Chapter 23

12.8K 190 1
                                    


"JASMINE, please. Makinig ka muna sa akin! Magpapaliwanag ako!" pakiusap ni Allen kay Jasmine.

Hindi alam ni Jasmine kung ano ba dapat ang paniwalaan, o kung sino. Sa isang iglap ay nagulo ang isip niya. Ngunit hindi mahalaga ang nararamdaman niya sa mga oras na iyon. Dahil ang mas importante ay ang kaligtasan ng daddy niya.

"Hindi mo ba nakikita, Jasmine. Hindi ka niya mahal, pera lang ang habol niya sa 'yo. Ako ang tunay na nagmamahal sa 'yo," giit ni Ramoncito.

Tiningnan niya ito nang matalim. "Tigilan mo na 'to! Pakawalan mo na sila!" sigaw niya.

Pumalatak ito, pagkatapos ay sunod-sunod na umiling. "Hindi ikaw ang magsasabi sa akin ng gagawin. This time, I'm the boss, kaya ako ang masusunod, dahil hawak ko ang buhay ng daddy mo," sabi nito.

"Ano ba talaga ang gusto mo?" tanong ni Allen.

Tiningnan lang ito ni Ramoncito, pagkatapos ay bumalik ang tingin nito sa kanya. Kinuha nito ang nakalapag na envelope sa ibabaw ng mesa at iwinagayway iyon sa ere, saka nito kinuha ang papel sa loob. "I want the company!" sagot ni Ramoncito.

"Nababaliw ka ba? Sa tingin mo, gano'n-gano'n lang namin ibibigay sa 'yo ang pinaghirapan namin ni Daddy!? I can't let you do that," mariing tanggi ni Jasmine.

Ngunit tila naging bale-wala ang mga sinabi niya rito. Ngumisi lang ito, sabay tutok ng baril sa kanila ni Allen. Kasabay niyon ay ang pagdating ng limang lalaki na bodyguards ni Ramoncito. Tinutukan ng baril ng mga ito ang daddy niya at si Ninong Bert. Lalong nadagdagan ang takot niya. Hindi niya maintindihan kung bakit ginagawa iyon ni Ramoncito sa kanila.

"Bakit mo ginagawa ito sa amin, Ramoncito? We've been so good to you. Pinagkatiwalaan ka namin ni Daddy. Paano mo kami nakuhang pagnakawan? Pagkatapos ay ito naman," umiiyak na wika niya.

"Pakasalan mo ako," walang kagatol-gatol na sabi ni Ramoncito.

Nangilabot siya sa narinig. Isipin pa lang niya na ikakasal siya rito ay hindi na niya matanggap. Dumako ang mga mata nila ni Allen sa isa't isa. Sa pagkakataong gaya niyon, isinantabi muna nila ang personal na alitan. Kailangan nilang makaalis sa delikadong sitwasyon na iyon.

Hinawakan siya nang mahigpit ni Allen sa kamay. "Kunin mo na ang lahat, Ramoncito. Wala akong pakialam kahit na bumalik ako sa dating buhay ko. But leave her out of this. Leave Jasmine alone. Hindi mo siya puwedeng pilitin na magpakasal sa 'yo!" matapang na sabi nito.

"Oh yes, puwede kaming magpakasal. Dahil susunod kayo sa ayaw at sa gusto n'yo. Magpapakasal kami ni Jasmine," giit ni Ramoncito, saka bumaling sa daddy niya. "At ikaw, pirmahan mo na ang mga papeles! Iyan ang magpapatunay na inililipat mo na sa pangalan ng daddy ko ang buong kompanya n'yo!"

"Walanghiya ka, Ramoncito!" galit na galit na sigaw niya rito.

Gaya kanina ay tila hindi ito naapektuhan sa galit niya, sa halip ay sinenyasan nito ang isa sa mga tauhan nito. Napasigaw siya nang bigla siyang hawakan ng bodyguard, saka hinila siya palayo kay Allen. Inilapit siya nito kay Ramoncito.

"Bitiwan mo 'ko! Allen!" umiiyak na sigaw niya habang nagpupumipiglas.

"Jasmine!" sigaw ni Allen. Wala itong magawa dahil pinigilan ito ng iba pang mga bodyguard ni Ramoncito.

"Ramoncito, please stop this!" pakiusap ni Allen. "Huwag mo silang sasaktan. Ako ang may atraso sa 'yo. Sa akin ka galit, ako na lang huwag lang si Jasmine."

A Moment With You COMPLETED ( Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon