"GOOD morning, Dad!" masiglang bati ni Jasmine sa kanyang ama kinabukasan ng umaga. Paglapit niya rito ay hinagkan niya ito sa pisngi, pagkatapos ay niyakap ito nang mahigpit.
Nakakunot-noong pinagmasdan siya nito, habang nakapaskil naman sa mga labi niya ang magandang ngiti. Naupo siya sa kaagapay na silya sa harap ng mesa. Nang i-serve sa kanya ng kasambahay nila ang kape niya, magiliw niya itong pinasalamatan. Habang masaya siyang kumakain ng agahan, ang daddy niya ay patuloy pa ring nagtataka sa mga kilos niya. Hindi niya alam kung sasabihin na niya rito ang tungkol sa kanila ni Allen.
"Hija, are you okay?" hindi na napigilang tanong nito.
"Oh, yes, Dad," mabilis na sagot niya. "I'm super okay."
"Kung ganoon, ano'ng dahilan at napakasaya ng aking prinsesa?" tanong nito.
Saglit siyang nag-isip. Sasagot na sana siya nang biglang magpasintabi ang isa nilang kasambahay. "Sir, may bisita po kayo. Allen San Diego raw po."
Pagkataos niyang marinig ang pangalan na binanggit ng kasambahay, agad na bumilis ang tibok ng puso niya. Nataranta siya at biglang ninerbiyos. Hanggang sa mga sandaling iyon, sa kabila ng pagiging masigla niya, hindi pa rin niya maiwasan na makaramdam ng hiya tuwing naiisip niya ang ginawa niyang paghalik kay Allen noong nakaraang gabi.
Agad na tumayo ang daddy niya at sinalubong ang binata sa sala. "Allen, it's a good thing you're here. I was going to call you today," narinig niyang sabi ng daddy niya.
"Good morning po," ganting-bati ni Allen sa daddy niya.
"Halika, doon tayo sa dining area, naroon si Jasmine."
Napangiti siya nang makita niya si Allen.
"You can sit next to her," sabi rito ng daddy niya.
Nagdiwang ang puso niya at lihim na kinilig. Pagkaupong-pagkaupo ni Allen sa tabi niya ay dumating naman si Ramoncito. Biglang sumimangot ang daddy niya. Nabalitaan niya na may problema sa department na hawak ni Ramoncito.
"Good morning, Sir," bati ni Ramoncito sa daddy niya.
"Have a seat," paanyaya rito ng daddy niya.
Walang kibo na umupo si Ramoncito sa katapat na upuan niya. Hindi nakaligtas sa mga mata niya nang biglang pumormal ang mukha nito nang makita si Allen. Nawala rito ang atensiyon niya nang magsalita uli ang daddy niya. "Ramoncito, ano na ang balita sa pinapaimbestiga ko sa 'yo?"
"We're still looking into the details, Sir. Dala ko po 'yong kopya ng mga nawalang funds ng kompanya."
"What? What did you say?" gulat na tanong niya. Nagkatinginan sila ni Allen. "Dad, what exactly is happening?" tanong niya.
Humugot ng malalim na hininga ang daddy niya. "May mga report na dumating sa akin na may nawawalang funds ang company natin," sagot ng daddy niya.
"That can't be!" aniya.
"Hindi rin ako makapaniwala noong una. Pero hindi natin puwedeng bale-walain ito. Umabot na sa ilang milyong piso ang nawawala sa atin. Kapag nagpatuloy ang problemang ito, maaapektuhan ang gagawin nating project sa Cavite," paliwanag ng daddy niya.
"I'm very sorry, Sir, kung lumagpas ang ganitong klase ng problema sa mga mata ko. Ipinapangako ko po na gagawin ko ang lahat para maayos ito," sabi ni Ramoncito.
"Dapat lang! Dahil kapag hindi mo naayos ito, you can leave my company immediately," nagtitimpi ng galit na sagot ng daddy niya.
"Dad..."
Hindi na nito pinansin si Ramoncito pagkatapos niyon, sa halip ay si Allen naman ang binalingan nito. Ngumiti ito. "Allen, how are you? Kumusta ang site sa Cavite?"
