Isang beses noong nasa kinder pa 'ko umuwi ako mula sa eskwela nang umiiyak. "Nabasa ng tubig-baha ang loob ng sapatos ko," sabi ko kay nanay.
"Bakit ka umiiyak?"
"Paano kung masira 'to?"
"Anak, taga malabon ka. Dapat masanay ka nang nababasa ng baha ang sapatos mo."Minsan naman noong nasa elementary ako, umuwi ako mula sa eskwela nang tumatawa. Hinubad ko ang aking sapatos kaya hindi nabasa ng tubig baha ang sapatos ko. "Bakit ka tumatawa? Paano kung nabubog ka sa daan? Anak, huwag kang magpa-paa sa baha. Hindi mo nakikita nang husto ang nilalakaran mo."
Kaya paglaki ko nasanay na akong maglakad ng basa ang sapatos. Hindi ako nito napapaiyak. Hindi rin naman ako natatawa. Kahit ang bigat nito sa paa. At may tunog na nakakairita. Pero tuwing may babati sa mga sapatos nilang may tubig sa loob, sa isip-isip ko, "Naku, taga malabon ako. Sanay akong maglakad nang may tubig sa loob ng sapatos ko." Sanay ako sa bigat nito sa paa. At sa tunog na ginagawa ng tubig sa suwelas, sanay ako na mairita. Alkohol lang naman ang katapat niyan paguwi sa bahay at maiiwasan na ang alipunga.
Tag ulan noong makilala kita.
Nilulusong ko ang baha suot ang tsinelas ko, para lang makita ka. Matibay ang tsinelas ko, hindi ito basta basta masisira. At naglalakad ako sa ilalim ng mga poste ng ilaw para matiyak na walang bubog na nakakalat sa kalsada.
"Bakit ka pa nagpunta? Nabasa pa tuloy ang paa mo ng tubig baha."
"Taga malabon ako. Kaya't sanay ako sa bigat sa paa nang paglulusong sa baha at sa nakakairitang tunog ng suwelas na basa.""Bakit kapa nagpunta? Paano kung nabubog ka sa kalsada?"
"Tinititigan ko and daan ko. At saka isa pa, gusto kitang makita."Tag ulan noon nang makilala kita.
Binabagtas natin ang mga kalsada tuyo man ito o baha.
Hindi ko na alam kung bakit, basta, natatawa tayo at matagal tagal na rin na hindi ako nababasa ng luha. Mas magaan sa paa kung ikaw ang pinupuntahan ko. Walang nababasag na bote sa kalye kung ikaw ang naka schedule na makipag kita. Ilang bote ng alkohol ang naubos ko para lang hindi magkaalipunga! Malapit na ring maubos ang bagong bote na binili mo, nakita ko sa isa kong pagbisita.Isang gabi ay dumating ka nang pagod at halos maiyak-iyak ka na.
"Mahal, taga-Malabon ka.
Di ka paba sanay na maglakad nang basa ang paa?"
"Bakit pa ba ako nagpunta?
Paano kung bumigay bigla itong sapatos kong luma?"
"Mahal, huwag kang mag alala.
Kung masira man 'yan ay sasamahan kitang maghanap ng kapalit na mas maganda."Sumunod ay ako naman ang dumalaw nang masaya at tumatawa.
"Mahak, nasira ang sapatos ko sa daan kaya heto ako, lumusong nang naka paa."
"Bakit ka pa ba nagpunta?
Paano kung nabubog ka't nasugatan, e di kasalanan ko pa?"
"Mahal, bakit ka ba nag aalala? Kung masugatan ako gagamutin mo naman ito agad, hindi ba?"Maliwanag ang langit noong muli kitang makita; may suot na mamahaling sapatos na parang hindi kayang pasukin ng baha.
"Mahal, saan ka ba nagpunta?" Bibiruin kita sana. Pero mabilis ka nang naglalakad. Walang pakialam kung may bubog man o baha😔.Umuwi ako nang hindi umiiyak pero hindi rin tumatawa.
Ang bigat ng mga paa ko sa paglulusong, at parang may lumulubog na bubog sa kada hakbang, kaya tinaktak ko ang sapatos ko pagdating ko sa bahay pero wala kahit kapirasong bubog o isang patak ng tubig. Hindi basa ang medyas ko at ligtas sa kahit anong sugat ang aking mga paa.
Pero ang bigat.
Ang sakit😔
Nakakairita.Hindi pala baha sa malabon noong gabing 'yon!
At noong kinuwento ko ito kay nanay, ang tanging sinabi nya, "Anak, nagmahak ka. Dapat masanay ka nang maglakad nang nasasaktan at mabigat ang paa."
BINABASA MO ANG
HABANG WALA PA SILA mga tula ng pag-ibig
PoésieIto ay isang libro ng tula ng mga pagibig. Ito ay hindi pagmamay-ari ni Nehemiah M. Sese ngunit ito lamang ay kinopya. Ang orihinal na may tala ng librong ito ay si Juan Miguel Severo. Paalala: Ang librong ito ay naglalaman ng matitinding salita. R1...