"HEY, NAPATAWAG ka," masiglang sabi ni May kay Lawrence sa kabilang linya. Tatlong linggo na ang nakalilipas mula noong huli niya itong nakita. Nag-uusap pa rin naman sila sa cell phone ngunit hindi nila pinag-uusapan ang halikang nangyari sa pagitan nila. Siguro ay dahil pareho silang naiilang. Iba kasi iyon. Wala sila sa harap ng camera nang maganap iyon. She wanted to ask him, siguro naman ay karapatan niya iyon. But she chose not to. Sa ngayon ay ibinubuhos niya ang buong atensiyon sa bagong proyektong ibinigay sa kanya.
"Itatanong ko lang sana kung puwede ka ngayon," sabi Lawrence sa kanya.
"May shooting kami ngayon, eh. And we're about to start. Pasensiya na, ha? Sige, I need to hang up." Bago pa makasagot ito ay napindot na niya ang End call button. Narinig na kasi niya ang pagtawag ng direktor sa atensiyon nila.
Sa totoo lang ay nami-miss na rin niya si Lawrence ngunit kailangan muna niyang magpaka-professional sa trabaho. Huminga siya nang malalim. Magtatrabaho muna siya. Mamaya na lang niya iisipin ito.
Hindi niya alam kung ilang oras silang nag-taping nang araw na iyon. Basta ang alam niya ay hapong-hapo siya. Nang magdeklara na ang direktor nila na pack up na sila ay mabilis pa sa kidlat na sumakay siya sa kotse niya.
"Gusto mo ba munang kumain?" tanong ni Yayo sa kanya.
"No. Masyado na akong pagod. Gusto ko nang matulog."
Hindi na siya pinilit nito.
Pagdating sa condo unit niya ay umalis agad ito para daw makapagpahinga na siya. Hindi na siya nag-abalang magbihis. Humiga agad siya sa kama. Ngunit nagpabiling-biling lang siya sa higaan.
Napagpasyahan niyang buksan ang telebisyon. Bisyo na niya iyon: ang magbukas ng telebisyon kapag hindi siya makatulog kahit pagod na pagod siya mula sa shooting.
Isang live na late night show ang bumungad sa kanya. Agad na tumaas ang isang kilay niya nang makita niyang sina Lawrence at Pia ang mga guest. Todo ang promotion na ginagawa ng DYA 8 sa dalawa kahit pa maliit na drama lang naman ang pagbibidahan ng mga ito.
Aaminin niyang nagngingitngit ang kalooban niya dahil sa sobrang pagkakadikit nina Lawrence at Pia sa isa't isa kahit maluwang ang sofa na kinauupuan ng mga ito.
Naiinis siya dahil dati ay siya ang kasa-kasama ni Lawrence sa mga ganoong interview. Nagseselos ba siya? Oo. Pero ano ang karapatan niyang magselos sa mga ito? Wala.
"Marami kaming naririnig na nagkakamabutihan na raw kayong dalawa," panimula ng host. "Totoo ba ang balitang 'yon?"
Parang gusto niyang ibalibag ang remote control sa TV ngunit nagpigil siya. Wala siyang mapapala kung magiging bayolente siya. Isa pa, hindi biro ang halaga ng TV na iyon para sirain niya.
Ngumiti muna si Pia bago ito sumagot. "Magkaibigan lang po kami ni Lawrence. Hindi ko na nga matandaan kung ilang taon na mula no'ng magkakilala kami. Baka nami-misinterpret lang ng mga tao ang closeness namin."
Tumaas ang isang kilay niya. "Showbiz na showbiz!" nakaismid na sabi niya.
"Pero walang namumuong higit pa sa pagkakaibigan sa pagitan ninyong dalawa?"
"I would admit that I really, really like this guy beside me," matapang na sagot ni Pia.
Bigla siyang na-insecure. Hindi siya ganoon katapang. Ni sa panaginip ay hindi niya magawang aminin sa isang lalaki na may gusto siya rito, lalo na kung alam niyang nakaere iyon at marami ang nanonood.
Ang sumunod na ipinakita ay ang video teaser ng susunod na proyekto ng mga ito. Parang gusto niyang magwala at maglupasay nang makita niya ang kissing scene ng mga ito.
Nagtakip na lang siya ng unan sa mukha. Binabagabag talaga siya ng napanood niya kahit alam niyang isa lamang eksena iyon. Umamin si Pia na gusto nito si Lawrence, pagkatapos ay may kissing scene pa ang mga ito. Ganoon na lang ba iyon? Panonoorin niya ang mga ito hanggang sa magkatuluyan ang mga ito? Paano na ang pag-ibig niya kay Lawrence?
Well, in the first place ay kasalanan din niya. Una, siya ang umiwas dahil sa pesteng kissing scene nila kahit wala naman sila sa harap ng camera. Pangalawa, ang arte-arte niya. Hindi niya maamin dito na gusto niya ito dahil natatakot siyang ma-reject.
Bumuntong-hininga siya. "May gagawin ako o mananahimik na lamang ako?" tanong niya sa sarili. The question is: kaya ba ng puso niya na panoorin na lamang sina Lawrence at Pia? Hindi yata. Puwes, ano ang gagawin niya?
Mayamaya ay tumunog ang cell phone niya. Si Alexis ang tumatawag pero mas gusto nitong tawagin ito sa palayaw nitong "Alec." "I'm glad you're awake," bungad nito sa kanya mula sa kabilang linya.
"Late na, ah. Hindi ka rin makatulog?" tanong niya rito.
"Oo. Puwede ba kitang puntahan diyan? Magdadala ako ng DVD. Huwag kang mag-alala, hindi ako rapist. Wala lang talaga akong magawa at sa lahat ng tinawagan ko ay ikaw lang ang sumagot. So, please? Wala naman tayong trabaho bukas."
Sandaling panahon pa lang niya itong nakakatrabaho ngunit magaan na agad ang loob niya rito. Wala siyang problema rito dahil mabait ito. Bagaman at baguhan ito sa show business, parang mas marami pa itong alam kaysa sa kanya. He was smart and fun to be with. Kaya hindi na siya nagdalawang-isip na pagbigyan ito.
t-size:12z<P