"Everything is very well taken care of, Sir," sagot ni Allen.
"Ano nga pala ang sadya mo dito? Ihahatid mo ba ang aking anak sa opisina?" tanong uli nito.
"Uhm, yes, Sir. Pero may isa pa po akong pakay bukod doon."
"Ano 'yon?" tanong ng daddy niya.
Bago makapagsalita uli si Allen, nagpaalam na si Ramoncito sa daddy niya.
"Mauna na po ako, Sir. Marami pa po akong gagawin sa opisina," paalam ni Ramoncito.
"Sige, I'll be expecting more updates regarding this matter."
"Yes, Sir." Pagkasabi niyon ay naglakad na si Ramoncito palabas ng dining area.
Mabilis na bumaling uli ang daddy niya kay Allen. "Allen, ano nga uli 'yong sinasabi mo?"
"Gusto ko lang po sanang hingin ang blessing n'yo."
Napatingin siya kay Allen. Sasabihin na ba nito ang tungkol sa kanila?
"My blessing?" nagtatakang tanong ng daddy niya.
"Yes, Sir. Una po, gusto ko pong humingi ng paumanhin kung hindi ko po nagawa ito nang pormal. But it just happened so quickly yesterday, without of us expecting it," pagsisimula ni Allen. Napatingin ang Daddy niya sa kanya, si Ramoncito naman na palabas na ng dining area ay napahinto.
"Ano'ng ibig mong sabihin?" tanong ng daddy niya.
Huminga muna nang malalim si Allen, saka hinawakan ang kamay niya na nasa ibabaw ng mesa.
"Mahal ko po si Jasmine, Sir. And we just got together yesterday," pag-amin nito.
Nakita niya nang bahagyang magulat ang daddy niya habang nakatingin sa magkahawak na mga kamay nila ni Allen.
"Jasmine," baling sa kanya ng daddy niya.
"Yes, Dad, I feel the same way. Mahal ko po si Allen," sagot niya.
Napapitlag siya nang biglang tumawa nang malakas ang daddy niya. Tumayo ito mula sa kinauupuan at niyakap sila ni Allen mula sa likuran. "Sa wakas! Dininig din ng Diyos ang panalangin ko. Akala ko kailangan pa kitang i-set up ng blind date kay Allen," tuwang-tuwang wika nito.
Natawa sila ni Allen. Ngunit napalingon sila kay Ramoncito na mabigat ang mga yabag na naglakad palayo. Hindi na niya ito napagtuunan ng pansin dahil natuon na sa daddy niya at kay Allen ang atensiyon niya.
Tumayo siya at niyakap din ang daddy niya. "Have I made you happy now, Dad?" tanong niya.
Tumango ito. "Masayang-masaya ako, anak, dahil alam kong mabuting lalaki itong si Allen, alam kong maaalagaan ka niya. Allen, take good care of my daughter. May tiwala ako sa 'yo," sabi nito nang bumaling ito sa nobyo niya.
"Opo, maraming salamat po," sagot ng binata.
"So, kailan n'yo planong magpakasal?" tanong ng daddy niya.
Nanlaki ang mga mata niya sa pagkagulat. "Daddy! Kasal na naman 'yang nasa isip mo! Nakakahiya!" mabilis na protesta niya. Natawa lang ang dalawang lalaki sa reaksiyon niya.
Hindi maipaliwanag ni Jasmine kung anong klaseng saya ang mayroon sa puso niya ngayon. Walang kahit na ano o sino ang makakatumbas doon. Wala siyang pakialam sa mga materyal na bagay na mayroon siya dahil sa mga sandaling iyon ay wala nang hihigit pa sa pagmamahalan nilang dalawa ni Allen.
>)kkmw=<>
BINABASA MO ANG
A Moment With You COMPLETED ( Published by PHR)
RomanceA Moment With You By Juris Angela "Thank you for making my dream come true. I can fly even without a magic carpet. All I need is you." Jasmine lived like a princess. Sa yaman ng pamilya niya, kayang-kaya niyang makuha ang lahat ng naisin niya. Gayun...