NASA main lobby si Saree ng building ng college niya at patungo na sana sa cafeteria nang makita niya si Noel na papalapit sa kanya.
"Kumusta?" tanong nito nang makalapit sa kanya.
"Okay lang. Ano'ng ginagawa mo rito?"
May inilabas itong isang pirasong papel at iniabot iyon sa kanya. "Research work. Proposal lang, topic siguro. Kailangan 'yan sa susunod na linggo."
Binasa ni Saree ang papel. Nakasulat doon ang mga detalyeng kailangan. Isang Mass Communication student ang nagpapagawa niyon. "Sige. Ite-text na lang kita kapag natapos ko na."
Muli niyang itinupi ang papel at isinuksok iyon sa likurang bulsa ng kanyang pantalon. Sabay na silang naglakad.
Si Noel ay kaklase na niya sa high school pa lang. Nasa ikatlong taon na rin ito sa kursong BS Architecture. Hindi tulad niya, lumaki ito sa hirap. Nagkataon lang na scholar ang lalaki kaya naipagpapatuloy nito ang pag-aaral. Kaya tuwing magbibigay ito ng "kliyente" ay hinahati niya ang bayad bilang tulong na rin dito.
"Saree, may sasabihin nga pala ako."
"Ano?" simpleng tanong niya kahit nahimigan na niya ng pag-aalala ang boses nito.
"Si Paolo."
Napahinto si Saree sa paglalakad nang marinig ang pangalan ng dating nobyo. Dinunggol ng kaba ang kanyang dibdib. "A-ano'ng tungkol sa kanya?"
"Isinugod siya sa ospital kagabi. Bugbog-sarado raw."
Hindi niya nakuhang tumugon agad. Naghalo-halo ang kaba, takot, at pagkalito niya. Paanong napahamak nang ganoon si Paolo? Iyon ba ang nakita niyang kakaiba rito nang huli silang mag-usap?
"Tara," sambit ni Saree at lakad-takbong tinahak ang daan palabas ng eskuwelahan.
NAPAKUNOT-NOO si Travis nang makita ang bulto ni Saree na papalapit sa gawi niya. Kasalukuyan siyang nasa St. Lukes Medical Center. Doon nila isinugod si Paolo dahil nang nagdaang gabi ay nakatanggap siya ng tawag na nakitang walang malay ito sa isang eskinita malapit sa unibersidad.
"Ah... si Paolo?" Puno ng pag-aalala ang tinig ni Saree nang makalapit sa kanya. Totoong pinagtakhan niya iyon.
"He's inside, sleeping. And he's fine," sagot niya. "Ano'ng kailangan mo?"
Napamaang ito sa kanya. Hindi nito suot ang camo cap nito kaya malaya niyang napagmasdan ang mukha nito. Her hair was disheveled like it always was.
Noon napagmasdan ni Travis ang bilugan nitong mga mata. Her petite but pointed nose blended well with her bony cheeks. Kung ngingiti lang ito ay napakasaya siguro nitong tingnan. At ang mga labi nitong minsan na niyang naangkin ay mamula-mula. He felt a sudden urge to claim them again. She was naturally pretty.
"Puwede ko ba siyang makita?" Naputol ng tanong ni Saree ang pagmamasid niya.
Muling kumunot ang noo niya. "Bakit?"
"Bakit?" balik-tanong nito. "Masama ba?"
Nagtataka siyang napailing. Wala talaga siyang maisip na dahilan para dalawin nito ang kanyang kapatid. "Teka nga. Magkaibigan ba kayo?"
"Higit pa," sagot nito at nilampasan siya. Akmang bubuksan ni Saree ang pinto ng silid na kinaroroonan ni Paolo nang pigilan niya ito.
"Ano na naman ito, Herrera?" tanong ni Travis nang iharang ang sarili sa pinto.
"Wala akong gagawing masama. Gusto ko lang siyang makita," naiinis na sagot nito.
"I told you to stay away from him," aniya.
BINABASA MO ANG
Way To Your Heart (Published Under PHR, 2010)
RomancePangalawa ang WTYH sa story ko. Itinuturing ko itong 'fruit' ng workshop ko sa PHR. Hihi. I was really inspired at that time. Marami akong natutunan sa isang buwan na workshop. Kaya sana ay magusutuhan ninyo ang story na ito. Pagpasensya na lang nin...