Ibayong Dagat

64 0 0
                                    

Mahirap ang buhay sa Pilipinas. Hindi natin maikakaila na iilan lang ang nasa maayos na estado. Kakaunti lang ang nakakakain ng tatlong beses sa isang araw o minsan pa nga'y sobra pa. Maraming mga tao dito ang walang trabaho o 'di kaya'y hirap makahanap ng hanapbuhay. Ang itinuturong dahilan--kahirapan. Maraming mga bagay ang d'yan nag-uugat. Kung pupuntiryahin ang puno't dulo, sa malamang ay ayan ang matatagpuan. Subalit, bakit marami ang naghihirap? Ang sagot naman ay kawalan ng trabaho. Kung gayon, bakit wala silang trabaho? May mga trabaho naman sa bansa na maaaring pasukan ngunit marami ang hindi pumapasa sa dapat na abutin nila bilang isang aplikante. Ang dahilan? Hindi nakapagtapos ng pag-aaral kaya hirap makahanap ng trabaho. Bakit hindi nakapagtapos? Kahirapan ang isa sa mga dahilan. Ang gulo hindi ba? Ganyan kagulo sa Pilipinas. Marami pa ring mga problema ang ating bansa na mahirap solusyunan. O sa madaling salita, mukhang 'di na masosolusyunan pa. Marami na rin tayong narinig na mga pangako mula sa mga opisyales ng gobyerno subalit kung susuriing maigi, mahirap nga namang lunasan ang sakit ng bansa. Lalo pa't kung sa pamahalaan pa lang ay talamak na ang korupsiyon.

Hindi ko na ilalayo pa ang aking nais iparating. Sisimulan ko sa OFW na nangangahulugang Overseas Filipino Worker. Mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa. Bakit nga ba nila napiling lumayo sa mga mahal nila? Mahirap man para sa kanila ang mapalayo subalit talagang kailangan lalo na't may tinutustusan sila. Bakit maraming Pilipino ang pumapasok sa delikadong trabahong ito? Simple lang naman, mas malaki kasi ang sahod na maaari nilang matanggap mula sa mga bansang kanilang pinagtatrabuhan. At kahit gan'on na malaki nga, isinusugal naman nila ang mapalayo sa pamilya nila. Maaaring isinusugal din nila ang buhay nila--dahil sa ibang bansa, walang kasiguraduhan. Sa ibang bansa, ikaw ang dapat makibagay sa mga nanduon. Marami rin tayong nababalitang mga karahasan na nangyayari sa mga kababayan nating OFW gaya ng human trafficking, pang-aabuso sa pisikal, emosyonal, at maging sikolohikal. Masuwerte pa nga ang iba na ligtas sa kanilang pinagtatrabahuhan. Sa kabila ng maginhawang dulot ng pangingibang bansa, hindi naman natin maikakaila na delikado pa rin ang mabuhay at maghanapbuhay sa lugar na hindi mo kinagisnan.

Maraming mga Pilipino ang naghahanapbuhay sa ibayong dagat sapagkat doon nila nakikita ang pagiging maginhawa ng buhay ng pamilya nila. Kung ikukumpara naman sa Pilipinas, tiyak na mangingibabaw ang ibang bansa. Hindi sa ibinababa ko ang estado ng Pilipinas subalit kung pagmamasdan, hindi ito nalalayo. Nahuhuli nga talaga ang ating bansa. 'Iyong tipong umaasa na lamang ang pamahalaan sa mga GDP na nagmumula sa mga nagtatrabaho sa dayuhang bansa para lamang hindi bumagsak ang ekonomiya. Kaya nga ganito na lamang kung ipursigi nila ang marami upang mangibang bansa at magtatag ng iba't ibang mga programa para sa mga OFWs. At hanggang sa paaralan, ito ang inilalagay na pag-iisip sa mga mag-aaral--ang magtrabaho sa ibang bansa. Kaya nga hindi masyadong napagtutuunan ng pansin ang mga hanapbuhay sa Pilipinas--lalo ang sa agrikultura na mas kailangan natin.

Balik sa mga OFWs, ang pagiging isang OFW ay hindi biro. Masaya sila na natutugunan nila ang pangangailangan ng kanilang mga kamag-anak sa Pilipinas. Sa hirap ng buhay sa ating bansa, sa simpleng mapagbigyan nila ang gusto ng kanilang pamilya, ay panatag na ang loob nila. Subalit, dahil nga may panggastos na sa pang-araw-araw ang mga kapamilya nila sa ating bansa, hindi naman talaga maiwasan ang paghingi ng sobra--pang-aabuso. Masakit isipin na ang kanilang pinaghihirapan ay kadalasang naabuso at ang mas nakakabahala ay pang-aabuso pa ng kanilang kamag-anak. Mayroon ding hindi magandang turing sa mga OFW, na kapag galing ibayong dagat ikaw ay mayaman na; maginhawa at maasenso sa buhay. Ngunit hindi ba nababatid ng ilan na bago nila makamtan ang kaginhawahang iyon ay nagsakripisyo silang mawalay sa mahal sa buhay? Hindi ba nila naisip na baka hindi na nakakatulog sa gabi ang kamag-anak nilang nasa ibang bansa sa pag-aalala kung may nakain na ba ang pamilyang kanyang naiwan? Hindi ba nila naisip na bago nila makamtan kung ano mang meron sa kanila ngayon ay dahil sa pagpapakuba nila sa trabaho? Sadyang hindi patas ano? Marami ang kaunting ungot lang ay mapagbibigyan ang gusto, 'Yun nga lang, batid kaya nila ang lungkot na nadarama ng kamag-anak nila sa ibang bansa? Sa bansang walang kasiguraduhan?

Marami pang mga isyu ang pumapatungkol sa buhay ng mga OFW. Napakarami at kulang ang aking mga ibinahagi. Ang isyu nito ay hindi lamang dito natatapos. Subalit 'wag nating pagtuunan ng pansin ang mga negatibong aspekto ng pangingibang bansa taliwas man iyon sa halos lahat ng aking isinulat. Dahil kung titingin lamang tayo sa mga hindi magagandang mga bagay, mas mahihirapan tayo sa pagpapaunlad, hindi lamang sa ating bansa kundi maging sa ating sarili. Sa panahon ngayon, sikapin natin na maging bukas ang isipan sa mga isyung nakapaloob sa ating bansa. Sikapin nating maging mas mauunawain at mapag-obserba sa ating paligid. Sikapin nating intindihin ang sitwasyon ng mga taong nasa ibang-bansa upang maghanapbuhay, dahil sadyang hindi talaga madali ang pumasok sa ganitong propesyon.




~Ika-28 ng Pebrero, 2018



--Inyo sanang intindihin na ito'y obserbasyon at sariling pananaw ng awtor. Ang kanyang ibinahagi ay pawang katotohanan base na rin sa mga nakalap n'yang impormasyon, mga napag-aralan at mismong karanasan na magkaroon ng kamag-anak na isang OFW. Ang mga nakasaad ay tunay na nangyayari at walang halong biro na nilakipan ng sariling saloobin ng awtor. Maraming salamat!

Through the PagesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon