Chapter 14

12.2K 196 1
                                    


HINDI alam ni Allen kung ilang beses na niyang ginagawa ang pagsunod-sunod kay Jasmine nang hindi nito nalalaman. Bago pa man siya magpakita rito ay alam na niya na madalas itong maglakad-lakad pagkatapos ng trabaho nito. Kung tutuusin ay marami na siyang pinalagpas na pagkakataon para makasama ito ngunit sa tuwina ay nananatili lang siyang nakasunod dito dahil pinanghahawakan niya na hindi pa tamang panahon para sa kanila.

Kung alam lang nito kung gaano niya inasam ang sandaling makaharap ito nang malapitan. Nais niyang makita ang ngiti nito; ang matitigan ang magandang pares ng mga mata nito. Kung maaari lang niyang haplusin ang mga pisngi nito o kaya naman ay ikulong ito sa mga bisig niya ay ginawa na niya, ngunit kailangan niyang pigilan ang sarili. Alam niyang darating din ang tamang panahon para doon. Kung mayroon man siyang nasisiguro ngayon—baliw na kung baliw; weird na kung weird—iyon ay ang isipin na si Jasmine na ang babae na handa niyang pakasalan.

Naputol ang pag-iisip niya nang biglang dumating ang assistant niyang si Mark. Inilapag nito sa ibabaw ng mesa ang isang tasa ng mainit na kape. Naroon siya sa lanai.

"Sir, may problema ho ba?" tanong nito.

Awtomatikong ngumiti siya rito. "Nothing. I'm okay. Wala kang dapat na ipag-alala. Naisip ko lang si Jasmine, I just miss her. That's all," sagot niya.

Napangiti ito. "Sir, hindi ba't kanina lang po kayo magkasama?"

Tumango siya. "Oo, pero sa bawat minutong hindi ko siya nakikita at nakakasama, nami-miss ko siya.

"Did you show yourself this time, hijo?"

Napalingon siya sa nagsalita. Nakatayo sa likuran niya si Ninong Bert.

Tumango siya. "Yes, Ninong," sagot niya.

"Mark, igawa mo rin ako ng kape, please," baling nito sa assistant niya.

"Yes, Sir."

Umupo ang ninong niya sa isang single seater sofa na nasa tapat niya. "Mukhang napakasaya mo ngayon, Allen."

Ngiti lang ang isinagot niya bago humigop ng mainit na kape.

"Ano'ng pakiramdam na nakaharap at nakasama mo na siya ngayon, kompara sa ginawa mong pagtanaw at pagsunod sa kanya nang lihim sa loob ng mahabang panahon?" tanong nito.

"Mas masaya ako ngayong nakikita na niya ako. At masaya din ako dahil maganda ang simula ng muling pagkikita namin," sagot niya.

Lingid sa kaalaman ni Jasmine, sa mga panahon na hindi sila nagkita, ay ipinahanap niya ito. Nang matagpuan na ito ng mga imbestigador niya, lihim niya itong sinundan. Tuwing nilalakad nito ang kahabaan ng kalye na malapit sa opisina nito, palagi siyang nakasunod sa likuran nito. Kapag lumilingon ito, mabilis siyang nagkukubli. Nang mga panahon na iyon, hindi pa siya handang humarap dito kaya nagkasya na lang siya sa pagsunod dito nang lihim, kahit madalas ay natutukso siyang lapitan ito dahil halos abot-kamay na niya ito.

"Congratulations! We won the bidding," masayang bati ni Ninong Bert.

"Yes, congratulations to us," sang-ayon niya.

"Kailangan mong gandahan ang design ng mall nila. Impress them. Ipakita mo sa kanila kung gaano ka kagaling," sabi nito.

"Thanks, Ninong," aniya. "'Nga pala, 'Nong, nakita ko 'yong ipinagawa mong reference ko."

Tumango ito. "Huwag kang mag-alala, Allen. Ayos lang 'yon. Kailangan nating gawin 'yon para maniwala silang matagal ka nang architect," sabi nito.

Napabuntong-hininga siya. Hindi niya alam kung hanggang kailan niya maitatago ang totoo na isa siyang huwad na prinsipe. Natatakot siyang malaman ni Jasmine ang totoo tungkol sa mga ginawa nilang pekeng impormasyon tungkol sa sarili niya. Pero kung hindi naman niya ginawa iyon, alam niyang hindi siya matatanggap nito kung haharap siyang isang hamak na jeepney driver at number one raketero ng Antipolo. Gusto niyang kahit paano ay pumantay at bumagay siya rito.

"May problema ba, Allen?" tanong ni Ninong Bert.

Napakurap siya, saka ngumiti rito. Umiling siya. "Ah, wala po. May iniisip lang," sagot niya.

"Tell me."

Humugot siya ng malalim na hininga. "Natatakot lang po kasi ako sa puwedeng maging reaksiyon ni Jasmine kapag nalaman niyang nagsinungaling ako sa kanya at isa akong pekeng prinsipe," paliwanag niya.

Natawa lang ang ninong niya, saka napailing. Lumapit ito sa kanya at tinapik siya sa balikat.

"Allen, huwag mong problemahin ang hindi pa problema. Saka hindi mo naman siguro hahayaan na mangyari ang lahat ng kinatatakutan mo," sabi nito.

Tumango siya. "Gagawin ko po ang lahat para hindi niya malaman," sagot niya.

"That's good. At kahit na malaman niya ang totoo tungkol sa 'yo, kung tunay ka niyang minamahal, kaya ka niyang tanggapin at hindi magbabago ang pagmamahal niya sa 'yo kahit na ikaw pa ang pinakamahirap na tao sa mundo," payo nito sa kanya.

Tumingin siya rito, saka ngumiti. Tama ito. Ang kailangan lang niyang gawin ay magtiwala sa pagmamahal nila para sa isa't isa. "I'll remember that, thanks, Ninong."

le'>]u(<>

A Moment With You COMPLETED ( Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon