Si Ken.

2.2K 85 24
                                    

Ilang oras na lang at magsisimula na ang pasayaw pero hindi pa rin natutuyo ang pulang plaid polo shirt na binili namin ni George sa ukay-ukay ni Aling Betty.

"Malas naman o!"

Wala na akong magagawa kundi magsuot na lang ng puting t-shirt kapag hindi ito natuyo. Kung bakit kasi sabi ng Tatay ko noon, nakakagwapo daw ang puti. Ayan tuloy, sa kagustuhan kong maging gwapo sa paningin mo Ikay, puro puti na lang ang isinusuot ko.

Kinakabahan ako, matapos kasi ang ilang buwan na pag-iwas ko sa iyo, ngayon lang kita ulit makikita. Excited na akong ikwento sa iyo si Hello Kitty, o ang pagkakadapa namin ni Jepoy sa kanto kasi pareho kaming shunga. Excited na akong magkatext ulit tayo ng kung ano-ano sa gabi lalo na kapag bored na bored ka kakahintay kay Ken galing sa klase niya.

Si Ken.

Ang putapeteng monggoloid na pakingshet na karibal ko sa iyo.

Naaalala mo ba, Ikay? Lagi ka niya inaagaw sa akin kapag nakatambay tayo noon sa may likod ng canteen, sa may malapit sa tindahan ng siomai. Palagi ka niya hihilahin tapos ilalayo ka niya sa akin tapos maiiwan akong parang tanga na naman dun. Tapos pagbalik mo, gusto mo agad ituloy ko yung naputol nating kwentuhan na hindi ko na rin matandaan saan natapos kasi nga badtrip na badtrip ako kay Ken.

Tapos magtetext ka ng ganito:

"Terd! Sorry hindi na kita nabalikan kanina sa may canteen ha? Naghintay ka ba?"

Ikay, 10AM pa tayo huli nagkwentuhan sa canteen. Sabi mo bago ka hilahin ni Ken, babalik ka at wag na wag akong aalis kasi magagalit ka. Mahabaging langit, alas-dyes na ng gabi nang itext mo ako noon! At ako naman si tanga, kasi nga sabik sa atensyon at oras mo, naghintay na bumalik ka. Kahit galit na galit na sa akin si Ate na tindera ng siomai kasi magsasara na siya, nandoon pa rin ako at nakikitambay.

Naputol ang pagmumuni-muni ko nang matanawan ko mula sa binatana sina Papsi at Hello Kitty na paparating. Saan kaya sila galing? Dali akong bumaba sa kwarto ko at sinalubong ko sila. Si Papsi may dalang plastic at isang makahulugang ngiti.

"Saan kayo galing Paps? Bakit ang baho mo?"

Biglang binawi ni Papsi ang ngiti niya at pinalitan na naman ng monster face. Yung face niya kapag natatalo ang Spurs niya sa NBA. O yung face niya kapag natatalo siya sa Dota.

"Mabaho pala ah. Wala kang baon pang-damage mamaya. Sayang, kinuha ko pa man din sa LBC ang package ng Ate Danica mo."

Nanlaki ang mata ko, at nalaglag ang panga ko sa sinabi ni Papsi! Si Ate Danica na yata ang pinaka-galanteng Ate sa buong Earth. Palagi niya ako pinapadalhan ng white t-shirt at sira-sirang maong pants saka Chucks. Pero sa pagkakataong ito, wala sa sariling hiniling ko na sana ibang kulay naman ng tshirt ang pinadala niya sa akin. Para may magamit ako sa pasayaw.

Parang baliw na sinunggaban ko si Papsi at ni-wrestling. De, joke lang. Inagaw ko kay Papsi ang dala niyang maliit na kahon at binuksan namin 'yun ni Hello Kitty. Napaka-supportive talaga ng pet dog ko. Pagbukas ko palang, tuwang-tuwa na ako sa nakita ko, nakakita ako ng dalawang pairs ng Stefan Janoski. Niyakap ko 'yun. Amoy UK! Hindi ukay ha? This time, UK talaga! Mas lalo pang nanlaki ang mata ko nang makita ko ang second layer ng kahon. Tatlong khaki trousers, blue, maroon at brown. Ang gagandaaa! Akala ko kasi noon, ang maporma lang tignan eh 'yung pantalong may sira. Hindi pala. Pero nang mahalungkat ko na ang last layer ng package, talaga namang mas lumaki pa ang mata ko kesa sa mata ni Nona. As in super laki. As in parang mata na yata ng kwago. As in. As in. Okay, ulit-ulit.

Ang daming t-shirts, polo shirts, iba-ibang kulay. Wala ako nakita ni isang puti. Tuwang-tuwa akong ginulo ang kokonti at malapit nang makalbong balahibo ni Hello Kitty at tatawa-tawang nakatingin sa amin si Papsi. Ang swerte nga naman! Kanina lang namomroblema ako kung ano ang susuotin ko dahil di natuyo ang polo shirt na binili namin sa ukay-ukay. At ngayon, eto, may mga damit ako galing UK! Swerte ng too much!

NAKAKATUWA KA TALAGA!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon