CHAPTER NINE

5.6K 110 3
                                    

"BOSSING, uuwi ka na agad?" tanong ni Goryo nang pumasok ito sa opisina ni Ivan. Halata sa gayak niyang aalis na nga siya dahil dala na niya ang kanyang portfolio at ibang gamit. "Pasado alas-kuwatro pa lang ng hapon, ah."

"Oo," matipid na sagot niya.

Halatang nanunukso ito nang ngumiti. "Heto na'ng ipinakuha ninyong bulaklak. Pinitas ko pa ang mga iyan sa tanim ng asawa ni Manong Titong," pagmamalaki pa ni Goryo, saka iniabot sa kanya ang mga pulang rosas.

Nakangiting kinuha ni Ivan ang mga iyon. Hindi niya ugaling magbigay ng mga rosas o kahit anong klaseng bulaklak sa babae. Nako-corny-han kasi siya. Pero ngayon, basta na lang niyang naisipan iyon.

Alam niyang napikon sa kanya si Charlyn. Kung tutuusin, hindi naman niya kasalanan kung nakita man siya nitong nakahubad. Totoo naman kasing nang umagang iyon lang niya napansing sira ang lock ng pinto sa banyo.

Kapag sumasagi sa kanyang  isip  ang reaksiyon nito ay nangingiti siya. Ganunpaman, hindi rin niya maiwasang mag-alala dahil baka matakot na ito sa kanya at bumalik na lang ito sa bahay ng papa nito.

Gusto  man niyang humingi ng dispensa rito bago siya umalis ay nagdalawang-isip siya. Nahimigan niya sa boses nito ang galit kaya nagpasya siyang palipasin na muna ang init ng ulo nito.

"Hindi ba dapat, Boss, hindi muna kayo pumapasok?" untag ni Goryo sa pananahimik niya. "'Ba, wala ba kayong balak na mag-honeymoon sa ibang lugar?"

"Hindi na muna sa ngayon," aniyang hindi naman napikon sa pagkaatribido nito. Sanay na siya sa ugali nito.

"Ang dami talagang nabigla sa madaliang pagpapakasal n'yo. Pero wala naman silang masabi sa misis n'yo. Nakita n'yo naman, Boss, talagang ang bilis kumalat ng balita. Hindi magtatagal, titingalain na ng mga tao si Ivan Arcanghel."

Nginitian niya ito. "Hindi kaya ikaw ang tingalain ng mga tao dahil sa nipis ng katawan mo? Malamang na matangay ka ng hangin. Hindi mo yata iniinom 'yong ibinigay kong vitamins."

Kumamot ito sa batok. "'Hirap lunukin, Bossing. Ganito na talaga ang katawan ko mula nang ipanganak ako. Siyanga pala, paano si Lucy, Bossing? Alam na ba niya?"

Napatingin siya sa picture frame na nasa ibabaw ng kanyang mesa. Dapat na palang alisin niya roon ang larawan ni Lucy. Kung tutuusin, puwede niyang sabihin at ipaliwanag dito ang tungkol sa setup nila ni Charlyn. Baka sakali pa ngang maunawaan siya nito at maghintay ito sa kanya hanggang matapos ang palabas na iyon.

Pero sa hindi matukoy na dahilan ay hindi niya ginawang kausapin si Lucy. Puwedeng sumusunod lang siya sa reglamento ni Charlyn. Pero naalala niya ang sinabi nitong bahala na siya kung paano niya sasabihin sa kanyang kasintahan ang tungkol sa setup nila. Siguruhin lang daw niya na hindi masisira ang kanilang palabas. Sa kabila ng lahat, mas pinili niyang hayaan nang matuldukan ang relasyon nila ni Lucy.

"O, sige, aalis na ako. Ikaw na ang bahala rito. Teka nga, bakit nga pala wala pa rin si Julie? Hindi siya nagsabing a-absent ngayon."

Alanganin ang ngiti ni Goryo. "May pagkamanhid ka pala, Boss. Kaya wala si Julie kahapon pa, eh, dahil pihadong ngumangawa pa iyon."

Kumunot ang noo ni Ivan.

"Naman, Boss. Hindi mo pa ba bistadong may gusto sa 'yo ang sekretarya mo? Kaya nga hindi ako pinapatulan, eh, dahil sa 'yo."

Natawa siya. "Bueno, pagbutihin mo na lang ang diskarte mo. Kapag napasagot mo siya, sagot ko'ng kasal n'yo."

Animo nasindihang bombilya ang kislap ng mga mata ni Goryo. Kulang na lang ay pumalakpak ang naglalakihang tainga nito.

THE STORY OF US 3: CHARLYN AND IVAN (published under PHR1863)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon