Naniniwala Ako

178 1 0
                                    

Naniniwala ako sa aswang.
Lumaki ako na kinukwentuhan ng mga tiyuhin ko na galing sa Capiz at Aklan tungkol sa kanila kaya, oo, naniniwala ako sa aswang.
Naniniwala ako na kaya nilang magpalit ng anyo.
Na dapat maging mas mapayapa ang aking dibdib na marinig ang pagpalatak ng bibig ng tiktik dahil kung malapit daw ang tiktik, ibig sabihin malayo ang aswang.
At siguro, iisipin mo na nababaliw na ako o napakadali ko namang mauto pero hindi ako nagsisinungaling;
Naniniwala ako sa aswang

At naniniwala rin ako sa nuno.
Naniniwala ako sa nuno---- yung maliliit na nilalang na nakatira umano sa mga punso. Na posibleng nandyan lang daw, nagtatago sa likod ng puno.
Kaya kinakagat ko ang daliri ko tuwing nalilimutan kong ayaw nilang tinuturo at baka kunin nila ako sa gabi at tangayin sa kaharian nila para gawing kalaro.
At alam ko, wala pa akong kilala na dinukot nila pero mahirap nang sumugal, kaya kapag ako'y nagturo sa masukal na gubat kinakagat ko agad ang aking hintuturo dahil madali akong maniwala at naniniwala ako sa mga nuno.

At tutal din lang ay sinasabi ko na ang mga kalokohan na 'to, siguro dahil minsan nakakasawa na na nasa isip lang KITA.

At oo, malamang hindi nga ito ang tamang panahon para sabihin sa'yo ito bilang puro maligno at lamang lupa ang kaninang mga binabanggit ko pero intindihin mo: kung kaya kong maniwala sa mga bagay na walang basehan tulad ng mga ito, bakit ako hindi maniniwala sayo?
Sa atin? Sa TAYO? Pero meron nga ba?

Kapag ngingitian mo ako, naniniwala ako
Kapag hinahawakan mo ang kamay ko, naniniwala ako
Kaoag inaakbayan mo ako, naniniwala ako
Kapag hinahalikan mo ako, naniniwala ako

Naniniwala ako rito. Hindi ito Laro. Hindi  ito Hanggang dito na lamang at maraming salamat!
Naniniwala ako na kaya natin ito.
At naniniwala ako na kung maging masakit man, kung pagdating sa dulo ay patayin man ako sa sakit ng saya na ibinibigay mo, magiging sulit ang lahat dahil naniniwala ako sa 'yo.

Oo. Ikaw ang tinuturo ko
at hindi ko kakagatin ang daliri ko,
dahil gusto kong tangayin mo ako patungo sa kung saan mang kaharian o kagubatan mo gusto.
Oo. Ikaw ang tanging sigaw nitong dibdib ko at hindi ako matatakot kung lalapitan mo ako dahil naniniwala ako sayo. Naniniwala ako rito. Naniniwala ako na kaya natin ito.

At naniniwala ako sa karma.
Na kung ano mang ibigay mo sa kalawakan ay siyang ibabalik nito sayo nang may interes pang kasama.
Ilang beses ko nang isinilid ang puso ko sa garapon at itinapon ito sa dagat sa pag-asa na may makakahanap at magbabalik sa akin nito ng buong buo pa.
Pero ang tagal na at wala pa akong nakukuha.

Kaya kung sakali lang na makita mo ang puso ko na inanod sa aplaya;
iniisip kung anong gagawin sa kanya---itatabi, itatapon, o ipagsasawalang bahala---maghihintay ako sa desisyon mo. Dahil naniniwala ako.

Maniwala ka
                 
                   Maghihintay ako

                                       Ibalik mo sana

HABANG WALA PA SILA mga tula ng pag-ibigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon