Kinabukasan, maaga akong nagising at nag-ayos para sa unang araw ng pagpasok namin ulit sa Westerbury bilang mga nasa ika-apat na taon. Pagkatapos kong gawin ang lahat ng dapat kong gawin, kinuha ko na ang gamit ko, nagpaalam na ako sa mga magulang ko, at sumakay na ako sa kotse para sunduin si Sienna. Pagdating naman sa bahay nila, agad na siyang pumasok sa sasakyan at hinatid na rin kami ng driver sa unibersidad.
Pagbaba namin, nagtitinginan ang mga tao sa amin. Madalas namang ganito kami pumasok ni Sien ah. Inisip ko tuloy kung may mali ba sa amin dahil baka pasikreto na nila kaming kinukutya at tinatawanan sa likod ng mga pagtitig nila. Habang naglalakad naman kami ni Sien, hindi ko maubos maisip ang mga pangyayari kahapon at kanina. Kahapon, ‘yung mga nagbubulungan sa pila sa book store. Ngayon naman, itong mga estudyanteng pinagtitinginan kami. Hindi ko na talaga maintindihan. Ano ba talagang nangyayari? Nang malapit na kami sa College of Communication, sinalubong naman kami ng sa tingin ko ay mga miyembro ng University Newspaper Organization.
“Ate, ano pong pangalan niyo?”
“A-Ako? Emrys Rivera.”
“Ano pong masasabi niyo sa picture sa gossip blog ng CGO (Campus Gossip Organization)?”
Seryoso ba sila? Ambush interview? Sa totoo lang, hindi ko alam ang isasagot ko sa mga itatanong nila sa akin. At isa pa, wala akong panahon sa ganito. Baka ma-late na kami ni Sien sa klase namin kung papatulan ko pa ang ganito. Pero ano nga bang magagawa ko? Nandito na sila at tinatanong na ako. Sinabi ko na lang na hindi ko pa nakikita ang updates sa gossip blog ng CGO. Sa totoo lang, hindi rin naman ako interesado sa mga nilalaman niyon dahil puro mga tsismis lang sa campus ang mga iyon. Kaya nga tinawag na “Campus Gossip Organization” ang organisasyong nagpasimula ng gossip blog na iyon.
Kung anu-ano pa ang mga tinanong nila sa akin. Tinanong nila ang address ko, at dahil walang akong ka-ide-ideya kung para saan ang interview na ito, sinabi ko namang sa Blueridge Subdivision ako nakatira. Tinanong pa nila kung regular student ako sa Westerbury at um-oo naman ako. Medyo nagtagal na ang interview at naisip ko namang baka ma-late na kami ni Sien kaya naman sinabi ko sa mga miyembro ng University Newspaper Organization na kailangan na naming umalis. Pinigilan naman kami kaagad ng mga ito.
“Isang tanong na lang po pala.”
“Sige. Ano iyon?”
“Totoo po bang may relasyon kayo ni Kennan Ramos ng K4R?”
Nagulat ako sa tinanong sa akin. Bakit naman magiging kami ni Kennan? Eh noong isang gabi ko lang naman nakasama ‘yun eh. At isa pa, kilala ko lang siya sa mukha at sa pangalan, pero hindi sa pagkatao. Napaka-imposible talaga ng tinanong nila sa akin. Bigla kong naramdaman na may umakbay sa akin kaya napatingin ang mga nag-iinterview at napalingon naman ako sa gilid ko. Si Kennan?! Anong ginagawa niya?!
“Oo, kami na nga. Sige, aalis na ako. Bye, babe.”
Ano daw?! “Babe”?! Anong trip niya?! Sinabi pa niyang kami na. Nagkatinginan pa kami ni Sienna dahil doon. Sinubukan kong bawiin ang sinabi ni Kennan pero huli na ang lahat dahil umalis na ang mga miyembro ng University Newspaper Organization at may iba na silang iniinterview. Dahil wala na rin naman akong nagawa, napagdesisyunan namin ni Sien na pumunta na lang sa klase namin. Hindi ko maubos maisip yung sinabi ni Kennan sa interview. Ano nga bang pumasok sa kukote niyon?! Di bale na nga. Siguro isa na naman iyon sa mga bagong trip niya sa buhay dahil wala na naman siguro siyang magawa. Pero paano kung naging issue nga ito sa unibersidad namin?
BINABASA MO ANG
Destiny's Twelve o'clock
RomanceDestiny's Twelve o'clock - iyan ang isang larong pinaniniwalaang makapagsasabi kung sino ang nakatadhana para sa'yo. Pero alin nga ba ang mas paniniwalaan mo? Ang reyalidad ng buhay na nagpapaalala sa ating hindi lahat ay pinapaboran ng tadhana? O a...