Isang liham. Liham na nakaipit sa kaniyang talaarawan.
"Kung sino man ang makabasa nito nagpapasalamat ako at nakita mo ang aking liham."
"Bata pa lang ako ay alam ko na kung gaano ka importante ang buhay sa isang tao. Kung gaano ito kahalaga at inialagaan ng bawat isa. Isa itong regalo na bigay ng Panginoon na dapat nating alagaan at hindi dapat sinasayang. Sa paglipas ng panahon natutunan kong tanggapin ang aking kapalaran. Hindi ako katulad ng mga normal na bata na kayang makipag habulan sa kanilang kalaro. Hindi ako katulad ng ibang bata na kayang tumawa ng walang sakit na iniinda. Hindi ako katulad nila dahil naiiba ako sa kanila. Hindi ko naranasan ang mga naranasan ng mga normal na bata. Maraming bawal at hindi pwede ang aking sakit. Masakit mang isipin ngunit tinanggap ko ito ng buo. Nito lamang nakaraang buwan naranasan kong mabuhay ng normal. Na walang inaalalang sakit at walang pagpipigil. Salamat kay, Ron. Ipinakita niya sa akin ang mundo. Tinuro niya sa akin na hindi nalilimitahan ang kasiyahan. Kahit anong oras ay pwede kang maging masaya. Natutunan kong maging masaya sa nalalabing araw ng buhay ko. Mas binagyan ko ng pansin ang aking pamilya. Si Sunny, hindi ko alam na may nobya na pala. Kung hindi ko siya nakakwentuhan ay hindi ko pa malalaman. Si papa, na promote na pala sa kaniyang trabaho at nalaman ko lang nitong nakaraan. Masyado yata akong nabulag sa sarili kong sakit at hindi ko natuonan ng pansin ang mga tao sa paligid ko. Napagtanto ko na hindi lang pala ako nahihirapan sa sakit kong ito. Nahihirapan rin pala si Sunny at papa sa sitwasyon ko ngunit hindi ko nakikita iyon dahil masyado kong binigyan pansin ang aking sarili."
"December 1, 2***. Napaginipan ko ang aking kamatayan. Isang makulimlim na araw, ang ulap ay tila nabibigatan na sa kaniyang dala at anumang oras ang ibabagsak niya na ang ulan. Nakita ko ang aking sarili na tumatakbo sa gilid ng kalsada ngunit walang tao ng oras na iyon dahil sa malakas na buhos ng ulan. Kitang kita ko ang pagtulo ng aking luha umulan man ng araw na iyon. Nanikip ang aking dibdib sa oras na iyon at bigla akong napatumba sa malamig at basang semento at nawalan ng malay. Nang dumilat ako ng araw na iyon ay puno ng luha ang aking pisngi. Parang totoo ang aking panaginip. Isang panaginip na nagpasilip sa akin sa hinaharap. Kaya ng mapanaginipan ko iyon ay mas nagpakasaya ako sa sumunod pang mga araw. Hindi ko alam kailan iyon ngunit alam kong malapit na. Malapit na ang aking katapusan."
"Sigurado akong wala na ako sa mundong ito ng makita nyo itong liham ko, gusto ko lang malaman nyo kung ano ang nararamdaman ko. Kay Sunny, mahal na mahal kita kapatid ko, babantayan kita kahit saan man ako pumunta. Nais ko sanang makahanap ka ng babaeng mamahalin ka ng walang hanggan. Magpakabait ka ha. Wala na ako para magbigay ng payo sayo. Kay papa, pa huwag kang malungkot. Wala na kaming dalawa ni mama. Ang reyna at prinsesa mo, pero magpakatatag ka para kay Sunny, magkikita na kami ni mama. Sasabihin ko sa kaniyang miss na miss mo na siya at mamahalin mo siya hanggang katapusan. Kay Ronnick Salvarez o tawagin natin sa pangalang Ron, Maraming salamat Ron, hindi mo man masuklian ang aking pagmamahal pero masaya ako at nakilala kita. Salamat at ipinaramdam mo sa akin kung paano magmahal. Ipinaramdam mo sa akin kung paano maging masaya. Hinding-hindi kita makakalimutan Ron. Mahal na mahal kita. Paalam.
-Rainiere C. Hernandez"
"Rainnielle! Halika na! Lilipat na tayo ng bahay." Sigaw ni papa.
Lumingon ako sa likod at nakita ko si papa na pinuntahan ako sa kwarto ni Tita Rain.
"Papa, may nakita akong liham. Tingin ko ay kay Tita Rainiere iyan." Sabay turo ko sa liham.
Binasa ito ni papa at nang matapos niya itong basahin ay pumatak ang kaniyang luha.
"Anak, saan mo ito nakita?" Tanong ni papa.
"Doon po sa ilalim ng kama ni Tita Rain. Nandoon rin po ang kaniyang talaarawan.
"Sunny! Rainnielle! Ang tagal nyo naman diyan!" Sigaw naman ni mama.
"Mahal, may liham si ate Rain na iniwan." Saad ni papa habang tumutulo ang kaniyang luha.
Lumapit si mama at binasa rin ang liham. Napatakip ng bibig si mama ng nabasa niya iyon.
"Mahal, labing limang taon na siyang wala pero ngayon ko lang nakita ito." Ani ni papa.
Tumingin si papa sa akin at niyakap ako.
"Mahal, siguro ngayon ay kasama na nila ngayon si papa." Sabi naman ni mama.
Si lolo ay namatay isang taon na ang nakalipas kaya naisipan ni papa na lumipat ng bahay dahil masyado ng maraming masakit na alaala ang naiwan sa bahay na ito ngunit hindi naman ipinagbibili ito ni papa.
"Mabuti pa at puntahan mo si Ron. Ipakita mo sa kaniya ang liham dahil nakasulat rin naman ang pangalan niya riyan." Ani ni mama.
"Mabuti pa nga. Sa susunod na araw ay dadalaw ako sa kaniya." Ani ni papa.
Lumipat na kami ng bahay at ng sumunod na araw ay sumama ako kay papa papunta sa bahay ni tito Ron.
Nang makita kami ni tito Ron ay pinapasok niya kami sa kaniyang tahanan at pinaupo.
Nakaupo lamang ako at nakikinig sa kanilang dalawa.
"Ito na ba si Rainnielle? Kamukhang-kamukha niya si Rain." Sabi ni tito Ron at ngumiti kaya ngumiti rin ako sa kaniya.
"Oo, maliit pa siya ng huli mo siyang nakita." Saad ni papa.
"Ilang taon na ba si Rainnielle ngayon?" Sabay tingin sa akin ni tito Ron.
"Pitong taong gulang na. May dahilan nga pala ang pagpunta ko dito kuya Ron." Ani ni papa.
"Ah ganoon ba. Dito na rin kayo kumain, magluluto ng sinigang ang asawa ko ngayon." Ani ni tito Ron.
Tumango lamang si papa.
"Noong nakaraang araw ay lumipat kami ng bahay at nakita ito ni Rainnielle sa ilalim ng kama ni ate Rain." Ani ni papa sabay abot niya ng liham at talaarawan ni tita Rain kay tito Ron.
Tinanggap ito ni tito Ron na may nagtatakang mukha.
Binasa niya ang liham at pagkatapos ng kaniyang pagbasa ay hindi na siya maka imik.
"Maraming salamat sa pagpapabasa nito sa akin Sunny. Hindi ko man lang nasuklian ang kaniyang pagmamahal. Ang iyong ate ay may isang napakabuting puso. Naiintindihan niya ang aking nararamdaman ng mga oras na iyon. Hindi man lang siya humingi ng kahit anong kapalit. Basta sa kaniya ay masaya siya kahit walang kasiguraduhan ang damdamin ko. Nagsisisi akong hindi ko man lang sya nakausap bago siya namatay." Ani ni tito Ron kasabay ng isang patak ng luha na tumulo sa kaniyang mata.
"Walang anuman kuya Ron. Gusto ko lang malaman mo ang kaniyang damdamin bago siya mawala. Malaki na rin pala ang anak mo." Ani ni papa.
Bigla kasing lumabas sa isang kwarto ang isang batang lalake na anak ni tito Ron na sa tingin ko ay mas matanda pa sa akin ng isang taon.
"Ito na ba si Samuel?" Tanong ni papa at tumango naman si tito Ron.
Bigla din dumating ang asawa ni tito Ron na si tita Sally na nakangiti.
"Kain muna kayo. Inihanda ko na ang hapag." Ani ni tita Sally.
Nang araw na iyon ay kitang-kita ko kung paano sabay na umiyak si papa at tito Ron. Pagkatapos din namin kumain noon ay pumunta kami sa puntod ni tita Rain at sinindihan ng kandila.
Isa ito sa alaala na palaisipan sa akin noong bata pa ako. Ngayon ay nabigyan na ito ng sagot ng mabasa ko ulit ang talaarawan ni tita Rain.
Isang buhay na walang kasiguraduhan at isang pag-ibig na hindi nasuklian.
Pero nagawa niya pa ring mabuhay ng masaya at maginhawa.Nakakabilib ang buhay ni tita Rain. Isang buhay na masasabi mong hindi perpekto at maraming sakit pero nagawa niya pa ring maging masaya sa sakit na dala nito.
Hindi man kita nakilala tita Rain, pero masasabi kong ikaw ay may busilak na puso. Matapang mong hinarap ang pagsubok ng buhay. Maraming salamat sa iyong karanasan.
BINABASA MO ANG
Rain ìll Heart (Short Story)
Short StoryIsang patak ng ulan, katumbas ng isang pintig ng puso.