CHAPTER ONE

18.6K 192 2
                                    


FINALLY, after twenty years, ay magkakaharap na kami ng aking ama. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko sa sandaling makita at makausap ko siya. Matutuwa ba ako? Magagalak? O magngingitngit?

May puwang pa nga ba ang poot sa ganoong pagkakataon? Magagawa ko ba siyang sumbatan at ipamukha sa kanya na kahit wala ang tulong at suporta niya ay naging "tao" ako? At hindi lang basta-bastang tao kundi isang matatag at matapang na babae!

Malayo na ang narating ng isang Charlyn Yap. Hindi na miserable ang buhay ko. Sa edad na beinte-siyete ay may sarili na akong bahay at lupa at magarang kotse at mamahaling motorsiklo. Wala na akong mahihiling pa sa buhay. Ganunpaman, madalas pa rin akong dalawin ng kalungkutan dahil wala na ang mama ko. Wala na ang inspirasyon ko.

Pero batid kong hindi niya ikakatuwa kung mawalan ako ng ganang magpatuloy sa pakikibaka sa buhay. Good thing na may mga kaibigan akong hindi umaalis sa aking tabi. Come to think of it, ano kaya ang magiging reaksiyon ni Mama sakaling nabubuhay pa siya at malaman niya ang nakatakdang pakikipagkita ko sa aking ama?

Ni minsan ay hindi namin napag-usapan ang tungkol sa bagay na iyon. Tila binura na nga ni Mama sa sistema niya si Papa. At hindi ko siya masisisi. Malaki ang nagawang kasalanan ni Papa sa kanya at sa akin.

Dahil doon ay hindi ko mapapatawad ang aking ama. Nais ko siyang pasakitan. At ang magandang instrumento para maisakatuparan ko ang misyong iyon ay gamitin ang lalaking itinuturing nitong sagabal sa lalo pang pagyaman nito.



****

"HANGGANG kailan ka roon, Cha?" naghihinampong tanong ni Winona kay Charlyn, magkausap sila  sa cell phone.

"Hindi ko pa matiyak," walang anumang sagot ni Charlyn.  Kinumbinsi kasi siya ni Winona  na huwag na niyang ituloy ang binabalak na pag-alis. Ngunit buo na ang kanyang desisyon. Nahagip ng kanyang tingin  ang pagsenyas sa kanya ng kapatid niyang si Ian. Ito ang maghahatid sa kanya sa destinasyon  gamit ang motorsiklo.

"Sabihin mo nga sa akin, babae. Wala ka bang balak na um-attend sa kasal ko? Bakit ayaw mong tiyakin sa akin kung kailan talaga ang balik mo?"

Itinirik niya ang kanyang mga mata. "Winona, next month pa naman ang kasal mo. 'Palagay ko naman, by that time, tapos na ang misyon ko kay Mr. Yap," aniyang parang ibang tao ang lalaking tinukoy.

"Ano ba talaga'ng plano mong gawin doon? Bakit kasi makikipagkita ka pa sa father mo?"

Tumawa siya nang bahaw. Hindi lingid sa kaibigan  ang kuwento ng kanyang buhay. "Ano pa, di bigyan ng problema at sakit ng ulo ang lalaking iyon!" may himig pagmamayabang pang wika niya. Hindi niya maatim na tawaging  "papa"  si Ernesto Yap.  Napakatagal na panahong wala siyang kinilalang ama. At matagal na niyang tinanggap ang katotohanang iyon.

"You're kidding me, Charlyn."

"Well, I'm serious about it. Hindi ko pa lang matiyak ngayon kung paano ko pasasakitin ang ulo ni Mr. Yap."

"Jesus! Don't tell me na talagang desidido kang gantihan ang father mo?"

"Why not? Ganitong siya ang naghanap sa akin, ang lumalapit sa akin, binigyan tuloy niya ako ng ideya. Binigyan niya ako ng oportunidad na maipamukha--"

"Mas makakabuting kalimutan mo na iyang binabalak mo, Charlyn. May sarili ka nang buhay. Go on with your life."

"Pero, Nona..." Hindi niya agad nadugtungan ang sasabihin. "Nakapagpasya na ako. Itutuloy ko pa rin ang plano ko."

THE STORY OF US 3: CHARLYN AND IVAN (published under PHR1863)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon