Chapter 17

9.3K 160 0
                                    


HAWAK ni Lawrence ang isang kamay ni May habang nakaupo sila sa waiting area ng isang pribadong ospital kung saan kasalukuyang inooperahan ang kanyang ina. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon. Daig pa niya ang baboy na kakatayin anumang oras.

"Everything will be okay. Have faith, okay?" nakangiting wika ni May sa kanya.

Huminga siya nang malalim. "Kinakabahan ako," pag-amin niya. Natutuwa siya dahil nasa tabi niya ito. Kung hindi, lalo siguro siyang matataranta at hindi mapapakali. Pakiramdam niya ay dinadagdagan nito ang lakas niya. "Thanks, May. Hindi ko alam ang gagawin ko kung wala ka. Salamat talaga."

Nakangiting hinigpitan nito ang pagkakahawak sa kamay niya. "Kaibigan kita."

May isang bahagi sa pagkatao niya na nasaktan nang sabihin nito ang mga katagang iyon. Ngunit iyon naman ang totoo. Magkaibigan sila. Hindi ba, sobra pa nga siya kung pag-ingatan ang "pagkakaibigan" nilang iyon.

Ilang oras na nagtagal ang operasyon. Nakatulog na nga si May habang nakasandal sa braso niya. Nang magising ito, eksakto namang lumabas na ng operating room ang surgeon na nagsagawa ng operasyon sa kanyang ina.

"Kumusta po ang operasyon, Doc?" nag-aalalang tanong niya rito.

"Wala kang dapat ipag-alala. Your mom's okay. Sa totoo lang, malaki ang iginanda ng kalusugan niya bago siya nagpaopera kaya hindi kami nahirapan sa operasyon. Ilang buwan lamang ay makaka-recover din siya."

"Maraming salamat po!" masayang-masayang wika niya at kinamayan pa ang doktor. Para siyang nabunutan ng masakit na ngipin nang marinig ang magandang balita mula rito.

"Sabi ko sa 'yo, eh. Walang masamang mangyayari kay Tita Leila," masaya ring sabi ni May sa kanya.

"Yes. Salamat sa Diyos, sa pamilya mo, at siyempre sa 'yo. Hindi n'yo pinabayaan si Mommy habang wala ako," aniya rito at saka niyakap ito.

"Huwag mong intindihin 'yon, Lawrence. Hindi na iba ang mommy mo sa 'min." Hinagod nito ang likod niya. "Ang mabuti pa, magpahinga ka muna. Pagod ka pa galing ng shooting."

Pagkalipas ng ilang araw, nang sabihin ng doktor na maaari nang lumabas ng ospital ang kanyang ina ay kina May sila tumuloy. Doon daw nais ng kanyang ina na magpagaling. Pinayagan na lamang niya ito dahil hindi naman siya titigilan nito. Isa pa, kinausap na rin siya ni May tungkol doon. Pinasamahan na lamang niya ang kanyang ina sa isa sa kanilang mga kasambahay para hindi naman gaanong maistorbo ang mga magulang ni May.

"Kailan mo balak bumalik sa Maynila?" tanong ni May sa kanya habang nagkakape sila sa mini-garden ng mga ito. Pareho silang nakasandal sa kahoy na upuan habang nakatingala sa madilim na kalangitan. Mabuti na lamang at may mga bituin doon, kung hindi ay hindi magiging makulay ang gabi.

"Kailangan kong bumalik sa Maynila bukas dahil may shooting kami," sagot niya. "Ikaw? Kailan mo balak bumalik sa Maynila?"

"Next week pa naman." Ikinuwento nito sa kanya ang tungkol sa bagong teleserye na pagbibidahan nito. Napakunot-noo siya nang sabihin nitong si Alexis Dungo ang makakapareha nito. "Mukhang magkakahiwalay na tayo ng landas."

"Magkaiba man ang mga kapareha natin, magkaibigan pa rin tayo. Ano bang hiwalay ng landas ang pinagsasasabi mo?"

Bahagya itong tumawa. Marahil ay dahil sa OA na reaksiyon niya. Bumaling ito sa kanya. "Aminin mo, pareho na tayong magiging busy. Madalang na tayong makakapag-usap. Kailangan nating i-prioritize ang mga bago nating kapareha. As much as possible, kailangang mai-link romantically ang mga pangalan natin sa kanila. Gano'n sa show business, 'di ba?"

"Kapag may libre akong oras, hindi puwedeng hindi kita dalawin o tawagan man lang," sabi niya rito.

"Susubukan ko ring gawin 'yan, Lawrence," anito at saka muling tumingin sa kalangitan.

Nais na niyang aminin ang damdamin niya para dito ngunit paano niya gagawin iyon?

"Hindi mo na kailangang magpanggap na nakikipagmabutihan ka sa akin dahil okay na si Tita Leila."

Lalo siyang pinanghinaan ng loob sa sinabi nito. Pinili na lamang niyang manahimik kaysa masaktan kapag ni-reject siya nito nang harapan.

"Paano kung hindi ako nagpapanggap lang? Paano kung totoo na may kakaiba na akong nararamdaman para sa 'yo?" kapagkuwan ay hindi nakatiis na pasaring niya rito. Baka sakaling tamaan ito.

"Ikaw talaga. Ano ba'ng sinasabi mo? Alam kong kaibigan lang ang turing mo sa 'kin. Huwag mo nga akong tinatanong nang ganyan."

Sa tingin niya ay iniiwasan nito ang tanong niya. Bumuntong-hininga na lamang siya. Hindi na masama kung "kaibigan" lamang siya para dito kahit ganoon na lamang sila habang-buhay. Hindi sa sumusuko na siya dahil wala pa naman talaga siyang ginagawa. Hahayaan na lamang niyang ang tadhana ang gumawa ng paraan. Iyon naman talaga ang prinsipyo niya. Kung para sa kanya ang isang tao o bagay, kusa iyong darating sa kanya, sa ayaw at gusto niya.

Kung gugustuhin ng tadhana na maghintay pa siya ay gagawin niya. Mas okay na ang maghintay kaysa madaliin niya ito, baka masira pa ang pagkakaibigan nila.

"Inaantok ka na ba?" tanong niya rito nang hindi na ito umimik. "Ihahatid na kita sa kuwarto mo."

"Sige." Pagdating nila sa tapat ng pinto ng kuwarto nito ay hindi kaagad siya umalis.

"May kailangan ka pa?" tanong nito.

Hindi niya ito sinagot. Bahala na kung ano ang magiging reaksiyon nito. Hindi na niya kayang pigilin ang damdamin niya. Inilapit niya ang mukha niya rito at dinampian ng halik ang mga labi nito.

Naramdaman niya ang pagkagulat nito. Gayunman, hindi agad niya inalis ang pagkakadikit ng mga labi niya sa mga labi nito. Nang dahan-dahan itong pumikit, niyakap niya ito at masuyong hinalikan.

Ginaya nito ang paraan kung paano niya ito hinahalikan. Nais niyang sapakin ang sarili upang mapatunayang hindi siya nananaginip lang. Her lips tasted like heaven. Nasa cloud nine na yata siya.

Tumigil siya sa paghalik dito nang maramdaman niyang nagde-demand na ang katawan niya nang higit pa sa halik.

Para silang humugot ng malalim na hininga nang maghiwalay ang mga labi nila.

"Goodnight, my angel," aniya, saka tumalikod. Hindi na niya hinintay ang sampal na igagawad nito sa pisngi niya. Magalit man ito ay hindi siya magso-sorry. Hindi niya ihihingi ng tawad ang isang bagay na ginusto niya.

mso-hyphenate:n-=֗P

Love Team COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon