PROLOGUE

13.6K 166 4
                                    


"HUWAG kang makulit. Umuwi ka na sa inyo, Rodgine!" malakas na sabi ni Kin sa kanya. Nasa loob ito ng kwarto nito habang siya ay nasa labas niyon. Sa tingin niya ay nag-iinarte lamang ito kaya ayaw siyang pagbuksan ng pintuan.

Nasa bahay siya ng mga ito sa simpleng dahilan na gusto niya itong makita. Best friend niya ito, grade four silang dalawa at magkaklase. Absent ito kanina at sumugod siya sa bahay nito dahil curious siya kung ano ang hitsura ng taong may bulutong. Kahit anong pigil ng kanyang ina na magtungo siya doon ay hindi siya nagpatinag. Kaya naman hinayaan na siya nitong gawin ang trip niya pero nagbantang huwag daw siyang iiyak-iyak dito kapag nahawa siya ng kaibigan sa sakit nito.

"Sa dami ng humarang sa akin, isama mo pa sa bilang ang katulong ninyo bago ako nakatapak dito sa labas ng kwarto mo. Sa tingin mo, basta-basta na lamang akong aalis? Neknek mo! Sige na, Kin, lumabas ka na diyan. Promise, hindi kita tatawanan kahit magmukha kang bulutong na tinubuan ng tao." sagot niya at itinaas pa ang kanang kamay na animo nanunumpa kahit na hindi naman siya nito nakikita.

"Mahahawahan kita!" muling sigaw nito.

"Alam ko! Kaya nga nagpunta ako dito, eh. Para magpahawa." nakangising sagot niya.

Ang totoo, gusto talaga niyang magkaroon na din ng bulutong. Ito ang palaging kasa-kasama niya sa eskwelahan nila. Ano ang gagawin niya kung absent ito? Si Kin ang palagi niyang kasabay sa lahat ng bagay, kulang na lang ay sabay silang umihi nito. Ayaw niyang mag-isang pumasok at tumunganga sa mga kaklase niyang feeling close sa kanya dahil lamang sa gustong mapalapit ng mga ito sa bestfriend niya. Nalaman niya mula sa school nurse nila na malamang na isang linggo ang itinatagal ng pagkakaroon ng bulutong ng isang tao. Naroroon siya upang damayan na lamang ang pagkakaroon nito ng bulutong–ganoon siya kabuting kaibigan.

Siyempre, magiging pabor din sa kanya iyon dahil kung magkakaroon din siya ng bulutong, ibig sabihin ay isang linggo din siyang a-absent. Lalong lumawak ang pagkakangiti niya. Pero dagli din niyang inalis iyon at pumormal ng marinig ang pagbukas ng pintuan sa kanyang harapan.

"Pumasok ka na," anito at tinalikudan na siya. Tinungo nito ang kama nito at nahiga doon.

Magkaibigan din ang mga magulang nila kaya naman kahit maglabas-pasok pa siya sa kwarto ni Kin ay ayos lamang sa mga ito. Lumapit siya sa kinahihigaan nito upang makita ito ng malapitan. Parang may awang humaplos sa puso niya ng makita ang ilang mga butlig na parang nagpiyesta sa braso at mukha nito.

"Subukan mong tumawa, ihahagis kita palabas ng kwarto." nakapikit na sabi nito.

"Masakit?" nakangiwing tanong niya. Kung bakit naman kasi nagkaroon ito ng ganoong sakit. Kung bakit naman kasi naimbento pa ang ganoong sakit. Sana ay masaya silang naglalaro nito sa labas ng bahay nila.

"Mahapdi, makati at masakit. Kaya bahala ka sa buhay mo kapag nahawahan kita." pananakot nito sa kanya.

Pareho sila nitong solong anak. Kahit magkaedad lamang sila nito ay palagi itong umaastang kuya niya. Ang isipin pa lang nanahihirapan ito ng dahil sa pesteng bulutong ay nag-iinit na ang mga mata niya sa kagustuhang umiyak. Bumuntong-hininga siya. Humiga siya sa tabi nito at yumakap dito. Hindi lang kuya o best friend ang tingin niya kay Kin. Espesyal ito sa kanya at gusto niyang habang-buhay sila nitong magkasama. She prayed for it every night and she wondered if God will grant her silent wish.

Tale As Old As Time (Published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon