Noong isang araw, nasabi ko na rin sa mga magulang ko ang nangyari at kahit sila, nagulat din sa nalaman nila. Sabado ngayon at bumisita si Sien sa akin para kamustahin ako. Syempre, hindi ko na rin nagawang magsinungaling sa kanya tungkol sa totoong nararamdaman ko. Nasasaktan pa rin ako sa nangyari. Sinamahan niya ako ng halos kalahating araw. Pagkatapos naman niyon, nagpaalam din siya dahil kailangan na rin niyang gawin ang mga takdang aralin niya. Pagdating ng hapon, si Paul naman ang bumisita sa bahay. Nabalitaan na rin niya ang tungkol sa nangyari kaya naman daw nag-alala siya. Kinausap niya ako buong araw at sinubukan niya rin akong patawanin pero kahit anong pilit ko, hindi pa rin ako natatawa sa mga sinasabi niya.
Habang nagsasalita si Paul, naisip ko na naman ang mga nangyari. Bigla akong natauhan nang tinawag niya ako kaya naman ibinaling ko ulit ang atensyon ko sa kanya. Sabi pa niya, hindi na naman daw ako nakikinig. Tinanong ko ulit sa kanya kung ano ang sinasabi niya at inulit naman niya ito. Sabi niya, kung ayos lang sa akin, sasamahan na niya ako sa pagpasok ko sa Westerbury at pati na rin sa pag-uwi para daw hindi ako mag-isa. Pumayag naman ako sa sinabi niya. Baka kasi sa ganung paraan, unti-unti na rin akong makakalimot. Isa pa, natatakot din akong baka kung anong gawin sa akin ng KRRRReampuffs ngayong kalat na ang balita. Nagpaalam siya sa mga magulang ko na siya na muna ang maghahatid at susundo sa akin. Inamin ng mga magulang kong hindi sila sang-ayon doon pero pumayag na lang sila dahil para rin naman iyon sa ikabubuti ko.
Araw-araw na niya akong sinasamahan sa pagpunta ko sa Westerbury at pati na rin sa pag-uwi ko. Siya lang lagi ang nakakausap ko at siya rin ang tumutulong sa akin para matapos ko na ang thesis ko. Nitong mga nakaraang araw, parang pumapasok na lang ako sa unibersidad para makumpleto ang requirements at para hintayin na lang din ang graduation. Naturuan ko ang sarili kong huwag na lang magpa-apekto sa mga naririnig ko sa paligid dahil naisip kong wala rin namang kapupuntahan kung papansinin ko pa ang mga iyon. Hindi ko pa rin tuluyang nakalimutan ang mga nangyari noon pero hindi ko lang pinahahalata dahil ayaw kong sabihin nilang masyado akong mahina. Nagpapanggap akong ayos na sa akin ang lahat para hindi ko na marinig ang masasakit na pagpuna nila sa akin. Minsan kong nakausap ang isang miyembro ng KRRRReampuffs at tinanong ko kung bakit hindi sila nagpapakita sa akin. Ang sabi naman niya, nadismaya lang sila sa nangyari pero hindi sila galit sa kahit sino.
Nang dumating na ang araw ng pagdedepensa ko sa thesis ko, pumasok ako sa conference room kung saan ito gaganapin at nakita ko ang thesis committee kaya bigla akong kinabahan. Seryoso ang lahat at nababalutan din ng kaseryosohan ang buong conference room. Binati ko sila at nagsimula na rin akong magsalita tungkol sa thesis ko. Nang natapos ko nang talakayin ang nilalaman ng thesis ko, nagsimula nang magtanong ang committee at nagbigay din sila ng kanya-kanya nilang mga kumento. Pagkatapos ng lahat ng iyon, lumabas na ako ng conference room at nakahinga na ako ng maluwag. Umupo ako sa may bench kung saan ako madalas puntahan ni Paul. Ilang sandali lang, dumating na siya at umupo sa tabi ko. Tinanong niya kung bakit ako masaya. Mukhang napansin niyang nakangiti na ako ulit. Siyempre, sinabi ko sa kanyang masaya ako dahil natapos ko na ang thesis defense kong isa sa mga bagay na kinatatakutan ko noon pa.
“Akala ko naman kung may kaugnayan ito sa inyo ni Kennan.”
Tinignan ko siya at mukha namang nakuha siya sa isang tingin. Napagkasunduan na kasi namin dati na hindi na muna namin pag-uusapan ang tungkol doon lalo na’t sinusubukan ko na ring kalimutan iyon. Ngayong nasabi niya ulit ang tungkol doon, nawala ang ngiti sa mga labi ko dahil naalala ko na naman ang mga nangyari dati. Iyong sakit na sinubukan kong alisin sa sistema ko ng ilang buwan, bigla na lang bumalik ng ganun-ganun na lang. Bakit ba napakahirap nito para sa akin? Gusto ko na talagang kalimutan iyon at isa lang ang naiisip kong solusyon para magawa ko iyon.
“Paul, gusto ko nang kalimutan ang mga nangyari.”
“Alam ko. Sorry kung nabanggit ko pa ang tungkol doon. Hindi ako tumupad sa usapan natin.”
“Hindi ‘yun ang ibig kong sabihin.”
“Ano pala?”
“Subukan nating ibalik ‘yung sa atin dati.”
Kitang-kita sa mukha niyang gulat na gulat siya sa sinabi ko. Kung saan-saan pa siya tumingin na para bang naghahanap ng mga tamang salitang sasabihin niya sa akin. Oo, alam kong biglaan ang naging desisyon ko pero kung iyon lang din talaga ang paraan para unti-unti ko nang makalimutan ang mga nangyari, handa akong sumubok at handa rin akong sumugal kung ang kapalit naman nito ay ang unti-unting paglalaho ng sakit na nararamdaman ko.
“Ems, sorry, hindi na puwede eh.”
“H-Ha? Bakit?”
“May girlfriend na ako eh.”
“T-Talaga? Kailan pa?”
Sa totoo lang, naidsmaya ako sa sinabi niya at parang nagkaroon ng kirot sa puso ko. Nadagdagan ang sakit na nararamdaman ko. Para bang may natira pang isang maliit na sugat sa puso kong patunay na kahit matagal ko nang tanggap na wala na kami ni Paul, nag-iwan pa rin ito ng bakas. Sabi niya, simula noong si Kennan ang pinili ko, napag-isip-isip niyang kailangan na rin niyang kalimutan ang dati naming relasyon. Nakilala niya si Tricia na dito rin pala nag-aaral sa Westerbury. Nasabi niya na daw sa kanya ang nakaraan namin at wala naman daw problema sa kanya ‘yon dahil matagal na ‘yon. Simula noong napabalita sa buong Westerbury ang tungkol sa hindi totoong relasyon namin ni Kennan, si Tricia pa daw ang nagsabi kay Paul ng tungkol doon kaya nakiusap si Paul sa kanyang sasamahan na muna niya ako at walang pag-aalinlangang pumayag ang girlfriend niya sa ipinakiusap niya sa kanya. Naiintindihan naman daw niya ang sitwasyon ko.
“Hindi mo dapat ginawa ‘yon. Dapat inuna mo ang girlfriend mo kaysa sa akin.”
“Kahit naman matagal na ‘yung sa atin, itinuturing pa rin naman kitang kaibigan. Kasama mo ako ngayon bilang kaibigan mo at ayaw kong nakikitang nasasaktan ang kahit isa sa mga kaibigan ko.”
Hindi ko napigilang lumuha. Niyakap naman niya ako dahil doon. Kahit papaano, nabawasan ang sakit na nararamdaman ko at bahagya akong sumaya dahil narinig ko mismo sa kanyang nag-aalala pa rin siya para sa akin. Kahit matagal ko nang kilala si Paul, pakiramdam ko nagkaroon ako ng bagong kaibigang puwede kong masandalan.
BINABASA MO ANG
Destiny's Twelve o'clock
Roman d'amourDestiny's Twelve o'clock - iyan ang isang larong pinaniniwalaang makapagsasabi kung sino ang nakatadhana para sa'yo. Pero alin nga ba ang mas paniniwalaan mo? Ang reyalidad ng buhay na nagpapaalala sa ating hindi lahat ay pinapaboran ng tadhana? O a...