CHAPTER 17

212 7 0
                                    

Pagkaraan ng ilang araw, nagawa ko na rin ang final thesis kong hardbound na. Naipasa ko na ito at naaprubahan na rin ng thesis committee. Iyon na ang huli kong requirement at natapos ko na ang iba pa kasama na ang mga klase ko. Ibig sabihin, ang kailangan ko na lang gawin ngayon ay hintayin ang araw ng pagtatapos. Tinawagan ko si Paul at tinanong ko kung puwede niya akong samahan sa Westerbury. Gusto ko kasing mag-ikot-ikot sa campus sa huling pagkakataon bago ko pa man tuluyang iwan ang unibersidad pagkatapos ng graduation. Sabi naman niya, kung okay lang daw sa akin, isasama niya ang girlfriend niyang si Tricia para magkakilala kami at makapag-ikot na rin siya. Pumayag naman ako dahil gusto ko ring magpasalamat kay Tricia. Pagdating ng kotse ni Paul, pinasakay na niya ako at nakita at nakilala ko na rin si Tricia.

Pagdating namin sa unibersidad, nakita namin ang mangilan-ngilang estudyanteng malamang ay kumukumpleto pa ng mga requirement nila hanggang ngayon. Nagsimula na kaming maglakad at una naming pinuntahan ang College of Social and Behavioral Sciences. Sarado ang mga room at ang opisina lang ng dean at sekretarya sa kolehiyong iyon ang bukas. Sumunod naming pinuntahan ang College of Life and Environmental Sciences at nakita namin ang ilang estudyanteng nasa laboratoryo pa at tumitingin sa kanya-kanya nilang mga microscope. Sumunod naman naming pinuntahan ang College of Business Administration and Accountancy at iilan na lang ang mga estudyanteng nandoon kasama na ang mga cashier ng unibersidad. Nagpunta din kami sa College of Computer Science at nasilip naman namin sa bintana ang ilang estudyanteng abalang pumipindot ng kung anu-ano sa mga computer sa harap nila. Huli naming pinuntahan ang College of Physical Education kung saan may mga alaalang bumalik sa akin. Naisip ko ang car racing, kick-boxing, basketball, ultimate frisbee, at ang mga taong kilala kong naglalaro ng mga iyon.

Pagkatapos niyon, naisipan naman naming magpunta muna sa cafeteria para bumili ng pagkain. Si Paul na ang bumili ng pagkain namin kaya nanatili na lang kaming nakaupo ni Tricia. Naalala ko na naman ang mga dati kong nakasanayan dito sa cafeteria. Ang K4R ang bumibili ng pagkain ko at pinapaupo pa nila ako sa puwesto nila dati. Dahil doon, napatingin ako sa dating puwesto ng K4R at hindi ko inasahang makikita ko si Kennan na nakaupo doon. Nagtama ang paningin namin at napaisip tuloy ako kung totoo ba ang nakikita ko o imahinasyon ko lang. Kahit na alin pa sa dalawa ang nakita ko, iniwas ko na lang din ang paningin ko.

“Tricia, salamat nga pala sa pagpayag mo kay Paul sa pagsama niya sa akin araw-araw ha?”

“Okay lang ‘yun. Naiintindihan ko naman.”

“Nabanggit sa akin ni Paul na alam mo ‘yung tungkol sa nakaraan namin. Okay lang ba sa’yo ‘yun? Hindi ba parang ang awkward sa pakiramdam ng kasama ng boyfriend mo ‘yung ex niya?”

“Siyempre, noong una, hindi ko rin naiwasang magselos lalo na’t ex ka niya. Haha. Pero natutunan kong magtiwala kay Paul kaya naintindihan ko rin.”

Pinakitaan ko ng isang totoong ngiti si Tricia. Naalala ko na naman kasi ang dating Emrys na umaasa rin sa pagbabalik ni Paul. Para kong nakikita ang sarili ko kay Tricia. Ang pagkakaiba nga lang namin, nakikita ko sa kanyang mahal niya talaga si Paul at mukhang hindi niya siya magagawang iwanan. Mabait si Tricia at naintindihan niya at natanggap din niya ang dahilan ng ipinakiusap ni Paul sa kanya dati. Masasabi kong karapat-dapat siya para kay Paul.

“Makinig ka sa akin. Kahit na anong mangyari, huwag mo nang papakawalan si Paul. Mabait ‘yan at aalagaan at mamahalin ka niya. Nakikita ko rin sa’yong mahal na mahal mo si Paul kaya hawakan niyo na lang ang kamay ng isa’t isa at huwag na kayong bibitiw pa.”

Destiny's Twelve o'clockTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon