CHAPTER 2

364 9 0
                                    

Sobrang sakit ng ulo ko paggising ko. Halos hindi rin ako makabangon pero pinilit ko na lang umupo. Tinignan ko ang orasan ko sa ibabaw ng mesa sa gilid ng kama ko. Alas dos na pala ng hapon. Nasobrahan ba ako ng inom kagabi? May nakita akong sticky note sa tabi ng orasan kaya kinuha ko ito at binasa.

[Ems, umuwi na ako. Nag-iwan na ako ng gamot at tubig sa ibabaw ng table mo para sa sakit ng ulo mo. I-text mo na lang ako pag gising ka na. J]

Tinignan ko naman ang lamesahan sa giliid ng kama ko. Mayroon ngang tubig at gamot kaya agad naman akong uminom. Pagkatapos kong inumin ang gamot at tubig, Naligo na rin ako at nag-ayos ng sarili. Nang nagawa ko na lahat ng dapat kong gawin, lumabas na ako ng kuwarto ko at bumaba na ako ng hagdan. Nagpunta ako sa kusina namin para maghanap ng makakain.

Pagkatapos niyon, dumiretso ako sa entertainment room namin. Pagdating ko doon, tinext ko naman si Sienna at sinabi naman niyang pupunta siya dito sa bahay. Pagkaraan lang ng ilang minuto ay dumating na rin siya. Tinanong ko siya kung anong nangyari kagabi. Sabi naman niya, nalasing daw ako at hindi daw niya inakalang mangyayari ang ganun. Dahil sa sinabi niya, tinanong ko naman siya kung paano ako nakauwi. Naisip daw niyang hindi kami makakauwi kung pareho kaming lasing kaya isa lang ang ininom niya at hindi na lang niya ininom iyong natitirang tatlong baso. Ipinaalala pa niya ang napagkasunduan naming tig-isa lang kami ng iinumin pero dahil nga dumating ang inorder na tequila ni Kennan, hindi na nasunod ang napag-usapan namin. Tumawag na lang daw siya ng taxi para sa pag-uwi namin.

Dahil naalala ko, tinanong ko na rin sa kanya kung paano nakauwi si Kennan. Ang sabi naman niya, sinama na rin daw niya siya sa taxi at nagtanong na lang daw siya sa mga kakilala niya sa unibersidad kung anong address ng bahay nila Kennan. Nagkuwento pa si Sien ng tungkol sa mga nangyari kagabi nang hinatid niya si Kennan sa bahay nila. Napakalaki rin daw ng bahay nila. Nang nagdoorbell daw si Sien at binuksan ng daddy ni Kennan ang pinto, ang daddy pa daw niya ang humingi ng tawad para sa kanya.

Tinanong ko si Sien kung may nangyari bang hindi ko na alam doon sa club kagabi. Ang naaalala ko lang kasi, uminom kami ng tig-isang cocktail, pinagkuwentuhan namin si Kennan, tapos lumapit siya sa amin at nakiupo at nag-order na rin ng tequila shots. Tinanong pa niya ako kung seryoso bang iyong mga iyon lang ba talaga ang naaalala ko pero sabi rin naman niya, sa bagay, sobrang lasing na daw ako kagabi kaya hindi ko na namamalayan ang mga pangyayari. Natigilan naman kami ni Sienna sa pag-uusap nang nakarinig kami ng mga hakbang. Kung hindi mga katulong, mga magulang ko siguro ang mga iyon at hinahanap na naman ako dahil wala ako sa kuwarto ko. Saan nga ba galing itong mga ‘to? Parang ako lang kasi ang tao dito sa bahay kanina bago dumating si Sien.

Pinuntahan naman kami sa entertainment room nila Mama at Papa. Tinanong nila kung okay na ako at sinabi ko namang maayos na rin ang pakiramdam ko dahil uminom na ako ng gamot para sa sakit ng ulo ko. Nagpunta pala sila sa grocery para bumili ng mga pagkain namin sa bahay. Nakatanggap din ako ng pangaral mula sa kanila dahil hindi daw nila inasahang malalasaing ako ng ganun. Pagkatapos naman niyon, iniwan din nila kami sa entertainment room.

Naalala ko namang wala pa akong mga gagamiting papel, ballpen, at fillers para bukas kaya nagpasama ako kay Sien sa pagbili ng mga ito at pumayag naman siya. Umakyat lang ako sandali sa kuwarto ko para magbihis at mag-ayos, tapos bumaba na rin ako at pumunta na rin kami. Dahil may ginagawa si Papa, nagpahatid na lang kami sa driver namin.

Pagdating namin sa book store, maraming mga tao at mahahaba rin ang mga pila sa mga cashier. Halos nagkasabay-sabay kasi ang umpisa ng mga pasukan ng mga iskuwelahan kaya siguro nagsi-dagsaan ang mga tao ngayon dito para na rin bumili ng mga kakailanganin nila para sa unang araw ng pasukan. Hinanap ko na ang mga kailangan ko at nilagay ko na lahat sa cart ko. Bumili na rin si Sien ng mga gamit niya.

“Alam ko nang binabalak mo.”

“Nandito na rin lang naman tayo eh. Tsaka sandali lang naman ito.”

Dahil may oras pa naman, tumingin muna ako ng mga libro. Mahilig ako sa mga makalumang libro. Nakita ko ang “A Farewell to Arms” kaya kinuha ko ito at nilagay ko na rin ito sa cart ko. Katulad ng dati, sinabi na naman ni Sien na ang “weird” ko daw dahil ang mga ganitong libro ang binibili ko. Siya daw kasi, bumibili lang ng ganito pag kailangan nilang pag-aralan sa isang subject nila.

Tinanong pa niya kung bakit gusto ko ang mga ganito. Ang sabi ko naman, gusto ko lang basahin ang mga ganito dahil dito ako nalilibang. Interesado ako sa mga twist ng ganitong mga librong hindi talaga aakalain ng mga mambabasa. Sabi naman ni Sien, napaka-old-fashioned ko daw dahil hindi ang mga bago, sikat, at napapanahong mga nobelang kadalasang binubuo ng tatlong parte ang binabasa ko. Hindi naman siguro masama kung isa ako sa mga maiiba sa kasalukuyang henerasyon. Isa pa, para sa mga katulad ko, hindi naluluma ang mga ganito. Sa katunayan nga, tumatatak sa isipan ng mga mambabasa ang mga kuwentong ganito kaya naman hindi ito nalalaos kahit ano pang panahon ang dumating.

Pagkatapos ng pag-uusap namin, pumila na rin kami para bayaran ang mga pinamili namin. Dahil mahaba pa ang pila, kinailangan pa naming tumayo ng ilang minuto para hintayin ito para makapagbayad na rin kami. Habang nakapila, nagkatinginan naman kami ni Sien nang may narinig kaming bulungan mula sa likod namin. Nang tumingin kami sa likod, natigil naman ang pagbubulungan nila. Umusad na ang pila kaya lumakad na kami papunta sa cashier para magbayad. Pagkatapos naming magbayad, lumabas na rin kami ng book store, sumakay sa kotse namin, at umuwi na rin.

Destiny's Twelve o'clockTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon