NAKAUPO si May sa sofa habang pinagmamasdan niya sa labas ng bintana ang malakas na buhos ng ulan. Alas-diyes pa lang ng umaga pero parang gabi na. Nakabalabal sa katawan niya ang comforter niya sa kama. Pangatlong tasa na ng kape ang iniinom niya. Minsan, masarap sa pakiramdam ang magpahinga sa bahay habang umuulan.
Mayamaya ay nagulat siya nang biglang tumunog ang cell phone niya Nanginginig ang mga kamay na dinampot niya ang aparato nang makita niyang si Lawrence ang tumatawag.
"Yes?"
"Na-stranded ako sa baha. Sobrang traffic. Malapit lang ako ngayon sa condo mo. Puwede mo ba akong sunduin dito?" pakiusap nito, pagkatapos ay sinabi nito ang eksaktong lugar kung nasaan ito.
Hindi na niya pinag-isipan ang isasagot dito. Basta pumayag na lang siya. Dali-dali siyang kumuha ng payong at lumabas para sunduin ito.
Hindi pa siya nakakalayo sa gusali ng condominium niya ay nasalubong na niya si Lawrence. Iniwan na raw nito sa driver ang sasakyan nito.
Nang nasa loob na sila ng condo unit niya ay hinubad nito ang polong suot nito kaya nakasando na lamang ito. Hinubad din nito ang sapatos at medyas nito. Baliw na siya kung baliw pero natutuwa siyang tingnan ito.
"Saan ka ba kasi pupunta?"
"Pauwi na ako, galing ako ng Pampanga," sagot nito, saka umupo sa tabi niya. "Dinalaw si Mommy."
Ilang araw na sila na parang magkaibigan na kung mag-usap. Masaya naman pala ang ganoon, para siyang nabunutan ng tinik.
"Taga-Pampanga ka rin pala," nakangiting wika niya rito.
"Ikaw rin?" malapad ang ngiting tanong nito sa kanya.
"Wa," sagot niya rito na kung ita-translate sa Tagalog ay "oo" ang ibig sabihin.
"Mumuli ka pa keng Pampanga?" tanong nito sa diyalektong Kapampangan.
Pilit na itinago niya ang lungkot na nadarama. "Hindi na ako umuuwi ro'n."
"Bakit?"
"Ekami okay ning pengari ku," sagot niya. Matagal na niyang hindi nagagamit ang dialect na iyon.
"Magaling ka pa ring mag-Kapampangan," anito. "Bakit hindi kayo okay ng parents mo?"
"Huwag ka ngang umarte riyan. Alam mo kung ano ang problema ko sa pamilya ko. My life has been an open book. Alam nga ng media, eh," aniya, saka tumawa. "Huwag lang talaga nilang pangangalanan ang pamilya ko o maglabas man lang ng litrato nila sa publiko dahil malalagot talaga sila sa 'kin," pabirong sabi niya.
Nagkaroon na siya noon ng isyu tungkol sa pagtatakwil sa kanya ng kanyang mga magulang. Inamin niya iyon noon dahil wala ring sense kung itatago niya iyon. She was glad her supporters accepted it. Hindi iyon naging dahilan para mawala siya sa limelight.
"Giniginaw ka ba?" pag-iiba niya ng usapan. "Teka, ipagtitimpla kita ng kape." Kahit madalas na niyang hindi nakakasama si Yayo dahil abala ito sa pag-aayos ng nalalapit na kasal nito ay ayos lang sa kanya dahil lagi namang naroon si Lawrence para sa kanya.
"Salamat," ani Lawrence nang iabot niya rito ang tasa ng kape.
Umupo siya sa tabi nito at binuksan ang telebisyon. Pinag-usapan nila ang lahat ng kapwa nila artista na nakikita nila sa TV.
"Ang sama mo," wika nito sa kanya pagkatapos niyang magkomento tungkol sa isang bagong artista na in-interview sa show na pinapanood nila.
"Totoo naman, nagparetoke 'yan ng boobs. Itanong mo pa kay Doctora Angeles," natatawang wika niya. Ang Doctora Angeles na sinasabi niya ay isa sa pinakamagaling na cosmetic surgeon sa bansa.
"Ngayon ko lamang nalaman na tsismosa ka pala," pambubuska nito.
"Ah, tsismosa ako? Puwes, tsupi! Umuwi ka na sa bahay mo at baka itsismis pa kita," aniya, saka binelatan ito.
Inakbayan siya nito. "'To naman, siyempre joke lang 'yon."
pheT<Q