Chapter 1 - Third Eye

2.8K 67 85
                                    

Bata pa lang ako, di ko akalaing magkakaroon ako ng ganitong katangian. Mga lima hanggang pitong taong gulang ako noon. Tuwing gabi—tuwing pinagmamasdan ko ang mga laruan ko at yung kumot nina papa at mama—bigla silang nagiging ahas sa paningin ko. Sabihin mang baliw ako pero ganiyan na ganiyan ang mga pinagdaanan ko.

Tila yung mga nakakalat na mga laruan ko ay nag-iibang anyo at nagiging ahas pagsapit ng alas-dose at ako lang ang nakakakita. Sinabi ko rin ito kina papa at mama pero sabi nila ay wala naman daw silang nakikitang ganoon.

Mas tumindi ang pagtitig ko roon sa kumot ni papa na biglang naging anaconda sa dalawang mata ko. Humuhuni pa ito at kitang-kita ko ang paglabas ng dila.  Totoong-totoo at hindi iyon kisapmata.

Ngunit sa kagandahang-palad ay nawala iyan noong walong taong gulang na ako. Di ko rin maintindihan kung bakit ganoon ang pangitain ko.

Ano ba talaga ang misteryong ito?

*******

Ako ay lumaki sa ibang bansa kaya hindi gaanong bumukas ang third eye ko dati—dahil na rin sa kakaunti lang ang mga multo sa Middle East. Nakatira kasi kami sa apartment—sa may pinakataas o sa ikaapat na palapag ng pinakataas na apartment building sa street o kalye namin—kaya expected talagang wala akong mararamdaman.

Lumabas lang ito noong ako'y labindalawang taong gulang. First time ko noong magkaregla at first year high school pa lang ako noon at di pa uso ang K-12 noong mga panahong iyon.

Nagbakasyon kami sa Pilipinas at 2nd month iyon  ng unang regla ko.

Nagpagawa si papa ng bagong residential house namin sa probinsya. Ang lupang pinatayuan namin ay may pinutol daw na napakalaking puno ng langkang sinasabing tinitirhan ng isang malaking kapre.  Ngunit dahil nagmamadali si papa ay hinayaan na niya ang mga ganoong tsismis.

Dahil din sa hindi siya naniniwala sa mga ganoong kuwento kaya agad na niyang ipinatayo ang bahay namin. Engineer kasi siya kaya madali lang niyang napagawa ang bahay lalo na pagdating sa mga structure. Nag-hire din siya ng maraming construction worker dahil may-kaya naman kami.

Natapos ang residential house namin sa loob lang nang isang buwan.

Malapit na kami noong bumalik sa abroad dahil may limit date at time na ibinigay ang boss ng aking papa sa kanyang bakasyon sa Pinas kasama kami. Kaya naman, talagang minadali niyang tapusin ang bagong bahay namin upang patirahin din doon sina lola. Parang regalo na niya iyon sa lola ko, kasama ang mga pamangkin at kapatid ni mama.

Noong bagong tayo pa lang ito ay tumira na agad kami kaya naman sa baba ay bukas lahat ang mga pinto. Hindi na kasi naayos ng mga construction worker ang mga pinto dahil sa pagmamadali. Katwiran nila ay para ma-feel na raw namin mag-stay ng one night sa bagong gawa naming bahay.

Kuwarto lang namin ang tanging pinto na may lock. In case, may kawatang pumasok ay di kami maperwisyo.

Ako, si mama, si papa, at dalawa kong kapatid na babae ang natulog doon sa kuwarto na may lock pero halos lahat ay wala. Yung entrance door ay bukas-sarado kaya't doon na nagsimula ang mga naririnig ko.

Tuwing gabi, marami akong naririnig na mga naglalakad sa ibaba at tila napakarami nila. Yung tipong dinig na dinig mo talaga kahit kayo lang pamilya ang tao sa bahay na iyon. Ako lang ang nakakarinig niyon.

Minsan pa ay may umaakyat sa hagdan. Dinig na dinig ko ang yabag sa sahig. Tinatanong ko mga kapatid ko kung may naririnig ba sila. Pareho ang sagot na aking natatanggap: "Wala naman."

Mas ikinabahala ko talaga kung bakit ako lang.

Isang gabi, kinabahan talaga ako nang may nagbubukas sa pinto ng kuwarto namin. Mga ala-una ng madaling-araw iyon. Hindi na ako makahinga kasi akala ko talaga ay magnanakaw. Parang sinasaksak na ang puso ko sa takot at tuluyan akong nagsumbong sa mga magulang ko na may nagbubukas talaga ng pinto at humahawak at gumagalaw ng door knob. Ngunit kapag nagigising sila  ay tumitigil naman yung tila gustong-gustong pumasok sa loob.

"Ano ba, anak? Mga daga lang iyon!" pagpilit ni papa na hindi pa naididilat ang mga mata sa sobrang antok pagkatapos ko siyang gisingin. Iyon lang kasi ang tanging paraan ko para makahinga, lalo na kapag inuubo si mama. Ang luwang na ng dibdib ko dahil nawawala yung mga naririnig ko sa baba o sa mga di-maipaliwanag na tao ba o hayop na gustong-gustong buksan ang pinto namin. Hanggang sa lumipat na sina lola at ibang kamag-anak sa bahay namin para doon na rin manirahan sa bagong bahay.

Akala ko, doon na matatapos ang katatakutan ko kasi syempre, medyo dumami na kami sa loob ng bahay.

Ngunit . . . nagkamali ako.

Ayoko man itong ibahagi pero ito yung worst na pinagdaanan ko sa buong buhay ko noong teenager ako.

Dinatnan kasi ako ng buwanang dalaw ko o nagka-mens ako. Totoo pala talagang  kapag nagkaregla ka ay lapitin ka ng mga di-nakikitang nilalang. Nasa first floor ng bahay sina lola at mga ibang kaanak namin; gaya ng pamangkin at kapatid ng mama ko. Kami naman ay nasa 2nd floor.

Doon pa rin kami sa kuwarto namin. Pero this time, nakasara na ang buong pinto at may mga lock na.

Ngunit pagsapit na pagsapit talaga ng alas-dose ng gabi— pagkasarang-pagkasara nina mama at Papa ng ilaw at pintuan sa loob ng kuwarto—doon na nagsisimula ang mga iba't ibang nilalang na nakikita ko.

Para silang nagpa-party sa loob ng kuwarto. Walang nakakakita kundi ako lang talaga. Isang kapre na sintangkad ng pintuan at nakasuot ng itim. Isang white lady sa harapan ng salamin. Maraming mga batang naglalaro sa loob. Nagtatawanan pa silang lahat habang nakatingin sa akin. Hindi iyon basta-bastang bangungot dahil harap-harapan nang nangyayari ang lahat habang tinitingnan ko ang mga magulang at kapatid kong mahimbing na natutulog. Samantalang sila naman ay nakangisi lang sa harapan ko. Para bang ako talaga ang pinagti-trip-an ng mga kakaibang nilalang na ito.

Wala na akong nagawa nang mga oras na iyon kundi umiyak nang umiyak at nanalangin na sana ay matapos na silang magpakita.

Natigil lang akong makakita ng masasamang elemento kapag narinig ko na ang pagtilaok ng manok, o kaya ay alas-singko na ng umaga at medyo bughaw na ang langit.

Sa loob ng tatlong araw ay sunod-sunod akong umiiyak kapag sapit ng gabi. Sa pagitan ng alas-dose hanggang alas-tres ng madaling-araw. Pakiramdam ko kasi  na naman ay dadalawin na naman nila ako.

Kaya naman napagdesisyunan ng mga magulang ko at ni lola na ipatingin ako sa albularyo o sa mga relihiyosong tao kasi di rin nila maintindihan kung ano ang nangyayari sa akin . Wala naman kasi akong sakit sa utak. Hanggang sa napatunayan na nila talagang may third eye ako. Nakakakita ako ng mga nilalang na di nakikita ng pangkaraniwang tao.

Isang albularyo ang nagpainom sa akin ng isang baso ng tubig. Namumutla talaga ako at nanginginig pa noong binisita ako. Pero pagkainom na pagkainom ko talaga sa tubig na iyon  iyon na binasahan ng dasal ay biglang nagkakulay ang mga labi ko na ikinagulat nina mama at lola. Naging pulang pula raw. Tapos may ibinigay siya sa aking kulay itim na hugis parisukat.

"Hija, itago mo ito. Ito ang iyong agimat para sa kanila. Para lubayan ka na nila at magdasal ka rin," sabi ng albularyo.

Hanggang ngayon ay nasa akin pa rin yung agimat na iyon.

Pagsapit ng Dilim {Short Story + Diary}Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon