NANG mapagod si Saree sa pagtipa sa laptop niya ay sumandal siya sa recliner. Malapit na niyang matapos ang isang book review na ipinagawa sa kanya. Kasalukuyan siyang nasa roof deck ng bahay nila sa Diliman. Doon siya naglalagi kapag nasa bahay dahil doon niya ginagawa ang kanyang "negosyo" at kapag gusto niyang mapag-isa.
Lumipad ang tingin niya sa pader sa kanyang unahan at napabuntong-hininga. Naroon ang hindi pa natatapos na abstract painting in acrylic. Nasa kalahati na ang natatapos pero natengga iyon. Hindi niya alam kung bakit natatagalan ang daddy niya sa pagpinta niyon. Tumayo siya at lumapit sa pader. Saka tahimik na pinagmasdan ang painting.
Nakita niya sa gilid ng kanyang mga mata ang bulto ng kanyang ama. Tahimik siyang tumalikod at bumalik sa upuan.
"Kumain ka na ba?" tanong nito habang papalapit sa kanya.
"Hindi pa ako gutom," matipid na sagot ni Saree. Hinila nito ang isang plastic stool at tumabi sa kanya. Hindi niya ito pinansin.
"Nanggaling ako sa bahay ng Uncle Nathan mo. Nabanggit niya sa akin ang tungkol sa nangyari noong isang araw," saad nito.
Bumuntong-hininga siya. Iyon ang unang pagkakataon na nagsalita ito tungkol sa nangyayari sa kanya. Abala ang kanyang ama sa pamamahala sa franchise nito ng dalawang branch ng isang sikat na fast food. Hindi rin sila malapit sa isa't isa. Halos hindi sila nag-uusap at tila may kanya-kanya silang buhay. Mas kinakausap pa nga niya ang kasambahay nila na si Loida.
"Heto ang allowance mo." Inabutan siya nito ng dalawang libong piso. Napansin marahil ng kanyang ama na ayaw niyang pag-usapan ang nangyari kaya ito na mismo ang nag-iba ng usapan.
Tahimik na inabot niya iyon. "Sobra yata ito. May pera pa ako," nakatingin sa perang sabi ni Saree.
"Naisip ko na baka may biglaan kang bilhin sa school. Para hindi mo na problemahin ang panggastos."
"Salamat." Ibinulsa na niya ang pera. Muli siyang tumipa sa kanyang laptop. Isang paraan niya iyon upang itaboy ito. Hanggang maaari ay ayaw niyang makausap ito nang matagal. Wala rin naman siyang sasabihin dito. Hindi rin naman sila bukas sa isa't isa. It was only the responsibility of being family that made them stuck with each other. Ito ang kanyang ama kaya natural na sa poder nito siya nakatira. Ngunit kung hindi lang sa nangyaring aksidente ay marahil wala siya ngayon doon.
"Maganda pala sa kuko ang itim na kulay," pasimpleng puna nito sa mga daliri niya. "O, itong bracelet mo, tali ba ito?"
Lihim naman siyang napangiti habang patuloy pa rin sa pagtipa. Napakasimple ng paraan nito ng paninita. She couldn't remember him ever nagging at her. Kung mayroon man itong nakikitang mali sa ginagawa niya ay maayos pero direkta siya nitong kinakausap. Mas madalas nga na hindi pa. Iyon marahil ang paraan ng kanyang ama para punan ang pagkukulang nito sa kanila ng mommy niya.
"Kakaiba na talaga ang fashion ngayon," umiiling pang patuloy nito.
"M-may gusto sana akong sabihin," sabi ni Saree, hindi pinansin ang sinabi nito.
"Ano 'yon?"
"Gusto ko sanang lumipat na lang muna sa dorm."
Tumingin siya sa kanyang ama at ganoon din ito sa kanya. Nakita niya ang magkahalong lungkot at pinipigil na galit sa mga mata nito.
Si Saree rin ang nagbawi ng tingin. She hated seeing that kind of emotion. Parang napakalaki ng nagawa niyang kasalanan. Wala naman siyang masamang intensiyon. Gusto lang niyang lumayo at matutong maging independent. Pero parang iba ang interpretasyon nito roon.
"May problema ba sa pagtira mo rito? Hindi mo ba kasundo si Loida?" May halong kung ano ang tinig nito.
Napatitig siya sa kanyang ama. Pero pagkatapos ng ilang sandali ay nag-iwas din siya ng tingin. "Wala. Hindi. Ang gusto ko lang sana—"
BINABASA MO ANG
Way To Your Heart (Published Under PHR, 2010)
RomancePangalawa ang WTYH sa story ko. Itinuturing ko itong 'fruit' ng workshop ko sa PHR. Hihi. I was really inspired at that time. Marami akong natutunan sa isang buwan na workshop. Kaya sana ay magusutuhan ninyo ang story na ito. Pagpasensya na lang nin...