SA ISANG malapit na restaurant dinala ni Allen si Jasmine. Napuno ng tawanan at kuwentuhan ang mesa nila habang kumakain. Tila binawi nila ang mga panahon na nawalay sila sa piling ng isa't isa.
Lihim na natawa si Jasmine sa sarili. Paano, kung makipag-usap siya kay Allen ay parang matagal na niyang kakilala ito, gayong kung tutuusin ay pangalawang beses pa lang nilang nagkakasama. Para bang katumbas ng ilang taon na pagkakakilala ang araw na pinagsaluhan nila noon sa Antipolo.
"Sino pala ang magma-manage ng construction ng project sa Cavite?" tanong ni Allen sa kanya.
"Ah, ako ang overall head. Gusto ni Daddy na maging hands-on ako this time. Last year kasi, siya ang humawak sa isang branch namin sa Pasay," sagot niya.
Tumango-tango ito. "Ibig sabihin ay ikaw pala ang boss ko."
"Yeah," sagot niya.
Uminom muna ito ng tubig bago nagsalita uli. "Ang ibig sabihin pala ay madalas tayong magkikita."
"Yes, that's right."
Ngumiti ito. "I really thought I would never see you again." Nakatingin ito nang deretso sa mga mata niya.
Kumabog ang dibdib ni Jasmine. Ang ibig bang sabihin niyon ay nasabik din ito na muling makita siya nang mga panahon na hindi sila nagkita?
"Me too," pag-amin niya.
Nabalot sila ng katahimikan. Pinagmasdan lang nila ang mukha ng bawat isa. Mayamaya ay may naalala siyang itanong dito. "Hey, can I ask you something?"
"Sure, what is it?"
"Ano'ng nangyari sa 'yo pagkatapos akong ilayo ni Ramoncito noon?" tanong niya.
"Ah, ang ibig mong sabihin, pagkatapos akong bugbugin ng mga tauhan niya?"
Hindi agad siya nakakibo. Lihim siyang napahiya sa sinabi nito. Kasalanan kasi niya kung bakit nangyari iyon dito. Kung hindi siya lumapit dito, hindi ito madadamay. Hindi naman kasi niya akalain na ipabubugbog ito ni Ramoncito. "Oo, iyon nga," sagot niya.
"Dumating ang mga tauhan ng ninong ko. Tinulungan nila ako kaya umalis ang mga alipores ng kaibigan mo. Nagpagaling ako, pagkatapos inasikaso ko 'yong negosyo namin ni Ninong," paliwanag nito.
"I'm really sorry about that, Allen. Hindi ko alam na gagawin niya iyon," sabi niya.
"Bakit ikaw ang nagso-sorry sa akin? Hindi naman ikaw ang nagpabugbog sa akin, 'di ba?" nakangiting wika nito.
"Kahit na, I still feel responsible for what happened to you. Kung hindi ko siya tinakasan, hindi mangyayari sa 'yo 'yon. Ikaw pa ang napagbalingan niya," paliwanag niya.
"Wala naman akong pinagsisisihan, dahil kung hindi dahil sa pangyayaring iyon, hindi kita makikilala," sabi nito.
Tila may mga paruparong nagliparan sa loob ng tiyan ni Jasmine. Tila tumalon din ang puso niya sa sobrang tuwa.
"I feel the same. Except for the 'bugbugan' part," sagot niya.
Natawa ito. Kinuha nito ang cell phone nito, saka iniabot iyon sa kanya.
"O, ano'ng gagawin ko rito?" nagtatakang tanong niya.
"Type in your number. Baka makalimutan ko na naman," sagot nito.
Natawa siya. "Okay."
Pagkatapos nilang magpalitan ng cell phone numbers ay nagyaya na siyang umalis. Kailangan pa kasi niyang bumalik sa opisina dahil marami pa siyang trabaho. "I'm sorry that we have to leave early. Marami pa kasi akong gagawin," hinging-paumanhin niya rito.
Ngumiti ito. "Ah, that's okay. Ako rin naman, babalik pa ako sa opisina," sabi nito.
Nauna itong tumayo bago siya. Palabas na sila ng restaurant nang bigla siyang mabangga sa babaeng papasalubong sa kanya. Sinubukan pa niyang iwasan ito ngunit sa ginawa niya ay lalo siyang nawalan ng balanse. Akmang susubsob siya sa sahig pero mabilis siyang nasalo ni Allen.
Napayakap siya rito, habang ang mga braso nito ay nakapulupot sa baywang niya. Hindi niya alam kung gaano sila katagal sa ganoong posisyon. Dinig na dinig niya ang malakas na pagtibok ng kanyang puso. Kumalas siya sa pagkakayakap dito at umakmang lalayo ngunit lalo siyang hinapit nito palapit sa katawan nito. Napatitig siya sa mukha nito. Suddenly, she had this crazy urge to kiss him.
Hindi na nakakilos si Jasmine. This was only the second time she had met him. Pero pakiramdam niya ay kay tagal na nilang nagkakilala. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lang ang reaksiyon ng puso niya. Kahit noong hindi pa niya ito nahahanap, maisip pa lang niya ito ay agad nang nagre-react ang damdamin niya. Gayunman, walang makakapantay sa saya na nararamdaman niya ngayon. Kung ano man ang ibig sabihin ng lahat ng nararamdaman niya, wala siyang planong baguhin o kalimutan iyon dahil iyon ang nakapagpasaya sa kanya. Lahat iyon ay dahil sa pagbabalik ni Allen sa buhay niya.
BINABASA MO ANG
A Moment With You COMPLETED ( Published by PHR)
RomanceA Moment With You By Juris Angela "Thank you for making my dream come true. I can fly even without a magic carpet. All I need is you." Jasmine lived like a princess. Sa yaman ng pamilya niya, kayang-kaya niyang makuha ang lahat ng naisin niya. Gayun...