CHAPTER 7: For/Shadow

6.1K 219 7
                                    

Gusto raw mag-arcade ni Jocas kaya nagpahatak na lang sa kung saan si Josef. Hinayaan na lang niyang gawin ni Jocas ang gusto nitong gawin dahil habang pinipigilan ito, lalo lang itong nagkakalat.

Dinala nga siya nito sa may arcade at napakaraming bata at isip-batang naroon. Ang daming tao sa paligid at halo-halo ang ingay ng makinang pinaglalaruan. Dumeretso si Jocas sa bilihan ng token kaya sumunod na lang siya rito. Nagmamatyag pa lang siya sa paligid nila nang mapahinto matapos iduldol ni Jocas sa mukha niya ang isang gintong coin.

"Josef, ito, o!" Iniabot ni Jocas sa kanya ang isang token na binili nito.

"Ano 'to?" tanong pa niya habang tinititigan sa palad ang bigay ng asawa.

"Token!"

"Alam kong token 'to, pero bakit ito lang?" reklamo niya rito.

"'Yan lang, e."

"Don't tell me, wala 'tong pera?" bulong ni Josef sa isip. "Aalis-alis ka tapos hindi ka magdadala ng pera," sermon niya sa asawa. Kinuha na niya ang wallet sa bulsa. Aabutan sana niya si Jocas para bumili pa ng maraming token kaso pinigilan siya nito bago pa siya makapaglabas ng pambayad.

"Kaya kong paramihin ang token ko kahit isa lang ang mayroon ako," sabi nito, at pansin niyang proud na proud ito sa sinabi habang malawak ang ngiti.

"What?" naguguluhang tanong niya.

"Kung gusto mong magtagal tayo rito, e di bumili ka ng maraming coin!"

"Ano?" gulat pang tanong ni Josef.

"Ba-bye!" Bigla na lang itong kumaripas ng takbo at nawala na lang sa lipon ng mga naglalaro.

Biglang naningkit ang mga mata ni Josef habang kuyom-kuyom ang nag-iisang token sa kamay niya.

Kailangan talaga niya ng pasensiya—mahabang pasensiya tuwing kasama si Jocas.

Nagmasid na naman siya sa paligid at inobserbahan ang mga naroon bago naglakad sa kung saan tumungo si Jocas.

Nakatapat sa dibdib niya ang kanang kamay kung saan paikot-ikot sa mga daliri niya ang hawak na gintong coin. Naririnig niya sa kanan ang nagkakalansingang barya. Sa kaliwa ay tunog ng nagbabarilan at nagsisigawan naman sa shooting game.

Naglibot-libot pa siya habang tinitingnan ang paggagamitan ng barya nang makaabot sa hilera ng mga pinball machine. Napataas ang magkabila niyang kilay nang makita si Jocas na nakaupo sa gitna. Lumapit siya rito habang pinanonood itong magbilang ng umiilaw na numero sa malaking screen.

"Having fun?" sarkastikong tanong niya rito.

"Siyempre!" sagot nito nang hindi man lang siya tinitingnan.

Nakarinig siya ng tunog ng naghuhulugang mga barya sa ilalim. Umiilaw ang machine na pinaglalaruan nito. Yumuko si Jocas at may kinuha sa ilalim ng machine. Bumalik ito sa maayos na upo at binilang ang mga nakuha.

"Ilan ang nakuha mo?" tanong ni Josef.

"Twelve lang."

"Twelve token, huh?" Sinulyapan niya ang makulay na makinang puro pula at dilaw na ilaw bago ibinalik kay Jocas ang tingin. "Paano ba nilalaro 'yan?"

"Ganito, hulog ka ng token dito sa slot," pagtuturo ni Jocas.

Naghulog nga ito sa may coin slot ng machine at bigla iyong umilaw at tumunog na ibig sabihin ay ready to play na ang player.

"Push the start." Pinindot nito ang button na may START na nakalagay sa kanang ibaba ng malaking screen. "Then, pull this." May hinila itong spring lever sa ibaba ng screen at biglang kumawala ang isang gintong bola pagkatapos nitong hilahin ang lever.

Project RYJO 1: The NewlywedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon