CHAPTER 13: The Other Persona

4.2K 157 19
                                    

Warning: Read at your own risk

• • •

Nagising siya sa kalagitnaan ng gabi dahil sa isang hindi magandang panaginip. Tamad na tamad siyang bumangon sa kama at humikab dahil sa antok. Kinusot niya ang mata at sandaling tumulala. Mabigat ang kanyang ulo at parang tinutusok ang ilang parte nito mula sa loob. Tinanggal niya ang kumot na nakabalot sa katawan at umalis na ng higaan. Pumunta siya sa banyo at doon nag-inat-inat nang kaunti.

"Nagpakita siya kanina," sabi niya sa sarili.

"Oo nga." Siya rin ang sumagot sa sinabi ngunit magkaibang-magkaiba ang tono at punto ng pagsasalita.

"Bakit hindi mo na sabihin sa asawa mo ang tungkol sa kalagayan mo?"

"Hindi ko siya asawa, Jin. Asawa siya ni Jocas." Humarap siya sa salamin at animo'y kinakausap ang ibang tao kahit na sariling imahen ang nakikita sa repleksyon.

"May kaibahan ba kung si Jocas, ako, si Erah, o ikaw ang asawa niya?"

"Malaki ang kaibahan. Alam mo naman kung bakit."

"Ano ba talaga'ng binabalak mo sa taong 'yon?"

Hindi niya sinagot nang deretso ang tanong ng tao sa salamin. "Nakakatawang isipin na nakapagtatago pa rin pala ako ng sekreto sa inyong tatlo. May parte pa rin pala ang utak ko na hindi ninyo nakikita."

"Kailangan mo ba talagang personal na kunin ang mata sa lugar na 'yon? Hindi mo ba hihintaying makuha 'niya' ang kailangan mo?"

"Hindi maganda ang kutob ko sa auction na 'yon, Jin. Kahit si Jocas, alam 'yan." Tiningnan niya nang maigi ang salamin. "Sa tingin mo ba, magsasama-sama silang lahat dahil lang sa iisang simpleng auction? Iimbitahan ako, oo, hindi na nakapagtataka. Pero tingnan mo ang mga dahilan nila para lang masigurong pupunta ako at ang taong 'yon doon."

"Ibig bang sabihin niyan, may iba pang dahilan?"

"Malamang. At kung ano man ang dahilang 'yon, sigurado akong may kaugnayan na naman ang mga tao sa itaas."

"Pupunta ka para lang guluhin ang plano nila?"

"Pupunta ako dahil kailangan kong masiguro na magiging ligtas ang lahat."

"Kailan pa naging ligtas ang lahat sa mga kamay mo?"

Natawa siya nang mahina sa tanong na iyon. Binuksan niya ang medicine cabinet at kinuha ang isang maliit na botelya ng iodine. Hindi mahahalatang hindi talaga iodine ang laman niyon dahil sa kulay tsokolateng bote.

"Hanggang kailan mo ba iinumin ang lason na 'yan?"

Ngumiti lang siya sa salamin at ininom ang lahat ng laman ng bote. "Hangga't hindi ko pa nararamdamang mamamatay na ako nang tuluyan."


• • •


Nakapag-ayos na si Jocas ng sarili at nakaupo lang sa kama. Wala siyang mailalagay sa video diary niya kahit gusto man niyang maglagay ng entry. Makailang-beses na rin siyang nagbuntonghininga nang napakalalim dahil wala siyang matandaang ginawa simula kahapon at kaninang paggising.

Isang malalim na buntonghininga na naman ang pinakawalan niya at tumayo. May alas-otso na rin ng umaga, kailangan na niyang mag-almusal. Nag-inat siya nang kaunti at pinagpag ang suot na orange dress na may floral pattern.

Dumeretso siya sa pinto upang lumabas na ngunit sandali siyang huminto upang tingnan ang study table kung nasaan ang camcorder. Nagpakita ang lungkot at pag-aalala sa kanyang mukha. Binuksan na niya ang pinto kalaunan.

Project RYJO 1: The NewlywedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon