Untitled Story Part | 4:55 AM

5 1 0
                                    

(Spoken Word Poetry)

Magsisimula ako sa parte ng istorya
Kung saan una mong inamin
Na ika’y may nararamdaman din para sa akin
Magsisimula ako sa kung paano ako Napangiti’t kinilig sa nalaman ko,
Sa kung paano nabuo ‘yong araw ko,
Sa kung paano ko sinabi sa mga kaibigan ko,
Na sa wakas ‘yong taong mahal ko,
Ay mahal din ako

Nagsimula tayong mapalapit sa isa’t isa
Na tila ikaw at ako ay tinadhana para tulungan ang bawat isa
Tinulungan kita no’ng ika’y nadapa
At tinulungan mo rin akong bumangon
Nang ako naman ang nangailangan sa’yo

Masasabi kong ikaw ang nag-iisang positibo
Sa buhay kong puro negatibo
Ikaw ang nagpapangiti at nagpapatawa
Sa isang katulad ko na walang ibang alam gawin
Kung hindi ang sabihing hindi ako natawa sa mga biro mo,
Na walang sense ang mga hirit mo,
Na kahit pinasaya ako nito,
E lalaitin ko pa rin para asarin ka ng todo

Mahal, sisimulan ko nang talakayin
Kung paano tayo nagkalabuan
Sa kung paano napawi ang mga ngiti sa  labi ko
Simula nang nangulila ako sa presensiya mo

Mahal, kahit kaonting oras mo lamang
Ay liligaya na ako
Isang mensaheng nanggaling sa'yo
Ay mabubuo na ang araw ko
Ngunit naging abala ka sa mga bagay na mas importante kaysa sa akin
Bagay na hanggang ngayon ay ang hirap intindihin

Mahal, nagsimula tayong masaya pero ba’t natapos tayong malungkot
Mahal, mahal natin ang isa’t isa pero ba’t kailangang ang puso ay kumirot
Mahal, ang ating pinagsamahan ay parang papel na nilulukot
Na habang nilulukot ay kasabay no’n ang puso kong parang dinudukot

Mahal, mahal natin ang isa’t isa pero hindi pa tayo handa
Mahal natin ang isa’t isa pero hindi pa tayo handang pumasok sa isang relasyon
Mahal natin ang isa’t isa pero may mga bagay tayong dapat isaalang-alang
Mahal, mahal kita pero hindi na tayo nakabubuti para sa isa’t isa
Nasasaktan mo ako at napahihirapan kita

Mahal, ngayong nagsisimula nang matapos ang piyesa ko
Hindi ko sasabihing natapos tayong walang nasimulan dahil mahal,
Simula nang pinintig ka ng puso ko,
Kahit no’ng mga panahong ako pa lamang ang nagmamahal sa iyo,
Ay nagsimula nang tumakbo ang istorya sa pagitan ng ikaw at ako
At ngayong magtatapos na ito,
Pakatandaan mo,
Na masaya akong naging parte ka ng buhay ko,
At ikaw ang bukod tanging aral na ipapamahagi ko,
Taong parte ng istorya ko,
Kahit walang titulo.

*

4:55 AM | APR 28, 2018

Every Hour Thoughts (One-Shot Compilation)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon