-Kabanata 4-
Habang naglalakad ako sa gilid ng kalsada ay hindi ko maiwasang mapaluha. Ramdam ko ang bawat pagpatak ng aking mga luha. Nangingilid ang mga ito sa aking pisngi. Pilit ko man pigilan ay hindi ko magawa dahil kusa na lamang itong lumalabas sa aking mga mata.
Sa sobrang bigat ng dibdib ko ay nahihirapan ako sa paghinga. Sa bawat paghugot ko ng hininga ay kasabay niyon ang pagkirot ng aking puso. Sobrang sakit, tipong hindi ko na alam kung ano ang dapat kong gawin. Gusto kong maging matapang at sabihin sa sarili kong, "kaya ko". Pero alam ko naman na hindi ko talaga kaya.
Gayong, nangangapa ako sa kahahanap ng paraan upang maibsan ang nararamdaman kong sakit.
Kung puwede lang sana tapusin ang lahat ng sakit na nararamdaman ko ngayon ay ginawa ko na. Napahinto ako sa paglakad at napahagulhol. Tinakpan ko ang mukha ko at hinayaan ang sariling humagulhol nang malakas.
Bakit kami umabot sa ganito? Nangako siya akin na kahit anong mangyari ay hindi niya ako susukuan o sasaktan. Nangako siya sa akin na iintindihin niya ako kahit anong mangyari dahil mahal niya ako. Ngunit sa ginawa niya sa akin ngayon. Sa ginawa niyang pambababoy sa akin. Parang sinabi niya ring walang katotohanan ang lahat ng pinangako niya sa akin.
Nanginginig man ang mga tuhod ko ay nagawa ko pa ring lumakad na hindi nadadapa. Ngunit ang mga mata ko ay nanlalabo na at hindi ko na makita ang daan na nilalakaran dahil sa mga luha kong walang tigil sa pagtulo. Mahigpit kong hinawakan ang bitbit kong pouch nang matanaw kong may taxi na paparating.
Huminto ako sa paglakad at dali-daling pinahiran ang mga luha sa aking mata at pisngi bago pinara ang taxi. Nang huminto ay agad akong pumasok at umupo. Huminga ako nang sobrang lalim at saka tumingin sa driver.
"Saan po tayo ma'am?" ang tanong sa akin ng driver habang nakasilip sa rearview mirror.
Umiwas ako ng tingin at lumunok ng makailang beses. "R-Rockwell's Subdivision p-po."
Pagkatapos niyon ay makailang beses akong kumurap-kurap. Muling nag-init ang sulok ng aking mga mata. Pagkaraan ay tuluyan nang tumulo ang aking mga luha. Mariin kong kinagat ang nanginginig kong mga labi.
Tama na... Ang sakit na... Hindi ko na kaya.
Nanginginig ang aking kamay na nakahawak sa pouch. Daig ko pa ang nanginginig sa lamig dahil sa samu't saring emosyon na nararamdaman. Takot, pangamba, isama na rin ang paninikip ng dibdib sa sobrang sama ng loob at sobrang lungkot.
Morgan...
Muli kong pinahiran ang luha at inayos ang sarili. Umupo ako ng maayos at binuksan ang pouch upang tingnan kung nagdala ba ako ng panyo. Nang makitang pera lang at cellphone ang dala ko ay napasandal na lamang ako sa kinauupuan at saka mariin na pumikit.
Heto na naman ang mga luha ko. Umaamba naman na tutulo. Pinilig ko ang ulo at iniangat ang mukha. Huminga nang sobrang lalim at napatingin sa harapan. Hindi puwedeng iiyak na lang ako palagi. Hindi puwedeng mahina ako. Hindi puwedeng unahin ko palagi ang emosyon ko.
Dahil kung uunahin ko ang mga ito. Paano na lang ako? Paano ko haharapin si Morgan kung ganito ako? Paano ko siya makakausap? Dapat galit ako ngayon eh. Dapat galit ako sa ginawa niya sa akin.
"Ma'am, nakapasok na po tayo. Saan po tayo?"
Napabalik ako sa sarili nang marinig ang boses ng driver. Tumingin ako sa harapan, "Manong, ideretso niyo na lang po at ihinto na lang kapag nakita mo 'yong asul na gate... sa malaking bahay."
Napakagat ako ng labi at muling pumikit ng mariin. My home, before. Kinagat ko ang labi at umiling-iling nang makailang beses.
"Ah, sa bahay po ba ni Morgan Savedra ma'am?" masiglang tugon ng driver.
BINABASA MO ANG
My Badass Boyfriend (Under Revising)
General FictionCleiya Delano has a boyfriend named Morgan Savedra, a successful bachelor in town and the new Chief Executive Officer of the Savedra Company. However, despite Morgan's luxurious life, he has a deep sense of insecurity. At this point, Morgan becomes...