Chapter 19

10.7K 174 2
                                    


"WHY DON'T we get married?" tanong ni Allen kay Jasmine.

Gulat na napalingon siya rito. "Ano?!"

Tumawa ito, pagkatapos ay niyakap siya mula sa likuran. "Ang ibig kong sabihin, ano kaya kung sundin natin ang gusto ng daddy mo?"

Pabirong hinampas ni Jasmine ang braso nito. "Sira, huwag kang makikinig kay Daddy minsan. Puro kalokohan din ang laman ng utak n'on," natatawang sabi niya, bahagya siyang naglakad at tinanaw ang kabuuan ng Maynila.

Naroon sila sa Antipolo, sa lugar kung saan siya dinala nito noong tinakasan niya si Ramoncito.

Tiningnan siya ni Allen. "No, I'm serious."

"As in?" paniniguro pa niya.

Tumango ito.

"Pero, Allen, hindi ba parang napakaaga naman yata n'on? I mean, kahapon lang naging tayo."

"Bakit? Ayaw mo akong pakasalan?" tila nalungkot na tanong nito.

Ngumiti siya. "Of course, I do. Ang sa akin, masyado pang maaga. Mas mabuti kung kikilalanin pa natin nang mabuti ang isa't isa," paliwanag niya.

Bumuntong-hininga ito. "Okay, if that's what you want," tila nadismayang wika nito, sabay baling ng paningin sa ibang direksiyon.

"Hey, nagtatampo ka ba?" untag niya rito.

Umiling ito.

"Weh? Eh, bakit nakasimangot ka?" tanong niya.

"Wala."

Natawa siya. Para hindi ito magtampo ay niyakap niya ito, saka hinalikan sa pisngi.

Tiningnan siya nito. "Para saan 'yon?" tanong nito.

"Suhol. Peace na tayo. Huwag ka nang magtampo," nakangiting sagot niya.

Nang tila hindi makatiis ay napangiti na rin ito, saka siya niyakap. Nakasandal silang dalawa sa kotse habang nakatanaw sa mga ilaw ng kabahayan sa ibaba ng bundok kung nasaan sila ngayon.

"Joke lang, hindi ako nagtatampo. I understand, really," wika nito.

"Thank you," ani Jasmine. "Gusto ko lang mag-ingat tayo sa mga gagawin nating desisyon," paliwanag niya.

Tumayo si Allen sa harap niya, pagkatapos ay itinukod nito ang mga kamay sa kotseng sinasandalan niya, dahilan para makulong siya sa pagitan ng mga braso nito.

"I said, I understand," sabi nito.

"But that doesn't mean that I love you less. I love you so much, at ayokong gumawa ng bagay na puwedeng maglayo sa 'yo sa akin. I can't do that. Kaya mas mabuti na 'yong mag-ingat tayo. Okay?" sabi pa niya.

Tumango ito. "All right, whatever you want," anito.

Nang yakapin niya ito ay mabilis din itong gumanti ng yakap.

"I just want to stay this way forever," bulong nito.

"Me, too," sagot niya. Ilang sandali pa silang nanatili sa ganoong ayos nang magyaya na itong umuwi.

"Let's go, baka ma-traffic tayo pauwi," yaya nito.

"Okay," pagpayag niya.

Bubuksan pa lang nito ang pinto ng kotse nang biglang tumawag dito. Nalingunan nila ang isang babae na may kasamang isang binatilyo.

"Allen!"

Napatingin siya sa nobyo. "Do you know them?" tanong niya. Nakita niya nang biglang magbago ang ekspresyon ng mukha nito. Gulat na gulat ito at tila naging mailap ang mga mata.

"Ha? Ah, oo!" sagot nito. Tumikhim pa ito nang malakas. "Halika, ipapakilala kita sa kanila," Nilapitan nila ang mga ito.

"Kuya Allen, kumusta ka na? Long time no see, ah!" sabi ng binatilyo.

"Ayos lang," matipid na sagot ni Allen.

Hinawakan ni Allen ang kamay niya at saka ngumiti. "Jasmine, meet my childhood friend, Yana, and her brother. Yana, si Jasmine, girlfriend ko," pagpapakilala nito sa kanilang dalawa.

Inilahad niya ang kamay sa babae. Nakita niya ang pag-aalangan nito na tanggapin ang pakikipagkamay niya. Hindi rin nakaligtas sa obserbasyon niya ang lungkot na nakita sa mga mata nito. "Hi, nice to meet you."

"Hi," matipid na sagot ng babae. Binalingan agad nito si Allen. "Mukhang maayos ka naman pala, wala pala akong dapat ipag-alala," makahulugang wika nito.

"Kuya Allen, totoo pala 'yong nabalitaan kong maya—"

"Halika na!" putol ni Yana sa sinasabi ng kapatid, sabay talikod at naglakad palayo.

Nagkatinginan sila ni Allen.

"She likes you, and she's mad at you," aniya.

Tumaas ang mga kilay ni Allen, saka umiling-iling.

­­­­­­"Ha? Ewan ko. Basta ang alam ko, kaibigan ko siya mula bata pa kami," sabi nito.

Pabirong umingos siya. "Hmp!"

Agad siyang niyakap nito. "Ikaw ang mahal ko, Jasmine. Wala kang dapat ipagselos," sabi nito, nagulat pa siya nang bigla siya nitong halikan sa mga labi.

"Loko ka, baka mamaya may makakita sa atin, eh," natatawang wika niya nang maghiwalay sila.

"Eh, ano naman?" bale-walang sabi nito.

"O siya, halika na. Umuwi na tayo," yaya niya rito.

Hindi niya maintindihan kung bakit tila may umahong pangamba sa isang sulok na bahagi ng puso niya. Pero dahil masyado siyang masaya ngayon, pilit niyang itinaboy ang lahat ng negatibong pakiramdam na iyon. Mahal niya si Allen at may tiwala siya rito. Iyon ang importante. 

A Moment With You COMPLETED ( Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon