"IS EVERYTHING ready for the bidding?" tanong ni Jasmine kay Lea.
"Yes, Ma'am," sagot nito. Kapag nasa opisina sila ay tinatawag siya nitong "Ma'am" bilang respeto dahil siya ang boss nito. Pero kapag silang dalawa lang, first name basis sila.
"Nasa conference room na ba si Dad?" tanong uli niya.
"The CEO is on his way here now," sagot nito.
"Okay."
"By the way, Ma'am. May isang company po ang humabol sa bidding para sa gagawing project sa Cavite," pagbibigay-alam sa kanya ni Lea.
"Really? Anong company?" tanong niya.
"Gallardo Royal Architecture Firm po."
"Who's the architect?"
"Initials lang po ang sinabi sa akin. A certain ASD," sagot nito.
Napahinto siya sa paglalakad sa lobby. "ASD?" Biglang kumabog ang dibdib niya.
"Yes, Ma'am. Bakit?"
Pagkatapos ng unang beses na makatanggap Jasmine ng isang pumpon ng bulaklak mula kay ASD, nasundan pa iyon nang dalawang beses. Sa tuwina ay may kalakip na mensahe iyon. Sa pangalawang beses na nagpadala ito ng bulaklak ay nakasulat sa card ang "I still miss you." Sa ikatlong pagkakataon ay "I'll see you soon" naman ang nakasulat doon.
"ASD. Tama! Siya nga iyon!" bulalas niya.
"Ma'am?" pukaw sa kanya ni Lea.
"'Yong nagpapadala sa akin ng bulaklak na ASD ang nakasulat na initials. Hindi kaya siya'yon?" tanong niya.
"Siya 'yon? Sure ka?" tanong nito.
Nagkibit-balikat siya. "Ewan ko, pero sana siya nga."
Akmang maglalakad na sila nang mapahinto uli sila sa paglalakad. Natanawan kasi nila sa entrance ng building ang isang gray na sports car.
"Wow! Fancy car!" puri ni Lea. "Guwapo naman kaya ang nakasakay diyan?"
"Kanino ang kotseng 'yan?" sa halip ay tanong niya.
"Aba, ewan ko."
Napakunot-noo siya nang bumaba mula sa driver's side ang isang matangkad na lalaki. Nakasuot ito ng office suit at sunglasses. Pamilyar sa kanya ang pangangatawan nito. Agad na kumabog ang dibdib niya nang pumasok ito sa entrance door ng building. Bawat hakbang nito palapit sa kanya ay katumbas ng dobleng lakas ng pagtibok ng puso niya. Ganoon na lang ang gulat niya nang hubarin nito ang suot nitong sunglasses. Hindi siya maaaring magkamali. Kahit dalawang taon silang hindi nagkita ng lalaking nasa harap niya ngayon, hindi niya makakalimutan ang maamo at guwapong mukha nito. "Allen..." bulong niya.
Pero paano nangyari iyon? Ang Allen na nakilala niya dati ay simple lang. Samantalang ang isang ito ay halatang anak-mayaman gaya ng mga madalas niyang nakikilala at nakakasalamuha. Napapikit siya nang wala sa oras. Baka kasi namamalik-mata lang siya. Baka dahil sa kagustuhan niyang makita si Allen kaya nakikita niya ito maging sa ibang tao.
"Ma'am," pukaw sa kanya ni Lea.
Pagdilat niya ay bumungad pa rin sa kanya ang guwapong mukha ni Allen. Nakangiti ito habang titig na titig sa kanya. May kung anong emosyon siyang nakikita sa mga mata nito, dahilan upang lalong lumakas ang kabog ng dibdib niya.
"Allen?" hindi na niya napigilang wika.
"I'm glad you still remember who I am," kalmadong sagot nito.
"I-ikaw nga si A-Allen? 'Yong sa Antipolo?" hindi makapaniwalang tanong niya.
"Yes. Hey, did I scare you or something?"
Ibinuka niya ang bibig upang sumagot ngunit walang lumabas na salita mula roon. Hindi talaga siya makapaniwala sa nakikita niya. Hindi rin niya magawang alisin ang tingin dito; napakalayo ng hitsura nito ngayon kompara sa unang beses na nagkita sila. "Ah, no. Ah, I... I'm sorry. Nagulat lang ako, that's all," sa wakas ay nasabi niya.
Tumango-tango ito, saka muling ngumiti. "I know what you're thinking. I'll explain later. I don't want to be late for my presentation this morning."
"Ah, yes. Of course," sagot niya.
"I'll go ahead, them. Have a nice day," paalam nito.
Hanggang sa makaalis ito ay nanatili lang siyang nakatulala.
"Jasmine, Hoy!" pukaw sa kanya ni Lea. Bahagyang tinapik nito ang balikat niya.
"I've found him," sabi niya.
"Ha? Sino?"
"Iyong Allen na hinahanap ko," sagot niya.
Nanlaki ang mga mata nito. "Siya 'yon?" hindi makapaniwalang tanong nito.
Tumango siya. "Oo."
"Akala ko ba—"
"Akala ko rin, eh," putol niya sa sinasabi nito.
"Oh, my goodness! O siya, mamaya mo na siya isipin. Halika na, baka mahuli ka pa sa meeting mo. Let's go!" yaya nito, sabay hila sa kamay niya.
Allen, sino ka ba talaga? tanong ni Jasmine sa sarili. Sa kabila ng pagkagulat dahil sa biglang pagsulpot ni Allen sa harap niya, may kakaibang saya na umusbong sa puso niya. Sino nga ba ang makapagsasabi na ang taong matagal na niyang hinahanap ay kusa palang lalapit sa kanya?
d
BINABASA MO ANG
A Moment With You COMPLETED ( Published by PHR)
RomanceA Moment With You By Juris Angela "Thank you for making my dream come true. I can fly even without a magic carpet. All I need is you." Jasmine lived like a princess. Sa yaman ng pamilya niya, kayang-kaya niyang makuha ang lahat ng naisin niya. Gayun...