MAGANDA ang gising ni Lawrence kahit pa sa mattress na nasa sahig lang siya nakatulog. Narinig niya ang lahat ng sinabi ni May sa kanya nang nagdaang gabi. Nagtulog-tulugan lang siya pero hindi niya iyon sinasadya. Naalimpungatan kasi siya nang hawakan nito ang pisngi niya. Gustong-gusto niyang dumilat ngunit mas nanaig ang curiosity niya. Nais niyang marinig ang lahat ng sasabihin nito. At ikinatuwa niya ang lahat ng sinabi nito. Masaya siya dahil naa-appreciate na nito ang presensiya niya sa buhay nito. At dahil masaya siya, siya na ang magluluto ng agahan nila.
Patapos na siya sa pagluluto nang pumasok si May sa kusina.
"Bakit mo ginagawa 'yan? Sana ginising mo na lang ako," anito sa kanya.
"Good morning," sa halip ay bati niya rito. Nilapitan niya ito at hinalikan sa noo.
Tila nagulat ito sa ginawa niya ngunit hindi na ito nagsalita.
Alam niya na para siyang timang. Habang naroon siya sa condo unit nito ay ini-imagine niyang ito ang maybahay niya. Hindi naman siguro masamang mangarap. Isa pa, may pag-asa naman siyang nakikita dahil maayos na ang estado ng relasyon nila.
"Good morning din," ganting-bati nito nang tila nakabawi ito.
"Thank you nga pala. Hindi mo ako pinalayas kagabi."
Ngumiti ito. Iyon na yata ang pinakamagandang bagay na nakita niya sa lahat ng umaga sa buhay niya. "Walang anuman. Naawa naman kasi ako sa 'yo. Pagod na pagod ka."
Sabay silang nag-agahan. Nang matapos sila ay ito ang nagprisintang magligpit at maghugas ng pinagkainan nila.
Alas-diyes na ng umaga nang umalis siya sa bahay nito. Ayaw pa nga niyang umalis kaya lang ay nakakahiya na rito.
Pagdating niya sa bahay niya ay sinalubong agad siya ng manager niya. "Tito Greg, ano'ng ginagawa mo rito?" tanong niya rito.
"May balita lang naman na nakarating sa akin. Nobya mo na raw si May Seron. Nagpalipas ka pa raw ng gabi sa condo unit niya. Totoo ba 'yon?" tanong nito. Hindi man ito mukhang galit, seryoso naman ang mukha nito.
"Ang bilis naman talaga ng tsismis," napapailing na wika niya.
"Sumagot ka, Lawrence."
"Yes. Doon nga ako natulog sa condo unit niya, and so what? Iisipin ko pa ba ang maruming isip ng mga reporter sa tabi-tabi? I was so damn tired last night at naawa sa akin si May kaya nang makatulog ako ay hinayaan na niya ako," paliwanag niya rito.
"Ito lang ang payo ko sa 'yo, Lawrence. Pagkatapos mai-launch ng pelikula ninyo ni May ay kailangan mo na muna siyang iwasan dahil itatambal ka na namin sa iba. May wants to rest. Pero ikaw, kailangan mong magpatuloy. Susubukan namin ang chemistry mo sa ibang aktres ng DYA Eight."
Kumunot agad ang kanyang noo. "Tito Greg, matagal ko nang kapareha si May sa industriyang ito. Bakit naman biglang may magbabago? Magpapahinga lang naman siya pero hindi siya aalis ng showbiz. Eh, di hintayin na lang natin ang pagbabalik niya. Puwede naman siguro akong mag-survive sa business na 'to kahit pa wala akong ka-love team."
"May gusto ka ba kay May kaya ganyan ka mag-react?" walang anumang tanong nito sa kanya.
Hindi siya sumagot. Ibinaling na lamang niya sa iba ang atensiyon niya.
"Wala na tayong magagawa sa desisyon ng mga boss sa DYA Eight. Makisama ka na lang muna."
Pagkatapos nilang mag-usap ay umalis agad ito. Naiwan siyang tulala at nag-iisip. Ayaw niya ng ibang ka-love team maliban kay May. Ngunit matatagurian siyang unprofessional kung tatanggi siya sa desisyon ng management.
Napabuntong-hininga siya. Magtutungo na sana siya sa kuwarto niya nang tumunog ang cell phone niya. Ang mommy niya ang tumatawag. Ito na lamang ang nag-iisang pamilya niya. Namatay sa isang car accident ang ama niya noong nasa kolehiyo siya. Mula noon ay siya na ang nagtaguyod sa kanyang ina.
"Kumusta ka na, anak?"
"Maayos naman ho. Pupunta ako riyan sa Holy Week," masayang pagbabalita niya rito.
"No need. Ako na lang ang pupunta sa 'yo," wika nito na ikinakunot ng noo niya.
"Hindi mabuti para sa inyo ang polusyon sa Maynila. Ako na lang ang pupunta riyan," giit niya. Alagang-alaga niya ang kanyang ina. May sakit kasi ito sa puso at ayaw niyang manatili ito sa unsafe na paligid.
"Anak, nagsasawa na ako rito sa Pampanga. Isa pa, malapit na ang heart transplant ko. Gusto ko munang magliwaliw sa Maynila bago iyon mangyari. Kung hindi iyon magiging successful, paano pa ako makakarating diyan?"
"Mommy! Ano ba'ng pinagsasasabi n'yo?" saway niya rito. "Magiging successful 'yon," matigas na wika niya. Ayaw niyang isipin na hindi magiging maganda ang resulta ng nalalapit na heart transplant nito. Ayaw na niyang mawalan ng isa pang magulang. Nang manahimik ito ay kumalma siya. "Sigurado ba kayo na ayaw ninyong sa Amerika magpaopera?"
"Hindi na, anak. Malaki ang tiwala ko sa doktor ko. Hindi niya ako pababayaan," sagot nito.
Hindi na niya ito sinalungat. "Okay. Ipapasundo ko na lang kayo riyan bago mag-Holy Week."
"Sige, anak. Mag-iingat ka riyan. I love you."
"I love you too, 'My," aniya, saka pinindot ang End call button.
Nagtungo siya sa kuwarto at humiga sa kama niya. Hindi pa rin nawawala sa isip niya na hindi niya makakasama si May sa ilang proyektong gagawin niya. Mayamaya ay hindi na siya nakatiis. Tinawagan niya ito.
"Bakit, Lawrence?"
"Kailangan mo ba talagang magpahinga sa show business?" deretsahang tanong niya rito.
"Oo. Sa tingin ko ay kailangan."
Napabuntong-hininga siya.
"Bakit? May problema ba?" tanong nito.
"Wala naman. Hindi ko lang ma-imagine na iba ang ka-love team ko," pag-amin niya.
"Ano ka ba? Masasanay ka rin. O kaya kung gusto mo ay magsolo ka muna. Saka, I'll be back. Ilang buwan lang siguro akong mawawala."
"Siguruhin mo lang na ilang buwan lang," aniya rito.
Tumawa ito. "Para kang sira. Siyempre, babalik ako."
"Just make it sure."
"Bakit ba kasi?"
"Mami-miss kita," pag-amin niya.
stif$:֙!S