Walang Forever, 'Coz It's Far Over (Royal Rumble Season 2: Round One)

144 7 4
                                        

     Ito ang nakakatuwa sa audition round ng Royal Rumble. Magpapasa ka ng entry na walang ibang pinanghahawakan kundi tiwala sa kakayahan mong magsulat. Hahatulan ng mga hurado ang produkto ng kalikutan ng pag-iisip mo nang hindi naninimbang kung ipapasa ka ba dahil kaibigan ka nila o ibabagsak dahil minsan ka na nilang nakagirian. Char. Para kang nasa gitna ng trial at napaka-unpredictable ng outcome. Unedited.

ΔvΔvΔvΔvΔ

Noong tayo pa, hindi ko lubusang naiintindihan ang konsepto ng pagtitipid. Ano ba ‘yon? Bagong menu sa turo-turo sa kanto o assignment sa Logic na dapat sagutan ng nagbabagang essay na minimum of 2000 words, hand-written na magpasa-hanggang ngayon ay hindi ko maarok kung papaano individually ay bibilangin ng propesor kong sintanda na yata ng mga dinosaurs. Ayaw mo sa Jollibee kasi ang konti ng gravy. Ang gusto mo sa Aristocrat, 'yong do'n pa sa Roxas Boulevard.

Hindi naman sa sinasabi kong high-maintenance o masgatos ka, ang sinasasabi ko lang naman, laging butas ang bulsa ko no’ng tayo pa.

Noong tayo pa, lahat ng galaw ko dapat alam mo. Lahat ng texts ko dapat alam mo kung para kanino. Kapag binura ko ang sent items ng cellphone ko, pihadong isusumpa mo ang kaluluwa ko na mag-swimming sa eternal flames ng impyerno dahil taksil ako at pinagpipilitan mo pa ring tinitext ko ‘yong ex kong tatlo na ang anak at lahat panganay. Minsan nga inuwi mo pa ang telepono ko at nagalit ka no'ng kinabukasang tinanong ko kung may nag-text ba, eh cellphone ko nga 'yan 'di ba?

Hindi ko sinasabing masyado kang controlling at parang buhay na CCTV camera na nakatutok lang sa'kin. Kung dumiretso ba talaga ako sa trabaho o dumaan pa sa may kanto. Kung kumain ba talaga akong mag-isa at walang kasama o kumaing walang kasama pero pagkatapos meron na. Kung wala ba akong ibang kausap sa telepono bukod sa’yo kahit na alam mo nang mama’s boy ako at hindi napapalagay ang tumbong ng nanay ko hangga’t hindi niya naitatanong kung nakainom na ba ako ng kape nang hindi na ulit ako makatulog sa shift ko at mahuli ng amo kong mini-me version ni Lucifer.

Noong tayo pa, ang paghingi ng tawad ay parang conception ng fetus sa loob ng matres. It takes time.  Kung wala akong patience na sinhaba ng San Juanico Bridge at sinlaki ng boobs ni Keanna, pasensya ako. Kung hindi ako magtiyaga hanggang sa sinlamig na ng freezer ang ulo mo, pasensya ako. Kung hindi ako maglalakad nang nakaluhod papunta sa altar ng simbahan ng Baclaran kapag hindi ko nagawang mag-reply sa’yo dahil na-check op ako sa kalagitnaan ng shift ko, pasensya ako dahil magbe-break tayo. Punyeta talaga 'yang pasensyang 'yan eh. Hindi ikaw, okay?

Ayoko nang maniwala sa forever. Dahil kung sa pagitan lang nating dalawa, it’s far over.  

Pihadong masasanay din ako. Na wala akong tinatawag na Honey Munch sa paggising ko. Wala akong tinitext ng good morning kahit puno pa ng muta ang magkabilang-mata ko. Wala akong tinatanong ng kumain ka na ba five times a day kahit na mas malaki pa ang bilbil mo kesa sa’kin. Na wala akong nilu-look forward na daysary, monthsary, pati na bisperas ng monthsary, at marami pang ka-kornihang may suffix na –sary. Na wala na akong ka-date sa Valentine’s Day na natutuwa sa simpleng artificial flowers na coated ng alikabok at chocolates na isang ihip lang, durog na.

Basta, masasanay din ako. Siguro.

Kontes EntrisMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon