2. Enigmatic Flynn

6.7K 173 2
                                        


2

Nagtaka si Jam nang makita na hindi na muling lumutang ang lalaking lumangoy malapit sa mapanganib na bahagi ng dagat. Isang mahabang net ang nakapagitan doon. Sadyang ipinalagay iyon ng resort manager para makaiwas sa aksidente ang mga pangahas na nagsisipaglangoy.

Kapag lumalaki ang tubig ay tila ipuipong napakalakas ng puwersa ng alimpuyong nasa ilalim niyon. Kahit mahuhusay na swimmer at diver ay iniiwasan ang makapangyarihang current ng tubig sa bahaging iyon ng dagat.

Napansin niya ang lalaking pabalik-balik sa paglangoy kanina. Nag-iisa ito kaya madalas niyang balikan ng tingin. Sa karanasan niya bilang lifeguard, ang mga nag-iisang lumalangoy ang madalas na malunod dahil walang kasamang tatawag ng tulong kapag nagkaproblema.

Hindi na siya nag-aksaya ng sandali. Mabilis niyang niradyuhan ang dalawang kasamang lifeguard at pagkatapos ay nagmamadali na siyang bumaba ng sky room. Siya ang unang nakalangoy sa lugar na huli niyang kinakitaan sa lalaki.

Nakita naman agad niya ito nang sumisid siya. Nasa ilalim na ito at nagsisikap na kumampay ngunit hindi naman umaangat. Dali-dali niyang hinatak paitaas ang baba nito hanggang makarating sila sa ibabaw ng tubig. Agaw-malay na ito ngunit umuubo. Marahil ay nanghina na lang ito sa pagpipilit na kumampay.

Noon nakalapit sa kanila si Kit. Ito na ang nagsampa sa lalaki sa malapad na rubber board na hinatak naman ng speedboat patungo sa pampang.

Namangha siya nang makarating sa pampang at makitang iyon ang lalaki na lumapit sa kanya kanina. Itinaob ito ni Kit at sinimulang bigyan ng first aid.

Umubo ang lalaki at inilabas nito ang tubig na nainom.

“Bahala na kayo sa kanya,” wika niya sa dalawang kasamang lifeguard.

Isang nagtatakang tingin ang ibinigay sa kanya ni Kit. Ngunit bago pa ito makapagtanong ay humakbang na siya pabalik sa sky room.


“GOODNESS! Flynn, don’t tell me na nagpakalunod ka kunwari para lang mapansin ka ng babaeng iyon?”

Tiningnan niya nang masama ang Kuya Kiel niya. Maayos na ang pakiramdam niya nang mga sandaling iyon. Medyo nanghahapdi na lang ang lalamunan niya at ilong.

“Siguro umaasa ka na ang chick na 'yon ang magbibigay ng first aid sa 'yo, ano?” kantiyaw naman ni Gemino sa kanya. “Na bibigyan ka niya ng mouth-to-mouth resuscitation?”

“Pinulikat ako kaya ako nalunod,” pagtatanggol niya sa sarili. Nababanas na siya sa dalawa. Nabingit na nga ang buhay niya, nagagawa pang kantiyawan siya ng mga ito.

“And it’s all because of a woman,” napapailing na sabi ng kuya niya.

“I bet hindi pa rin niya nakilala 'yong chick.”

He scowled at his twin. Nakapagtatakang sa ibang tao ay tahimik ito at pino. Ngunit sa kanya ay numero uno itong alaskador.

“If you ever pull that stunt again, ako mismo ang lulunod sa iyo sa dagat.”

Lalo siyang nabanas. “Aw, Kuya, huwag mo nga akong tratuhin na parang bata.”

“Ayaw mong matratong parang bata pero tingnan mo nga 'yang inaarte mo. Hindi ka nag-iingat. At kapag nadisgrasya ka, sino sa palagay mo ang masisisi nina Papa?”

Sasagot pa sana siya sa kapatid ngunit pinigilan siya ng kakambal. “Hayaan mo, 'tol, tutulungan kitang makilala siya. Huwag mo nang pansinin si Father Kiel. Hindi niyan maiintindihan ang feelings mo ro’n sa chick. Bato ang puso niyan, eh.” Nabatukan sana ito ng panganay nila kung hindi maagap na nakailag. Tatawa-tawang lumabas ng cabana ang kakambal niya habang hatak siya.

Braveheart Series 6 Flynn Falcon (Free Spirit)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon