Kabanata 01
Nakapikit na sinamyo ni Rizelkei ang aroma ng cappuccino sa kanyang harapan. Dumarami na ang tao sa loob ng coffee shop ngunit hindi niya ito alintana. Matagal tagal na rin kasi siyang customer dito dahil sa mga kapeng bumubuhay sa kanyang isipan, lalo na't kailangan niyang magpuyat ngayon dahil sa mga tambak na school papers na hindi pa niya nasisimulan.
Huminga siya ng malalim at saka ininom na ang kape. Nang ibaba niya ang baso ay muli niyang tiningnan ang text message ng kaibigan niyang si Lisha:
Uy gaga, umuwi ka na! Baka maabutan mo pa ang haliparot ng Prince Charming mo diyan.
Umiling iling na lamang siya at napasimangot. Pinabayaan na lamang niya ito at inubos ang kapeng ni-order. Nang maubos ay binulsa na niya ang kanyang cellphone at tumayo. Akma na sana siyang maglalakad nang biglang nagsikalansingan ang mga chimes sa pinto kaya nabaling ang atensiyon niya doon.
Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita niya ang matagal na niyang crush na si Bernard Alonzo. Ngingiti na sana siya dahil dito ngunit napalitan ito ng simangot nang sumulpot naman sa tabi nito si Jenni, ang mortal niyang karibal.
Nangatal ang kanyang labi sa sobrang inis subalit wala siyang nagawa. Ano nga ba ang karapatan niya upang magalit? Unang una, wala naman silang relasyon ni Bernard, magkaklase lang sila at higit sa lahat, baka hindi pa siya nito kilala.
Ganoon katindi ang bagsak ng katotohanan kay Rizelkei kaya patay malisya na lamang siyang naglakad nang hindi man lamang tumingin sa binata.
Nang lumabas na siya ng nasabing shop ay agad siyang pumara ng jeep. At dahil rush hour ay siksikan ang mga pasahero na tumambad sa kanya. Wala naman siyang nagawa kun'di ang makisiksik sa pwestong napakasikip. Palihim na lamang siyang napangiwi sapagat ang katabi niyang ale ay may taglay na hindi kanais nais na amoy.
Palihim siyang nagrereklamo sa sarili. Kung sumabay lang sana siya sa kaibigan niya kanina ay hindi sana siya mahihirapan ng ganito. Isa pa, alam naman niyang masasaktan siya sa masasaksihan niya sa coffee shop pero nagpaiwan pa siya. Mukhang ewan lang.
Si Bernard ay isang hamak na working student sa coffee shop na iyon at dahil sa taglay na kagwapuhan ay bumebenta ang shop, dahilan kung bakit dinadagsa rin ito ng mga kababaihan. At dahil isang malaking tanga itong kanyang tagahanga na si Rizelkei, heto, nagdurusa na siya sa amoy-putok niyang katabi.
Ugali na talaga ng dalaga na sumakay sa jeep sa tuwing umuuwi siya galing sa eskwela. Wala naman kasi siyang sapat na pera upang magkaroon ng sariling service. Lagi rin siyang takip silim kung umuuwi dahil hindi niya pinapalampas ang huling oras na makikita niya si Bernard sa coffee shop. Ilang taon na rin yata niya itong all time crush kaya hindi niya maiwasang tanggihan ang sarili kahit na ipagpapalit ang mga mahahalaga niyang oras dito.
Biglang nag-vibrate ang cellphone niya kaya pasimple naman niya itong kinuha at panakaw na tiningnan.
From: Bessy Lisha
Girl! Luka ka! Galit na galit ang momshie mo! Bakit hindi ka pa raw umuuwi, hindi ko nga alam kung ano ang isasagot ko, kaaalis lang niya dito sa bahay namin.
Napapikit na lamang siya ng mariin. Naalala niya bigla na napakarami pa pala niyang gawain sa kanila na hindi pa niya nagagawa, idagdag pa ang mga school works na hindi na mabilang sa daliri.
Kaya ganun na lamang ang paninisi niya sa sarili kung bakit pa niya nagustuhan ang isang lalaki na hindi naman siya kilala. Ganun na lamang ang pagmumura niya na ala-Gloc 9 ang datingan.
"Para po!" Sigaw niya nang tumapat na ang jeep sa kanto ng kanilang Sitio Pampang. Pina-abot niya ang bayad sa katabing halos isang taon ng hindi naliligo at dali-daling bumaba.
BINABASA MO ANG
That Guy From 1458 (Completed)
FantasíaAno ang gagawin mo kung bigla na lang susulpot sa harap mo ang isang lalaki at sasabihin sa'yong nagmula siya sa taong 1458? ** Highest Rank (Category: Alamat) #1 (May 23,2018) #1 (May 25,2018) #1 (June 17,2018) #1 (June 22,2018)