'no? This actually gained mixed critiques. If it so happens na hindi mo rin siya trip, pakisapak na lang ako sa comment section. Tell me where I should invest my time working on more.
Lastly, this is a try on another approach. Surpassing my self-imposed limits, ika nga. In the guise of sabong-panlaba, hindi pa puro at may chalk pa. With pebbles pa nga.
ΔvΔvΔvΔvΔ
Ang pagmulat ng mga mata at pagsalubong sa bawat nakangiting umaga, ang pagkakataong tunghayan ang malamyos na sikat ng araw sa silangan ay kapwa tanda ng panibagong pagsubok, pakikipagbuno. Dahil hindi gaya ng sanggol na inaaruga at ikinukubli ng ina sa kanyang dibdib, atang ng isang bata, na mas ginagap ng panahon upang tumanda nang higit na mabilis, maging taga-salo ng mga tungkuling hindi man naaayon ay hindi maaaring tanggihan, ay nabuhay siya, ako, sa malamig na yapos ng hanging walang pagkakakilanlan at lamlam ng sindi ng kandilang nauupos at hindi rin nagtatagal.
Piping saksi ang tahanan nila—nina ama at ina—sa harap ng mga katiwalang laging nakatungo at hindi maaaring tumitig nang diretso, kaibigang mararangya ang kasuotan at pino at kalkulado ang bawat kumpas ng kamay, silay ng mga ngiti, at titig ng pagnanasa at paggamit, at ng mga may katungkulan at sinasabi sa lipunan. Ang mesang pinagsasaluhan nang walang imikan at kamustahan, ang haliging gapok, ang piyanong sabik sa musika at mabining tipa, ako na narito ngunit hindi nakikita.
Lumipas ang mga taon. Kasabay nang pagkalagas ng mga dahon ng Maritima at paglipas ng kisig ng mga Amugis sa bakuran ay ang iyong kaganapan. Lumaki kang kinalulugdan, kinatutuwaan ng iyong mga magulang, ng akin ring padre at madre na hindi man lamang tumingin sa akin nang makalawa. Ang mga matang larawan ng galak, walang pagsidlang kasiyahan, kadalisayan, at pagmamahal. Bawat isang bagay na ipinagkait, piniling itago, o talagang sa hinagap ay wala sa kanya na iginapang ang pagkakapuri para maging kaaya-aya sa paningin ng iilan.
Hindi kita magawang lapitan. Hindi ko magawang hawakan ang iyong maliliit na kamay. Sa tuwing magtatangka ako, minsan nga’y magpapaalam at magbabaka-sakali, ako na mismo ang makararamdam ng sisi kung bakit ba ginusto, ano ba ang mapapala ng batang tulad ko. Na habang tinatanaw kita mula sa pintuan ng aking silid at ni Nana Anita ay mas lalo lamang lumulungkot ang malungkot ko nang puso.
Lumipas pa ang mas mahabang panahon at hindi nga tumigil ang iyong paglaki. Marahil ay nakapagpapalaki ang sobrang pag-aaruga, o nakapagpapalusog ang sobrang atensyon kaya’t mas nagmistula akong anino ng isang matayog na puno. Laging mababa, laging nabubuhay sa kadiliman. Ako ang nauna, ngunit ikaw ang nangunguna. Ako ang kilala, ngunit ikaw ang gustong kasama. Ako ang kausap, ngunit ikaw ang sinasambit nang walang pagkasawa’t pa-ulit-ulit.
Nanatili kang maningning sa mga matang balot ng kadiliman gaya alapaap sa gabi—madalas ay hudyat ng isang bagyong walang pasabing parating. Ikaw ang naging nakasisilaw na bituin, ang naging dapuan ng tingin. Habang ako ay nagpapahinga nang mahimbing, sinasamyo ang malamig na hanging nakasanayang kanlungan, ay sumasayaw ka nang magiliw sa hindi mabilang na mga piging. Sa kaarawan ng unang anak ng Alkalde. Sa muling pagpapakasal ng Cabeza sa kanyang dating katulong at kinalauna’y katipan. Maging sa simpleng anyayahan ng mga may angking karangyaan at dunong na dala mula sa ibang bayan.
Nagpatuloy ang buhay ko; nagpatuloy ang kasiyahan ng iyo. Habang hindi ako humihinto sa pagiging masigasig ay tinahak mo ang landas na ayaw ng mga gaya ko, ngunit makulay at kaaya-aya sa mga katulad ninyo. Habang patuloy sa pagtaas ang aking marka at inaambunan ng papuri ng mga guro, ay siyang pagbulusok pa-ibaba ng sa ‘yo. Hindi pala sapat ang ligaya, atensyon, at pagmamahal lang. Hindi pala sapat na laging sa kanila, dapat ay mayroong din sa ‘yo, sa sarili mo.
Pero nanatili kang punong hitik sa bunga sa paningin nina ama’t ina. Nasa yugto ng pagsubok, pagkilala sa sarili, pakikipagsapalaran, at pagdiskubre na paglao’y lilipas din kasabay ng mas lalong pag-angat at pagsikat. Hindi pagbagsak o pagpapariwara, kung hindi pagsubok na dapat lampasan at gawan ng paraan. Hindi nagpapakaligaya, kung hindi sumusubok ng bago—katangian ng isang taong may patutunguhan, may talino. Lilipas ang panahon, mag-iiba ako, mananatili kang ikaw.
Sumuko na ako sa pagkakataong iyon. Dapat pala ay noon pa lang napagtanto ko na. Maging ang tiwala palang akala ko ay nasa akin, nasa ‘yo na lang pala. Ang akala ko may natitira pa, umasa ako, akala ko lang pala. Naniwala akong mayroon pang para sa akin, bukod sa lahat ng wala na’t nasa ‘yo. Sinubukan ko naman. Nagtiyaga. Nagpakabuti. Nagpaka-sino. Ngunit sa huli, ako pa rin iyong katulad ng dati. Iyong wala. Iyong hindi magiging. Iyong anino. Iyong pangalawa. Iyong laging nakasunod. Iyong walang pangalan, walang pagka-sino.
![](https://img.wattpad.com/cover/14019784-288-k408017.jpg)
BINABASA MO ANG
Kontes Entris
De TodoKumuha ng papel. Nagsulat ng mga random na ideya. Pinagdugtong-dugtong. Himala at nakabuo ng makabuluhang kwento. Compilation ng mga entries sa iba't ibang writing contests. Okay naman ang iba. Lame nga lang ang karamihan. Pero ganoon naman talaga...