NANG sulyapan ni Marilen Javier ang nakababatang kapatid, natagpuan niyang tulog pa rin si Neneth. Nakapuwesto sila ng teen-ager sa backseat ng Nissa Sentra na minamaneho ng tatay nila. Katabi nito ang nanay nilang si Aling Olivia.
Hindi pa rin nawawala ang kagalakang nararamdaman ni Marilen nang muling tumanaw sa kahabaan ng Bonifacio Avenue. Sino ang mag-aakalang lilipat kami ng tirahan? And to think, sa Quezon City pa?
Panaka-naka ay nauulinigan ni Marilen ang pag-uusap ng mga magulang.
Maya-maya pa ay nagising na si Neneth. "Malapit na ba tayo, Ate Lenny?" tanong ng teen-ager habang nagpupungas-pungas.
"Malapit na," nakangiting tugon ni Marilen sa kapatid. "Kaya ayusin mo na ang sarili mo."
Kumilos si Neneth. Kinuha sa shoulder bag ang compact powder at nanalamin. Saka nito pinasadahan ng brush ang buhok.
"Oy, tingnan nga ninyo kung nakasunod pa rin sa atin 'yung trak." Himantong ni Mr. Javier maya-maya.
Kapwa sila lumingon ni Neneth sa likuran. Natagpuan nila ang nguso ng inarkilang lipat-bahay trak. "Nakasunod pa rin, Pa," tugon ni Marilen sa ama.
Mula sa Bonifacio Avenue, ikinanan ni Mang Ruben ang service vehicle sa isang semi-commercialized area na iyon ng Quezon City.
Hello, Binhagan Street, usal ni Marilen sa isip at saka muling nilagom ng mga mata ang mga imspraktraktura sa dilentera ng kalye. Gano'n din ang ginawa ni Neneth.
Maluwang ang espasyo ng aspaltadong kalsada ng Binhagan Street. Sa kanang panig nito nakatindig ang mga naglalakihang mga gusali, residential and commercial. Sa kaliwang panig naman ay mga mababang grado ng bahay bagama't naroon ang indikasyon na nasa pagitan ng middle and working class ang karamihan sa mga residente ng komunidad.
"Masyado namang tahimik dito," puna ni Neneth na walang partikular na pinatutungkulan.
"Mabuti nga iyon at walang maliligalig," tugon ni Mrs. Olivia Javier.
Tama si Neneth. Wala ngang katao-tao sa lansangan at kung may nagdaraan man ay madalang. Wala ring makikitang mga batang naglalaro
Ngunit hinulaan ni Marilen na maaaring nakaligpit pa at namamahinga ang mga residente. Araw ng Linggo at magi-ikalawa at kalahati pa lang ng hapon. Oras ng pagsisiyesta. Pero mayamaya lang ay natitiyak niyang mapupuno na ng aktibidad sa kalsada.
Inihimpil ni Mang Ruben ang Sentra sa harap ng NO 29. Isang up and down na napipintahan ng krema at ibinabakuran ng pader na apat na talampakan ang taas. Ngunit hindi ito nag-iisa. Kasama nito sa pagkakabakuran ang isa ring up and down. Ang bahay ng kapatid na lalaki ni Mang Ruben na siya ring magiging kasera nila.
Sunud-sunod na umibis Sina Marilen , Neneth at ang mga magulang ng sasakyan. Halos kabababa lang nila nang humimpil ang lipat-bahay trak hindi kalayuan doon. Bumaba mula sa trak si Kenneth, ang kakambal ni Neneth. Fraternal twins ang dalawa at halos walang pagkakatulad. Matanda lang si Kenneth ng ilang minuto sa kakambal na babae. Ang pagdidiskarga sa kanilang dalawang alagang aso ang agad inaturga ni Kenneth.
"Marilen, tingnan mo kung nandiyan ang Tiyo Joaquin mo," himantong ni Mang Ruben. "Paki tulungan kamo tayo sa pagdidiskarga."
"Tena, Neneth," panggaganyak ni Marilen sa kapatid na teen-ager.
Ngunit wala silang dinatnan ni Neneth sa bahay ng Tiyo Joaquin nila.
"Baka naka-duty si Tiyong, Ate," panghihinuha ni Neneth. "O kaya ay kasamang umalis nina Tiya Julie at Ate Jane. Hindi naman nila alam na ngayon tayo maglilipat."
YOU ARE READING
Should' ve Been the One by Melissa Y. Nicolas
RomanceSa kabila ng lahat ng efforts ni Lenny na isara ang puso niya, nandoon pa rin si Zaldy, hindi natitinag sa paghihintay, hindi nagsasawa. Hindi niya pinlano na mahulog ang loob, ang puso niya sa binata , hook, line and sinker...