Kabanata 03
Napaupo ang tatlo sa mga upuang nasa sala. Palihim namang sumulip mula sa pintuan si Riko na kinakabahan rin sa mga mangyayari.
Nilapag ng ginang ang kanyang bayong sa gilid at nagpunas ng pawis sa leeg gamit ang puting bimpo. Pagkatapos niyon ay pinasadahan niya ng tingin ang lalaking ngayon niya lamang nakita habang suot ang pinaglumaan ng kanyang mister.
"Sino ka at bakit ka narito?" Wika nito gamit ang ma-awtoridad na tono. Napayuko naman si Tapong at nagwika.
"Magandang hapon po ginang. Ang ngalan ko po'y Taptap at nagmula po ako sa---" Hindi na naituloy pa ni Tapong ang kanyang linya dahil mabilis na nagsalita si Rizelkei. Pinutol niya ang mga sinasabi nito dahil sa matinding kaba.
"Nay, kaibigan ko po siya at galing siya sa Mount Pinatubo. Nagkaroon po kasi ng kaunting pagsabok doon ng mga lava kaya bumisita po muna siya dito. Pero aalis din naman po siya---"
"N-nagkakamali po ang binibini." Agad namang sambit ni Tapong kaya napakunot noo ang nanay, nagitla siya dahil tinawag niya sa salitang binibini ang kanyang anak. "Ang totoo po niyan, narito ako upang suyuin siya at nagmula ako sa---"
Hindi na naman naituloy ng binata ang kanyang sinasabi dahil sumigaw na si Rizelkei.
"Galing po siya sa Mount Pinatubo okay? Sakin po kayo maniwala 'nay!"
"Eh teka nga." Nakapikit na sambit ng ina. Naguguluhan siya sa mga sinasabi ng mga kabataan sa kanyang harapan. "Ano ba talaga? Tumahimik ka nga muna Riz, hindi naman ikaw ang tinatanong ko."
Napayuko na lamang ang dalaga. Ayaw niya lang kasi sambitin ng binata na nagmula siya sa taong 1458 dahil baka isipin ng nanay niyang baliw siya.
"Ako po'y nagmula nga sa Pinatubo." Napahinga ng maluwag ang dalaga na para bang nabunutan ng tinik. Tumingin na siya ng bahagya kay Tapong. "At narito ako upang suyuin ang iyong anak."
Nanlaki ang mga mata ni Rizelkei. Hindi siya makapaniwala sa sinambit ng lalaking ito sa ina niya! At ang mas nakakagulat doon ay ang pagkuha nito sa kamay niya at dahan dahan itong hinalikan!
"Hmm... Mukhang seryoso ka talaga sa anak ko." Wika ng nanay ngunit nakikitaan siya ng inis sa mga mata. "Saan ka ba tutuloy ngayon gayong umalis ka na sa Pinatubo?"
Umayos na ng upo si Tapong at tumingin sa ginang. "Ang totoo po niyan ay hindi ko na alam sapagkat wala pa akong alam na lugar na mapagtitirhan dito."
"Ang lalim mo naman magsalita. Ano bang nakain mo?"
"Ah hehe." Napakamot na lamang siya sa batok habang tumatawa nang mahina.
"O siya! Pwede ka namang tumuloy diyan sa kubo namin sa may labas. Pansamantala lang muna ha? Babalik ka rin doon sa Pinatubo kapag humupa na ang tensyon ng bulkan."
Biglang kuminang ang mga mata ni Tapong dahil sa tuwa. Napangiti rin siya ng ubod tamis. "Talaga po?"
"Oo, ngunit mahigpit na ipinagbabawal ang ligawan dito."
Biglang nawala ang ngiti niya ngunit pinilit niyang maging masaya, binigyan niya muna ng tingin ang dalaga bago tumayo.
Tumayo na rin ang nanay at lumabas ng bahay kasama siya. Inihatid siya nito sa kubong tinutukoy at binuksan ang pinto.
Sumalubong ang maalikabok na hangin kaya sabay silang napaubo. Nakasunod rin sa likod sina Riko at Rizelkei na nagtataka rin sa kalagayan ng kubo.
Tinali ng nanay ang mga kurtinang nakaladlad upang magbigay liwanang ang dalawang bintana. Wala ring nakakonekta na kuryente kaya naman walang ilaw na maaaring magbigay liwanag sa gabi. Kumuha na rin ng walis si Rizelkei at nagkusang walisin ang mga alikabok sa sahig.
BINABASA MO ANG
That Guy From 1458 (Completed)
FantasyAno ang gagawin mo kung bigla na lang susulpot sa harap mo ang isang lalaki at sasabihin sa'yong nagmula siya sa taong 1458? ** Highest Rank (Category: Alamat) #1 (May 23,2018) #1 (May 25,2018) #1 (June 17,2018) #1 (June 22,2018)