"Hanggang saan aabot ang feelings mo?"

13 0 0
                                    

Yung feelings mo ba, hanggang intro lang ng isang kanta?
Baka naman, pang trailer ng isang pelikula?
O pang teaser ng isang musika?

Kung ang feelings mo ay umabot hanggang sa huling tipa sa gitara,
Sa pagsarado ng mga pulang kurtina,
O sa huling salitang binigkas ng tinig na may panghaharana,

Aba'y napakaswerte mo dahil narating mo ang rurok ng kaligayahan ng iyong nararamdaman.

Kasi ako, hindi.

Apat na taon akong nagtanong kung ano nga ba ang pakiramdam ng may minamahal.
Dahil mula no'ng ako'y masaktan ay hindi na ako sumubok pang sumugal.
Masyado akong nadala at nasaktan noon
Kaya kahit may magtangka ay hindi ko binibigyan ng pagkakataon.

Ngunit, biniro ako ng tadhana.
Ipinakilala niya sa akin ang taong muling gumising sa natutulog kong puso,
Ang taong nagbigay sabik sa nakalimutang pagsuyo

Sa sobrang sabik ko nga ay nakalimutan ko ang kaisa-isang babala ni tadhana,
Na ipapakilala niya lang siya sa akin, kaya't wag na wag kong mamahalin.

Ngunit, anong silbi ng pagtatagpong iyon kung hindi bibigyan ng bunga ang nararamdaman?
Kung hindi gagawan ng liriko ang isang kanta?
Kung hindi bibigyan ng kwento ang isang pelikula?
At kung hindi lalapatan ng himig ang isang musika?

Sabagay, kasalanan ko.
Oo, kasalanan ko dahil hindi pa hinog ay pinitas ko na
Namumunga pa lang ay pinutol ko na, ang punong nagsisilbing pundasyon ng aming pagmamahalan,
Na hindi kalaunan ay aking winakasan.

Winakasan ko? OO winakasan ko nga agad.
Dahil nagsisimula pa nga lang pero pakiramdam ko ay patapos na
Lalapatan pa lamang ng tamis ngunit ang nalasahan ko na ay pait
Nawala ang kilig dahil napalitan ng sakit.

Masakit bitawan ang taong minahal mo nang lubusan,
Pero mas masakit ay hayaan ka niyang bumitaw nang tuluyan,
Lumayo nang walang lingunan,
At sukuan na kahit isang beses ay hindi ka niya nagawang ipaglaban.

Kaya ang feelings niya ay tila isang intro lang ng kanta
Sa una lang masaya
Sa una lang masarap
Sa una lang kapana-panabik
Sa una lang pinadama
At sa una lang naramdaman.

Minsan naisip ko, hindi kaya katulad lang ang istorya namin sa isang kanta na "right love, wrong time?"
Na "somewhere down the road," ay matagpuan naming muli ang isa't-isa
At maitama ang maling pagkakataon
Kung saan ay pinaramdam namin ang pagmamahal na akala namin ay nasa tamang panahon.

May nagtanong sa akin, kung nag aantay pa rin daw ba ako sa ending,
Kung sa kanta ay gusto ko pang umabot sa refrain, chorus o bridge,
Bridge na magtutulay sa akin patungong muli sa kanya
Sa kanya upang ituloy ang mga pangakong sinumpaan,
Mga pangarap na gustong kamtan
At mga alaalang maaari pang dugtungan.

Pero hindi, hindi na ako nag aantay ng ending.
Dahil bago pa man mabuo ang isang verse ng kanta ay natapos na ito.
Tapos na. Wala na. Yun na.
At bakit pa ako tatawid sa tulay, kung alam ko naman na sa dulo non ay katapusan din naman ang aking matatagpuan?

Dahil ang relasyon ay parang kanta,
gaano man ito kaganda,
gaano man ito kasarap pakinggan, darating sa punto na ito'y matutuldukan.
Hindi dahil sa tapos na ang kanta, kundi dahil may isa na piniling hindi na ito pakinggan pa.

Kaya tanong ko sayo, hanggang saan aabot ang feelings mo?

Fragments Of A Broken HeartWhere stories live. Discover now